Misteryo. Lumbay. Tahanan.
Sa mundong napakalawak at sa matagal-tagal ko nang obserbasyon sa lahat ng mga naririto, napagtanto kong ang aking pamamalagi ay may kaakibat na koneksyon sa mga bagay na nadatnan ko. Mahirap kilalanin ang sarili – isa itong hamon sa buhay. Dumaraan tayo sa iba’t-ibang landas at kadalasan ay nawawala o nagbabago ang sa tingin natin ay totoong tayo.
Ang aking pagkatao ay parang isang aklat. Hindi ako makikilala ng sinuman kung tanging ang pabalat lamang ang pagtutuunan ng pansin. Punong-puno ako ng kwento, pagkabigo, sikreto, at pagbangon. Kakaunting tao lang ang may lakas ng loob at paggiliw na humawak at magbasa ng aklat, katulad ko, iilan lang din ang aking mga kaibigan o mga malalapit na tao sa akin. Bagama’t laging bukas ang aking puso para sa lahat, madalang lamang ang mga nakakaintindi at nakakakita ng saysay ng aking buhay.
Dalawampung yugto na ang inilalayo ng aking kwento. Iba’t-ibang karakter na rin ang dumaan sa aking buhay. Kagaya sa aklat, hindi ko binubura ang mga pangyayaring masalimuot, pag-iwan, paglayo, at pagtraydor. Ito ay bahagi ng aking kwento at hindi ako magiging buo sa kasalukuyan kung hindi dahil sa mga pighating aking dinanas. Hindi rin ako iyong tipo ng tao na basta-basta nakakalimot ng pinagsamahan. Kahit ilaga’y mo ako sa pinakasulok ng iyong aparador, pangakong pagbalik mo ay nandito pa rin ako bilang kaagapay sa tagumpay at kabiguan ng iyong buhay.
Ako’y isang aklat na puno ng misteryo. Sa dinami-rami na ng aking pinagdaanan, isang misteryo kung paano ko nakakayanang bumangon araw-araw, at maging ako ay nalulunod sa pagtatanto. Palaisipan ang mangyayari bukas, kung ikaw ay isang mambabasa, isang misteryo pa lamang ang nasa susunod na pahina.
Ako’y isang aklat na nababahiran ng lumbay. Hindi ko sinulat ang aking kwento na puno ng bahag-hari. Inasam kong makita ang buhay sa totoo nitong kulay at dito’y nadatnan ko ang ilang libong rason upang ramdamin ang lumbay dahil dito rin magmumula ang tunay na kaligayahan.
Ako’y isang aklat at nagsisilbing isang tahanan. Hindi ka kailanman mawawala at mag-iisa kung mayroon kang aklat. Ito’y higit pa sa isang karamay; ito’y isang bagay na magpapatahan sa bigat ng iyong nararamdaman at magbibigay sa iyo ng kasamang maglakbay patungo sa nais mong patutunguhan.
Hindi ako ang perpektong aklat na mababasa mo. Ako’y may simpleng nais lamang at ito ang maghatid ng payo at kasiyahan sa iba sa abot ng aking makakaya, sa pamamagitan ng mga salita na nakasulat sa bawat pahina. Isa sa pinakaipinagmamalaki kong ginampanang tungkulin ay ang pagiging isang manunulat, hindi lang sa pahayagan ng paaralan, kundi sa pagiging may-akda ng aklat ng aking buhay.
Misteryo. Lumbay. Tahanan.
Ako’y natatangi at hindi para sa lahat. Tanggap ko ang aking mga pagkakamali, natututo sa aking nakaraan, at nagbabalik-tanaw sa aking pinanggalingan. Gaya ng lahat ng mga aklat sa mundo, may karapatan tayong maging malaya sa gusto nating gawin sa ating buhay hangga’t hindi tayo nakakasagasa ng buhay ng ibang tao. Ako’y isang tao na hindi naghahangad ng masayang katapusan; nagbabasa rin ako ng aklat subalit hindi upang abangan ang wakas, kundi upang matunghayan at matalos ang mga pangyayaring naganap sa kataasan at pagbaba ng buhay.
Sa aklat na puno ng misteryo at lumbay, at maituturing mong tahanan, inaasahan ko na sa dulo ng bawat pahina, ako’y iyong matatagpuan.
That is all for today, guys. I hope you have learned something today from this article I have published. May God bless us all. Mabuhay!
1 - Digital Wellbeing: Fine-tune your Tech Habits/ 2 - Promote Better Growth/ 3- Those were the days, my friends/ 4- New Experiences Come and Go/ 5 - Admit or Lie: Choosing Between Options/ 6 - Dreams: One Word, Countless Reasons/ 7 - Kyoto: City of Past, Present and Future/ 8 - Depresyon sa mga Kabataan: Mga Dahilan at Kung ano ang Makatutulong/ 9 - Limang Letra, Isang Salita/ 10 - Make it Righteous
Special Notes:
All Other Images used in this article (without watermark) are Copyright Free Images from Pixabay and Unsplash.
This is original content.
Kahanga-hanga. Isa kang tunay na makata at lubos akong natutuwa sa artikulong ito. Isa ka ngang libro sapagkat maraming kami mga magagandang bagay na natutunan at matututunan pa sa iyo.