Ma'Pa, Pahinga Muna

12 49
Avatar for imanagrcltrst
3 years ago
Topics: Family, Mother, Father

Sila ang dalawang tao na pinaka-unang tumanggap at nagmahal sa atin.

Sila iyong tao ...

Na handa tayong mahalin nang walang hinihinging kahit na anong kapalit.

Na handa tayong tanggapin kahit na ilang beses pa tayong magkamali.

Na handa tayong paulit-ulit na patawarin kahit na paulit-ulit din tayong magkamali at makagawa ng kasalanan.

Na handang ibaba ang pride dahil 'di tayo kayang tikisin.

Na handa tayong gabayan mula noong sanggol pa lamang tayo at hanggang sa pagtanda natin.

Na handa tayong ituro sa tamang landas kapag naliligaw tayo.

Na handa tayong unawain kahit na tayo mismo ay 'di na maintindihan ang ating sarili.

Sila iyong hinding-hindi tayo tatalikuran kahit na talikuran pa tayo ng mundo.

Pero sino nga ba sila?

Magulang.

Ina, Ama.


Oo, tapos na ang Father's Day o Mother's Day pero 'di ba't araw naman nila araw-araw?

Kaya naman nais kong isulat ang artikulo na ito para sa kanila, para kila Ama at Ina. Para kila Papa at Mama.

Para kahit papaano ay masabi ko kung gaano ako kasaya na sila ang ibinigay Niya sa akin, sa aming magkakapatid.

Para kahit papano ay masabi ko kung gaano ako ka-proud sa mga bagay na ginawa at handa pa nilang gawin para sa amin.

Kaya, Papa at Mama? Para ito sa inyo. ❤


Ang artikulo na ito ay isinulat sa gabay nang kantang MAPA ng SB19.

MAMA ...

Mama, palagi kitang hinahanap. Mawala ka lang sa paningin ko ay abot na ang tanong ko kung nasaan ka, kung umalis ka ba at saan ka nagpunta.

Kapag kakain na, ikaw ang una kong tinatawag kahit na napaka-hirap mong tawagin kaya naman ay nagagalit si Papa.

Tingnan lang kita, alam ko na kapag galit ka o naiinis ka. Lalo na kapag masaya ka.

Ikaw 'yung 'di ko magawang pagsinungalingan kasi sabi alam mo kapag nagsisinungaling ako. Sabi mo ay may tinitingnan ka sa gawi ng nose bridge ko at malalaman mo na kung nagsasabi ako ng totoo o hindi. Kaya naman sa paglipas ng mga taon ay mas naging mas malapit pa ako sa'yo.

Ilang taon na kitang kasama. Mula pa noong dugo pa lang ako sa sinapupunan mo at hanggang ngayon. Pero may mga salita na hindi ko gaanong nabibigkas sa'yo o ni naitatanong man lamang.

Mama, kamusta na?

Isa ito sa mga tanong na ang dalang kong itanong sa iyo. Mama, kamusta na? Kamusta ka? Sa mga nakalipas na taon, nakikita ko kung gaano ka nagsusumikap at kumakayod para sa amin, para sa pamilya natin. Nandiyan na nag-tindera ka, nag-kasambahay, nag-labandera.

Nitong nagsimula ako sa kolehiyo, mas kumayod ka pa. Lalo na noong nagkasakit si Papa at 'di makapagtrabaho, ikaw ang kumayod para sa amin. Tumanggap ka ng mga labada, hindi lang mula sa isa kun'di umabot pa sa isang dosena. Kusot dito, kusot doon. Piga dito, piga doon.

Pero 'di ko na matandaan kung kailan kita huling kinumusta. Pero sana nararamdaman mo na gusto kong palaging nasa maayos at mabuting kalagayan ka lang. Katulad kung paano mo hinangad na lagi kaming mapabuti.

Lagi na lang kami ang nauuna,

di'ba pwedeng ikaw muna?

Akin na'ng pangamba.

Kami ang palagi mong inuuna. Sa pagkain man iyan o sa iba pang mga pangangailangan namin. 'Yun bang isusubo mo na lang pero ibibigay mo pa sa amin.

Natatandaan ko pa isang araw na nagpunta tayo sa bayan para mamili ng mga kailangan natin sa bahay. May nakita ka na sandals na sobra mong nagustuhan. Tinanong mo kung magkano at nalaman mo na isang daan at limampung piso ang kailangan. 'Di mo binili kasi sabi mo bibili pa tayo ng bigas.

Ito 'yung panahon na 'di pa kita mabilhan ng mga gusto mo kasi wala pa akong maibubuga. Wala pa akong maiambag, kun'di ang mga pangarap ko pa lang.

Pero ngayon, pwede na. May maibubuga na ako, Mama. Pwede ka nang makabili ng sandals na gusto mo kasi nakaka-ginhawa na tayo. Pwede na , Mama. Pwede na.

'Wag ka nang mag-alala o mangamba, Mama. Bilhin mo na 'yung gusto mong damit o sandals. Pwede na, Mama. Kasi ako naman ngayon ang bibili ng bigas natin o ng ibang mga pangangailangan. Ako naman, 'Ma. Ako naman.

Dahil ikaw ang aking mata

Sa t'wing mundo'y nag-iiba.

'Di ba nga, ikaw ang Ilaw ng Tahanan. Ikaw ang nagsisilbi naming ilaw kapag madilim at kailangan namin ng liwanang.

Oo, wala kang bitbit na ilaw pero iyang nag-uumapaw at wang kapantay mong pagmamahal at kalinga? Sapat na iyan para magsilbi naming liwanag.

Nasa sinapupunan mo pa lang ako, kaming magkakapatid ay ikaw na ang nagbigay sa amin ng liwanag. Liwanag na ginamit namin sa loob ng madilim mong sinapupunan.

Noong isinilang mo kami ay 'di pa namin kayang makakita, pero sa pamamagitan ng mga haplos at salita mo ay unti-unti naming nakita kung gaano kaganda ang mundo. Dahil nandito ka.

Mapuno man ng mga pagbabago dito ay kakayanin namin na sumabay. Dahil nandiyan ka, nandiyan ka para gabayan kami.

Ang dahilan ng aking paghinga.

Oo, ibinigay lang kami sa inyo. Ibinigay lang Niya kami. Pero dahil sa'yo ay nagkaroon ako, kami ng pagkakataon na huminga. Dahil sinikap mo na maibigay sa amin ang pagkakataon na iyon.

Iningatan mo kami mula noong nasa sinapupunan mo pa lamang kami at hanggang sa ngayon, kahit na nakakaya na namin na tumayo sa mga sarili naming mga paa. Paunti-unti.

Salamat, Mama. Salamat!

Kaya 'wag mag-alala.

Mahirap ang buhay natin pero para saan ba at makakaalwan din tayo. Darating din iyon kahit na mabagal ang proseso. Tiyaga lang, Mama.

At ito na nga. Nakakaginhawa na tayo.

Kaya naman pwede ka nang 'wag mag-alala nang sobra, Mama. Kalma ka na kasi 'di na tayo magugutom tulad nang dati.

'Wag ka nang mag-alala kung may kakainin ba tayo kasi nandito ako. Tutulungan kita, kayo ni Ama.

Tahan na.

Alam ko na may mga pagkakataon na gusto mong umiyak dahil sa mga problema o sa klase ng buhay na mayroon tayo.

Gusto mong umiyak kasi parang ang imposible na maka-ahon tayo.

Gusto mong iyakan iyong mga problema na 'di mo dapat iniisip. Mga problema na dala ng mga kapatid mo.

Kaya, sige lang. Iiyak mo lang, Mama. 'Di mo kailangan na maghanap ng ko-comfort sa'yo. Kasi nandito ako, kami para sabihin na "tahan na."

Pahinga muna, ako na'ng bahala.

Alam kong marami pa tayong pagdadaanan. Mga masasaya o malulungkot na araw. Mga problema na kayang-kaya nating lampasan. Mga gastusin at kung anu-ano pa.

Marami pa tayong labada na kukusutin at paplantsahin. Marami pa. Pero, Mama? Balang araw ay masasabi ko din sa'yo na, "pahinga muna" kasi "ako na'ng bahala."

Labis pa sa labis ang 'yong nagawa.

Sobrang dami mo ng nagawa para sa amin. Iyon pa lang na pinili mong i-keep ako kahit na ang bata-bata mo pa noong ibinigay Niya ako sa'yo. Pinili mo na i-keep ako kahit na pwedeng-pwede mo akong ipalaglag kasi delikado pa para magbuntis at manganak para sa kinse anyos na babae na katulad mo.

Pinili mo na i-keep ako kahit na magagalit sila Lolo at Lola sa'yo na pwede ka pa nilang itakwil. Pinili mo kahit na ang dami mo pang mga pangarap na gustong abutin. 'Di ba nga sasakay ka pa sana ng eroplano? Kasi gusto mo na maging Flight Attendant kahit na alam natin na 'di ka pasado sa height requirement.

Pinili mo ako kahit na may mas magandang buhay pa na naghihintay sa'yo.

Iyan pa lang ay sobra-sobra na.

Mama, pahinga muna.

Ako na.

Mama, kaunting hintay na lang. Kaunting tiis pa at mas giginhawa pa ang buhay natin.

Darating din 'yung araw na 'di mo na kailangan pang mangamba kung may magpapalaba pa ba sa iyo. Kung may pera ka pa ba para sa mga pangangailangan natin.

At kapag dumating na ang araw na iyon? Ako naman. Ako naman ang kakayod para sa atin.

PAPA ...

Papa, naaalala mo pa ba?

'Nung ako ay bata pa, 'di ba?

Papa, alam kong naaalala mo pa. 'Yung panahon na nakilala mo si Mama at umibig kaagad sa kaniya. Pag-ibig na dahilan kung bakit ako nandito ngayon.

Papa, alam kong naaalala mo pa. 'Yung saya at lakas ng tibok ng puso mo noong una mo ako, kaming nakita at nahagkan. Unang beses na nayakap mo kami at naramdaman ang tibok ng mga puso namin.

Papa, alam kong naaalala mo pa. 'Yung mga panahon na nandiyan ka para alalalayan kami sa pagkain, paglalakad, o ultimo sa pag-upo dahil 'di pa namin kaya.

Papa, alam kong naaalala mo pa. 'Yung mga masasayang alaala natin noong mga bata pa kami. 'Di ko na iisa-isahin kasi baka umabot tayo ng taon.

Pero tumanda ka man, alam kong maaalala mo lahat ng mga iyon.

Makalimot man ang isip mo dahil sa katandaan pero hindi ang puso mo. Hinding-hindi.

Aking puso'y 'yong hinanda sa mga bagay na buhay ang may dala.

Bata pa lang kami ay pinuno mo na kami ng mga pangaral at mga payo mo na palaging may halong pagmamahal.

Bata pa lamang kami ay pinuno mo na kami ng mga salita na bibitbitin namin hanggang sa aming pagtanda.

Hinanda mo kami sa hirap ng buhay. Sinanay mo kami na maging mas malakas pa. Para nang sa ganoo'y maging handa kami sa mga pagsubok na dala ng buhay at kapalaran.

Dala ko ang 'yong bawat payo.

At hanggang sa dulo, magkalayo man tayo.

Ako'y tatayo.

Lahat nang mga payo mo katulad ng "huwag na huwag uutang lalo na kung kaya mo namang bayaran kaagad" at ang walang katapusan na "mag-aral at mag-sumikap ka ng mabuti para magkaroon ka ng mas magandang buhay."

Para daw magkaroon AKO ng magandang buhay. Pero, Papa. Pwede ba namang ako lang? S'yempre, kasama kayo. 'Di pwedeng ako lang.

Alam ko iiwan mo din kami. Alam ko darating 'yung araw na aalis ka. 'Yun bang mag-aabroad ka pero wala nang balikan kasi one-way ticket lang 'yung mayroon ka. Ayokong isipin pero iyon ang totoo.

Kaya magkalayo man tayo, bibitbitin ko lahat ng mga payo at salita mo. Kasi sa pamamagitan ng mga iyon ay mas naging malakas, matatag, at mabuting tao ako.

Pangako, Tatay ko.

Darating 'yung araw na magkakaroon din tayo ng sarili nating bahay, sarili nating lupa.

Darating 'yung araw na maipapatayo din natin 'yung pangarap mo na bakery na puro sariling timpla mo lang ang susundin sa pagluluto.

Pangako, Tatay. Pangako, Papa ko.

Kaunting hintay na lang.

Dahil ikaw ang aking paa, sa t'wing ako'y gagapang na.

Papa, hirap ka man sa paglalakad dahil sa kapansanan mo pero kinaya mo pa din na pangatawanan pa din 'yung responsibilidad mo bilang Haligi ng Tahanan. Hirap ka man na lumakad pero alam na alam ko na handang-handa ka na magsilbi naming mga paa sa oras na kailangan namin.

'Di ba nga binubuhat mo pa si lil sis noon kapag nakakatulog s'ya sa 'di n'ya higaan kahit na ilang taon na s'ya at napakabigat pa?

Alam ko na willing ka pa din na gawin 'to kahit na uugod-ugod ka na at hirap na din na lumakad o tumayo sa sarili mong mga paa.

Kasi mahal mo kami. <3

Ang dahilan ng aking paghinga.

Kayo. Kayo ni Mama ang dahilan, Papa. Kasi pinili n'yo na i-keep ako, kami kahit na alam n'yo na 'di magiging madali ang lahat.

'Di ko na sasayangin pa'ng mga natitirang paghinga.

Kaya naman, hayaan n'yo ako na ibigay lahat ng mga bagay na deserved ninyo ni Mama. Hayaan n'yo ako kasi gusto ko na mas mapabuti pa tayo, tayong lima. Tayong pamilya.

Hayaan n'yo ako katulad nang kung paano ako nagtiwala sa inyo na i-lead ako. At sana ay hayaan n'yo din ako na pagbawalan kayo sa mga kinakain at iniinom ninyo. Dahil gusto ko lang na mas mapabuti pa kayo lalo na at nagkaka-edad na kayo. Hayaan n'yo ako dahil para sa inyo din ito, Mama at Papa.

Tutungo na kung sa'n naroon.

Noong sinabi ko na BS Agriculture ang gusto kong kunin na kurso sa kolehiyo? Wala akong narinig na masamang salita sa inyo. Ni 'di n'yo nga ako pinigilan eh. Ni 'di nga kayo nag-suggest na ibang kurso na lang kuhanin ko. Bakit? Dahil may tiwala kayo sa akin. At higit sa lahat ay dahil handa kayong tulungan at gabayan ako sa kung saan ko man gustong tumungo.

At kahit na kailan pa ma'y 'di mawawala.

Pagka't dala ko ang MaPa

Saan man mapunta, alam kung sa'n nagmula.

Hinahayaan n'yo kami sa mga desisyon namin sa buhay.

Natatandaan n'yo pa ba kung paano n'yo ako hinayaan at pinayagan na magtrabaho sa murang edad? Kahit na ayaw n'yo kasi sabi n'yo ay kaya n'yo pa naman kami na suportahan.

Noong hinayaan n'yo kaming mag-explore at umunlad? Kasi ako? Oo. Tandang-tanda ko pa.

Hinayaan n'yo kami kasi may tiwala kayo sa amin. At alam ninyo na sa inyo kami unang lalapit kapag kailangan namin ng gabay.

Hinayaan n'yo kami kasi dala namin 'yung mga salita at gabay ninyo.

Hinayaan n'yo kami kasi dala namin kayo. Dito, dito sa puso at isip namin.

Dala namin kayo, MA'PA.

Ma'Pa, pahinga muna.

AKO NA.

Balang araw masasabi ko din na, "Ma'Pa, pahinga muna kayo." 'Yun bang pwede na kayong 'di magtrabaho at kumayod. 'Yung bang gagawin n'yo na lang ay kumain, matulog, o gawin 'yung mga bagay na gusto n'yo. Nang walang pangamba at alalahanin.

Kasi "ako naman."

AKO NA.


Hope you like this one, people.

Just wanna say, "THANK YOU" to this inspiring writers. 💖

Sponsors of imanagrcltrst
empty
empty
empty

Thank you for the support. You rock, guys! ❤


For more articles, just visit me here in read.cash:

imanagrcltrst: https://read.cash/@imanagrcltrst

And, we can also have a chitchat in noise.cash:

imanagrcltrst: https://noise.cash/u/imanagrcltrst



LOVE LOTSSS!

Published by September 04, 2021

13
$ 5.74
$ 5.55 from @TheRandomRewarder
$ 0.05 from @Jane
$ 0.05 from @Pachuchay
+ 4
Sponsors of imanagrcltrst
empty
empty
empty
Avatar for imanagrcltrst
3 years ago
Topics: Family, Mother, Father

Comments

Impressive! Yung mga parents ko talaga unang.una kong mamahalin dito sa mundong ibabaw, and I kept on living my desire for them na soon if able naku to sustain our daily needs pagpapahingain ko sila at sila naman uunahin ko.

$ 0.00
3 years ago

Ang emotional naman nito, Mae. It really shows how family-oriented you are. Your parents are so blessed to have you as their daughter.

$ 0.00
3 years ago

Hala sya medyo may pag ka emotional ako pagating sa usapang pamilya lalo na sa mga magulang ulila na po Kasi ako sa mga magulang mga kapatid ko na lang Ang kasama ko nalulungkot ako Ng sobra Kasi namimis ko na silang pareho.

$ 0.00
3 years ago

Kahkt di kita anak eh natouch ako dito beh. Thank you. Naku i'm sure proud na proud sayo parents mo..

$ 0.00
3 years ago

masyado ka namang mapanakit beh haahaha di ko talaga kaya kapag family na yung usapan eh, nagiging emotional na ako haha

$ 0.00
3 years ago

Thank you for this song analysis. "MAPA" makes me emotional. Sometimes I feel like I don't deserve my parents because I think that I'm a bad son. I will make it up to them in the coming months when I see more of my success.

$ 0.00
3 years ago

It's very touching message to our dear parents. Words of gratitude deserved on them.

$ 0.00
3 years ago

Huhum. Kya pla sabi mo ay iiyak ang readers..naalala ko tuloy mama ko. Gusto ko tlga magpahinga n sya.. Sobrang tagal na nya nagbabantay mga kapatid ko..at her age dpt hayahay na

$ 0.00
3 years ago

Wait, Di ko kinaya to masyadong tagos sa puso. Nagsisisi ako na pinatugtug ko pa yung Maps habang binabasa to, mas naiyak tuloy ako. Anyways, alam ko g balang araw matupad mo rin lahat ng pangarap para sa kanila. Lavarn lang.🤗

$ 0.00
3 years ago

Ang emotional ko ngayon 😭 juskoo diko maiwasang wag umiyak habang binabasa ko to 😭

$ 0.00
3 years ago

Wala na about family na naman naiiyak na naman ako neto!!! :( Chos.

Dzai knows ko na kaya mo yan, lahat ng yan magiging worth it sa huli. Pray tapos laban lang kasi yun naman purpose bakit tayo andito. Ang swerte ng nanay at tatay mo sayo kasi marunong kang umintindi at tumulong. Kaya kahit di tayo magkakilala sa totoong buhay char ano to joke?! Chos! I mean kahit di kita nakikita personal alam ko mabuti kang bata <3 Malayo ka pa dzai pero Malayo ka na rin :*

$ 0.00
3 years ago

Hahaha damay-damay na 'to. Syempre naiyak din 'yung sumulat kaya dapat maiyak din kayo. Char. 🤣

Yesss, maha-harvest din natin lahat 'to, Ate. Tiyaga lang. <3 Sana ma-meet ko na kayo, in person kasi alam ko na makakatulong talaga kayo for me to grow pa. Grabeee, ang ganda 'nung "malayo ka pa pero malayo ka na rin." Tagu-tagusan, Atiiii.

$ 0.00
3 years ago