Bawat tao ay may kanya-kanyang kapalaran dito sa mundo. Ang iba ay isinilang na mayaman habang ang iba naman ay nasa mababang antas ng kumonidad. At isa ako sa mga taong isinilang na nahanay sa naturang antas.
Mula pagkabata ay natunghayan ko na ang kahirapan sa buhay. Ang aking tatay ay isang traysikad driver habang ang aking nanay naman ay labandera. Minsan naranasan namin ang maubusan ng bigas at umutang sa kapitbahay para may makakain sa araw-araw. Naalala ko noon, tuwing pasukan ay nababahala ako na baka hindi ako makapag-aral dahil wala akong gamit at higit sa lahat walang perang pambayad sa paaralan ang aking mga magulang. Ngunit sa awa ng Diyos, hindi niya kami pinabayaan. Naghahanap talaga ng paraan ang aking mga magulang para mapag-aral nila ako at aking mga kapatid. Kaya doble kayod ang ginawa ng aking tatay at nanay. Sa madaling araw ay nagtitinda si tatay ng pandesal. Pagkaubos ng kanyang paninda ay uuwi siya saglit sa bahay para mag-agahan, pagkatapos ay babalik na naman siya para mamasada gamit ang kanyang inuupahang traysikad. Sa gabi naman ay nangigisda siya para may maulam kami kinabukasan. Si nanay naman tumatanggap ng mga labada , gumagawa ng mga kakanin para ibenta at gumagawa rin ng mga walis tingting. Kami naman ng aking mga kapatid ay nag-iipon ng mga buhangin at ibinibenta namin sa aming kapitbahay. Madaling araw pa lang ay pumupunta na kami sa baybayin para manguha ng buhangin. At pagsapit ng alas 6 ay naghahanda na kami para pumasok sa skwela. Tuwing sabado at linggo naman ay tumutulong ako sa aking nanay sa paggawa ng mga walis tingting. Habang ang aking mga kapatid na lalaki ay naghahanap naman ng kanilang mapagkikitaan.Tumatanggap sila ng mga iba't ibang trabaho tulad ng pagbubuhat ng mga niyog mula sa bukid hanggang sa bahay ng kanilang amo, paglilinis sa mga sasakyan, pagbubunot ng mga damo at iba pa.
Mahirap ang aming buhay noon at lalo itong naging mahirap dahil sa mga taong mababa ang tingin sa amin. Lagi kaming kinukutya dahil mahirap lang kami. Tuwing nakikinuod kami ng palabas sa kapitbahay namin ay palagi kaming pinagsarhan ng pinto. Kaya sa bintana na lang kami nakikinuod. Tuwing may salo-salo sa mga kamag-anak ay hindi kami iniimbita. Siguro ganyan talaga kapag mahirap ang isang tao kahit kamag-anak mo ay hindi ka kinikilala. Kaya nagsusumikap talaga ako na makapagtapos ng pag-aaral. Nung nakatapos na ako ng high school, sinabi sa'kin ng mga magulang ko na hindi na nila ako kayang pag-aralin sa koliheyo tulad ng mga kapatid ko. Kaya lumiwas ako sa Manila at nagtrabaho bilang katulong. Pagkalipas ng ilang taon, naisipan ko na bumalik sa pag-aaral. Umuwi ako sa amin at humingi ng tulong sa kapitan sa aming barangay para magkaroon ng scholarship. Subalit sa kasawiang palad ay hindi ako tinulungan. Kaya naghanap na lang ako ng paraan. Buti na lang at may kakilala ako na nagsabi sa akin tungkol sa isang scholarship sa gobyerno. Kaya sinubukan ko at sa awa ng Panginoon ay natanggap ako. Nakapag-aral ako sa koliheyo at nakapagtapos na rin. Hindi rin naging madali ang aking pag-aaral pero ang importante ay nalagpasan ko ang mga iyon. Ngayon, naghahanap na ako ng trabaho. Makatulong na ako sa aking pamilya at higit sa lahat hindi na kami mamaliitin ng ibang tao.
ARAL :
Hindi madali ang buhay ng isang tao dito sa mundo lalo na kung mahirap ka. Subalit kung mananatili kang matatag at may pananalig sa Panginoon, kahit anong pagsubok ay kaya mong malampasan. Kapit lang tayo sa mga pangarap natin at huwag bibitaw. Alam ng Diyos ang kalooban ng tao. Kaya kung lalapit ka sa Kanya, hindi Siya mag-aatubiling tulungan ka.
Ito ang unang kong artikulo. Nawa'y pagpasensyahan nyo kung hindi masyadong maganda. Pag-aaralan ko pa po ang pagsusulat. Salamat po sa pagbasa.
Mabuhay po kayong lahat.😊
Lead image source: Unsplash
Wow grabe naman yung pati kamag-anak minamaliit kayo dati? Tsktsk... Di bale at least nakapagtapos ka na rin. Iba tlga ang nagagawa ng pagiging masipag at masikap sa buhay.