09|08|2021✨
Ngayong araw ay ibabahagi ko sa inyo ang aking karasanan noong ako'y bata pa. Bigla ko itong napag-isipan dahil sa napagkwentuhan namin ni MissJo kahapon patungkol sa aming kabataan. Sa kung gaano kasaya maging bata at bumalik sa pagiging bata.
Alam kong sobrang huli na ako sa "When I was a kid" challenge ni ate bmjc98 pero sige lang, pagbigyan niyo ako.
Narasanan mo na bang mangalakal o mamasura?
Sa Kanto
Ale: Huy alam mo ba , ang yaman yaman niyo noon.
Ako: Talaga ba po? Pano mo nasabi?
Ale: Kilalang kilala nga kayo sa bayan sa karangyaan dahil nga nasa abroad ang Tatay mo, pero noon yun.
Ako: (Natahimik habang bitbit ang sakong punong puno ng kalakal)
Ale: Sayang no? Dati ang lilinis at kikinis niyong tingnan lero tingnan mo ngayon, ang dungis dungis mo na at nangangalakal ka nalang.
Ako: (Medyo napahiya at yumuko) Mauna na po ako.
Pagkatapos ko syang lisanin ay naalala ko din yung panahon na sinabi nya. Panahong sagana pa kami at may kaya sa buhay. Inaamin kong mahirap ang buhay namin noong biglaang naggiwalay ang inay at itay.
Nasa ikatlong baitang ata ako noong naghiwalay sila. Sobrang hirap ng buhay noong kabataan ko. Natuto akong maghanap buhay sa murang edad. Hindi hanap buhay na papa-swelduhan ka kundi yung kakayod ka para kumita.
Natuto akong:
Manginhas at Mamabhas
Manginhas is a Cebuano term; a tradition for those living near the sea wherein they look for seashells early in the morning and/or in the afternoon when the tide is low.
Isa akong veteran na manginginhas noon.
Nangunguha ako ng "kinhason" or seashells tuwing hapon para ibenta sa mga naging suki ko. Masarap yung sabaw nito. Lagyan mo lang ng tangad , amoy palang dagat na, haha , pero totoo masarap talaga. Bali bente peson (20 pesos) yung isang plato. Sa isang hapon mga limang plato yung naibebebta ko. Yung kita ko binibigay ko sa inay para pambili ng bigas. Di na kami namomroblema sa ulam kasi may kinhason na akong dala. Solve na solve na agad yung hapunan.
Mangalakal
Hindi talaga ako nahihiyang magalakal noon. Proud na proud pa nga ako lalo na at mas puno yung sako kong dala kesa sa mga kasamahan ko. Naaalala ko pa nung nag uunahan kaming manguha ng lata sa likod ng isang marangyang bahay. Hindi lata ng sardinas yung mga lata nila, kundi lata ng SPAM, PORK and BEANS , VIENNA SAUSAGE at marami pang iba. Sobrang saya ko kasi halos kalahati ng lata ay naipasok ko sa aking sako. Dapat alerto sa pamamasura. Haha
May mga target na din kaming lugar sa tuwing nangangakal kami. Minsan din nakikiusap kami sa mga taong bahay na iligpit yung mga lata at plastic nila na basura kasi kokolektahin nami sa Sabado o Linggo.
Marami kaming kalakal araw-araw. Merong lata, plastik, bronse, bakal , aluminum, bote ng tanduay - jackpot ako dito kasi malalakas uminom yung mga kapitbahay ko. Bawat pares ng bote ay isang piso. Nakakatuwa talaga yung pangangalakal kasi sa tuwing nakakakita ako ng lata sa daan , pera na agad ang unang lalabas sa aking isipan.
Sobrang saya ko na noon na kumita kahit sa konting halaga kasi alam ko na yung halaga na yun ay makakatulong na sa pang araw-araw naming gastusin. Lahat talaga ng kinikita ko ay binibigay ko sa inay. Pero binibigyan nya din naman ako para pambaon at pambili ng tigpi-piso na ice candy. Di naman mahal yung mga bilihin noon kaya yung limang piso ay sobrang laking halaga na para sa akin.
Tapos isang araw umuwi yung ate ko galing syudad. Galing kalakal ako nung nadatnan ko sya sa bahay , tapos eto sabi nya..
Ate: Uy na-Piring na man kag maayu. Asa man ka gikan? (Uy! Kamukha mo na si Piring sa lagay mong yan. Saan ka ba galing?)
Si Piring pala guys ay isang sikat na mangguguna sa aming bayan. Hindi yun nagsusuklay at medyo di malinis kung tingnan.
Ako: Galing ako dun sa ano, nangalakal kami nina Cielo at Anabelle. (Yung mga nabanggit ay mga kaibigan ko na kasa-kasama ko lage)
Biglang nalungkot yung mukha ng ate ko habang pinagmamasdan ako. Tapos sabay sambit...
Ate: Yang, itigil mo na yan. Wag kana mangalakal. Amoy lata kana!
Natawa ako sa sinabi nya at nagkibit balikat nalang kasi nasisiyahan naman ako sa ginagawa ko. Di ako tumigil kasi kapag tumigil ako wala akong kikitain tapos walang baon. Ayaw ko ng ganon. Haha.
Sa kabuuan, naging masaya at maligalig naman ako noong mga araw. Nakakapaglaro naman ako ng bongga kasama ang barkada. Lahat tayo ay may kanya kanyang karanasan sa pagkabata. At ang sa akin ay masasabi kong mahirap pero masaya. Hindi ko lubos akalain na kinaya namin ang buhay namin noon na minsan talaga may mga araw na walang wala.
Hinding hindi talaga tayo papabayaan ng Panginoon. Kahit anumang pagsubok sa buhay ay kakayanin kasi nandyan sya palagi para gabayan tayo.
Salamat sa pagbasa aking kaibigan ! Nawa'y nagustuhan ninyo ang naibahagi kong karanasan. ❣
Manginhas. Bago sa tenga ko. Di pa ako nakakatikim ng ganyan. Sa kwento ng kasambahay namin noon na umuwi siya sa kanila sa Iloilo na wala daw sila makain ay nangunguha din siya ng talaba para may maibenta at mapangkain nilang pamilya. Kaya minsan ayaw din niya ang nauwi kasi nauubusan din siya. Parang sandali lang daw ay ubos na ang naipon niya. Sa pangangalakal, ganyan na ganyan ako. Hahaha. Hindi ako nangalakal sa mga kalye pero yung sa resto na pinagtrabahuhan ko. As in literal pinapatabi ko yung mga lata ng softdrinks at plastic bottles. Nakaipon din kami doon. Parang tig Php1500 ata kaming lahat pero kasi talagang matagal na ipunan yun. Taps dito sa bahay ganun din pinapagawa ko. Kaso nabbwisit kasambahay namin at nanay ko kasi tambak lang. Di ko kasi agad binebenta dahil pinapadami ko paea sulit yung mangongolekta. Kaya tama talaga yung kasabihan na may pera sa basura. 😁