Maputla at nagbabalat na labi, magulo at kalat kalat na hibla ng mga buhok na nagkalat sa pisngi. Hindi katangusan ang ilong pero mahalaga nama'y mukhang tao. Matambok nga lang ang pisngi na akala mo'y siopao, panggigilan mo na daw syang yakapin, pero wag mong pipisilin ang kanyang pisngi at baka ika'y tumalsik at mabali ang lamesa. Dalawa, tatlong baba pero mahalaga nga'y mukha ng tao pa rin. Mahilig sa filter para mag mukhang tao, umepekto pero peke pa rin. Pero wag ka't tunay na kaibigan naman yan. Yon nga lang minsan di nya maiiwasan ang mag taas ng kilay, ka'y nipis naman pero ang lakas ng loob na gawin.
Ganyan ilarawan ang babaeng baliw sa pagkain at sa salitang "Crush". Ang hilig magka "Crush" ni isa nama'y walang tumumpak, sa lahat sya'y lumigwak. Marami raw pangarap "Kasama na ikaw kwash" pero di nagsusumikap para sana umangat kahit isang ounce. Ang daming gustong abutin, kuhain, angkinin pero sa lahat ng yon isa lang ang kayang tupadin. Bitcoincash sa bulsa - isa yon sa kanyang naangkin. Kay rami raming hiling, unti unti sana'y marating. Simpleng babaeng matakaw sa atensyon ng minamahal, kindatan mo't mamimilipit sa kilig. Pangakuan mong "Susungkitin ang Bituin" at ika'y lalagapak - pagkain lang sapat na iya'y kanyang hiling.
Kay rami ng nakilala't naging kaibigan pero ni isa walang tumagal, walang maituturing na "Bestfriend" dahil yong mga itinuring nyang kasanggang dikit, lahat nakahanap na ng kadikit, mga hangal ngayon nawalan sila ng Aling Marikit, si marikit - hindi sya kasing liwanag ni marikit pero sa pisngi nya may nakaukit na ngiti, Hindi yon pilit - papatawanin. Gagawing katatawanan ang iyong problema, huhugot, tatalon, hihingi ng lagay para sa effort magpasaya. O diba, kahit papaano napasaya ka nya. Ganyan ang tingin nya sa mundo, lahat ginagawang biro. Parot sa pagbabago, iboto para sa senado, gaganda ang buhay mo, kukulayan ng itim - pababalikin ka sa black and white theme.
Umiikot man ang mundo nya sa apat na sulok ng kwarto nyang madilim, pero hindi dahilan iyon para ika'y di sagipin. Hindi tatawid sa pitong bundok, hindi magpapakalunod sa dagat dahil baka una pa syang tangayin, ng anghel na may Black Wings, teka teka ang Black Ripper ba'y may pakpak? Walang buwis buhay na magaganap pero marami namang pweding maging solusyon, hindi lang yang pagpapatiwakal na daan. Hihilahin ka palabas at sabay na susuong sa panganib, mabuhay o mamatay, mahalaga'y importants. Ang isiping may karamay sa lahat ng bagay, hindi ba't yon ang mas mahalaga? Hindi susukuan, bagkus sabay na lalaban. Para lang yang bacteria - antibiotics lang ang katapat. Kung madaming bacteria ee di masohin.
Yan si Parot, mabait, matulungin (kuno) tatakbo para sa pagbabago - tatakbo palapit SAYO at "babaguhin mo ang surname ko, idudugtong mo yang sayo. Yan ang malupet na pagbabagong hinahangad ko! Para sa future ko, hindi para sa future ng maraming tao kasi sakim ako." Hindi naman masamang maging sakim paminsan minsan, pero kung ikaw ang ipagdadamot - "gagawa pa ng trap para lahat ng magtatangkang umagaw sayo, mahuhulog sa patibong ko hanggang ako nalang ang matira sa mundo mo." Kung saan saan na napunta ang usapan, ibalik natin sa seryoso.
May nabasa ako kahapon, artikulo ng isang user. Nag Pop-up sa messenger, ang ibig kong sabihi'y sa Notification at pinamagatang "Ano nga ba ang aking talento." Isinulat ng cute na kabute na may pangalang @carisdaneym2. Isa syang magiting na kabute na katulad ng kabute'y - alam mo na ang ibig sabihin ng kabute kaya deretso na tayo. Napatanong din ako sa sarili ko, "Ano nga ba ang aking talento!" Hindi ako magaling sa argumento kaya ito ang unang unang aalisin sa listahan. Ang tingin ko sa "Debate" ay pag aaway na pag nagkapikuna'y magbabatuhan ng kutsilyo, kaya umiwas tayo kung ayaw nyong madali ng espada na may tatak na ahas.
Sinubok ko ang Potograpiya - kumuha ng litrato ng aso, kawali, atis, puno at pusa. Ayos ang anggulo pero hindi pa perpekto. Masasabi mong walang karanasan at pwd mong bansagang "Baguhan." Tumuwad, tumingala at nagmukhang ulaga - para sa Potograpiya gagawin ang lahat para sa isang kuha na di man perpekto'y maaapreciate naman ng bente katao. At tulad ng aking komento sa artikulo ng kyuti na kabute - may isang talento na hinangad kong meron ako. Pagguhit, kung saan lahat ng nararamadaman mo'y maaari mong ibuhos. Ang sakit at pighati gagawing desinyo - bubuo ng larawan, walang deriksyong guhit pero para sa lumikha yon ang ilang bahagi ng kanilang nalulumbay na puso.
Nasaktan at nagluksa - ipininta lahat at nakabuo ng isang likha - Abstract. Magulo, iba iba ang kulay pero sa magulong kulay na iyon, nakatago ang awts, pain, lumbay, poot, pighati at dusa. May kunting saya't ligaya pero lamang ang kalungkutan dahil sa pag-iisa. Sa imahinasyon ko'y isa akong magaling na mangguguhit, kung mamarapati'y pipintahan ko ang mundo ng lahat - gagawing makulay kung saan nagkalat ang mabangong sampagita. At dadalhin ng simoy ng hangin ang bango patungo sa mga pusong pinaghaharian ng dusa. Maganda ang hangad pero hindi nabiyayaan, subalit, datapwat, magkaganonpaman!
Maaari ko naman kayong kantahan, ang konsyertong naganap hindi na halos mabilang - tabo, timba, tuwalya ang nagsilbing manonood. Pinalapakan, sinipulan, iyong giliw hinangaan. Pero lahat ng itong kathang isip lamang dahil sa ako'y may boses na di pinagpala. Dinaig pa ang palakang inipit na nagpipilit kumawala. Alam kong hindi ako maaaring maging manganganta. Sa takot ko sa tao, baka malugi ang kompanya, sermunan pa ako ng di mabilang na salita. Kung sana'y pinursigi ko ang pagpupulis, malamang ako'y naging hero na pero di ako sisigaw ng "Ding ang Bato!" kundi "Taas Kamay, napapalibutan kana namin Hulyo!"
At tulad ng sabi ko, hindi ko alam ang talento ko. Nabuhay lang ba ako sa mundo para pasayahin ang ibang tao, o baka lang di ko pa nadidiskubre dahil naka focus ako sayo? Pero kahit ano paman yan. Hindi naman mahalaga kung ika'y talentadong Pinoy o hindi, basta masipag ka, may pangarap sa buhay maliban sa kanya at may pagpupursigi na makamit ang gusto - keri na yon. Tataas at tataas ka pa rin basta ba hindi iikot ang mundo mo sa Pera. Sungkitin, trabahuin ibigay ang buong lakas - napagod ka man sa simula pero sa huli, makakamit mo ang tunay na ligaya. Walang daya yun, kasi tinrabaho mo, nag effort ka, binigay ang best kaya ngayon damhin mo ang tamis ng tagumpay. Mabuhay ka Bonifacio!!!
"Karwaheng puti, pinapatakbo ng maliliit na aso, pero wag'kat mga lobo. Isang babaeng mahimbing ang pagkaka himlay, may ngiti sa labi. Animo'y pinapalibutan ng sari saring hayop - pinapasaya at sinasayawan. Kapayapaa'y nakaguhit sa mukha - marahil ay nananaginip yan." Ganitong obra ang pangarap kong iguhit sa mukha ng lahat. Walang mababakas na problema purong saya lamang, kung sana'y isa akong mangguguhit. Kaya ngiti ka kaibigan, at hinihiling ko ang iyong kapayapaan. Kalimutan ang lahat, ika'y magsaya lamang. Kahit sa panaginip naranasan mong maligayahan. Nawa'y sa paggising mo, dala mo yan hanggang sa maalipungatan. Laban lang kaibigan!
😁
--
Recent Article
Read these to Start in Club1BCH
July 03, 2021
--
Waw ah parang matalinghaga ang iyong mga salita. Para kang tumutula na nagra-rap. Ayos ang buto-buto. Haha.