Petsa: Agosto 12, 2021
Manunulat: Sequoia
Isang napakaganda at maaliwalas na araw sa ating lahat. Hindi ko man tiyak ngunit pakiwari ko'y bahagyang makulimlim sa ibang parte ng ating bansa ngayon. Ganun paman, sana ay huwag nating hayaan ang sitwasyon ng ating panahon na pigilan tayo sa ating mga kinakailangang gawin sa araw na ito.
Sa totoo lang ay hindi ko alam kung saan ako magsisimula o anong paksa ang aking tatalakayin sa artikulo kong ito. Marami akong gusto ibahagi ngunit ito ay hind ko maisulat at naka permi lamang sa aking isipan. Subalit, ramdam ko sa kaibuturan ng aking puso na nais kong gamitin ang ating sariling wika upang maibahagi ko sa inyo ang aking mga ideya at saloobin.
Buwan ng Wika
Agosto, hindi naman siguro lingid sa ating kaalaman na ang buwang ito ay buwan ng wika. Kung tayo ay nasa paaralan ngayon, sigurado akong ito ay atin ng ipinagdiriwang kasama ang ating mga guro, kaklase at kaibigan. Iba't-ibang patimpalak at mga aktibidades ang pakulo ng bawat paaralan na lubos namang ikinakatuwa ng mga estudyante.
Sariling Wika
Filipino ang ating wika. Ngunit, labis na kalungkutan ang aking dinaramdan sapagkat maraming mga Pilipino ang hindi alam kung paano magsalita ng sarili nilang lenggwahe. Hypokrito ako kung aking sasabihin na hindi ako kabilang sa mga taong limitado lamang ang kaalaman sa wikang Filipino. Kahit nga sa pagsusulat ko ngayon ay lubos na akong nahihirapan sa mga salita na aking ginagamit at gagamitin pa. Kaya't humihingi ako ng paumanhin kong may makita kayong mga kamalian sa aking pagsusulat. Handa akong tumanggap ng mga koreksyon ngunit sana'y gawin nyo ito sa mahinahong paraan.
Importansya
"Bakit nga ba kinakailangna nating matutunan ang ating sariling wika?"
Hangal! Patawarin nawa ako ng maykapal ngunit tunay kang hangal kung iyan ay iyo pang itatanong sa akin. Malamang sa malamang, ikaw ay isang mamamayan ng Pilipinas kaya't nararapat lamang na alam mo ang inyong pambansang wika!
Ito ang nagsisilbing ating pagkakakilanlan at pundasyon ng ating lahi. Pilipinas ang isa sa mga bansang mayroong napakaraming mga diyalekto. Kaya't kinakailangan natin na matutunan ang ating pambansang wika upang tayo ay magkaintindihan.
________________________
Ngayon ay naibahagi ko na ang aking opinyon at ideya patungkol sa ating pambansang wika. Dumako naman tayo sa aking mga saloobin.
Lindol
Nasa kalagitnaan ako ng aking mahimbing na pagkakatulog ng maramdaman kong tila ako ay dinuduyan ng napakalakas. Akala ko'y nananaginip lamang ako ngunit narinig ko ang pagsigaw ng aking ina. "Lindol!" Awtomatikong bumangon ang aking katawan pagkarinig ko ng katagang iyon. Nakapikit man ay tahimik akong umuusal nang dasal. Siguro ay tumagal ng mahigit 4 na segundo ang lindol bago ito tuluynag tumigil. Tiningnan ko ang aking selpon upang tingnan ang oras at nakita kong alas 2 na pala ng madaling araw. Binuksan ko ang aking Facebook account upang makibalita kung gaano ka lakas ito at ayon sa doon, ito ay 7.5 magnitude at ang epicenter ay Mati City (Davao Oriental). Malayo ito sa aming tirahan ngunit nadama parin namin kung gaano ito kalakas. Sana ay walang nasaktan at ligtas ang lahat sa pangyayaring iyon.
Enrollment (Patawarin nyo ako, hindi ko alam ang Filipino nito.)
Kung hindi pa ako sinabihan ng aking kaklase ay hindi ko maaalalang enrollement na pala namin ngayong araw na ito at bukas. Tila wala na akong pakialam sa aking pag-aaral at naka pokus na lamang kung paano ako makaka income. Ako na kasi ngayon ang kumakayod para sa aking pamilya kaya't medyo nakakaligtaan ko na ako pala'y nag-aaral.
Washing Machine
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ginamit ng aking ina ang binili kong washing machine para sa kanya. Nahihirapan na raw kasi syang maglaba nag mano-mano kaya't binilhan ko na sya nito. Sobrang saya ng aking puso ng makita ko kung gaano sya kasaya sa aking regalo.
________________________
Pangwakas na Konklusyon
Nakakatuwa na muli kong magamit ang ating pambansang wika sa pagsusulat. Nawa'y pahalagahan at mahalin natin ang sariling atin. Marami pa akong gusto ibahagi sainyo ngunit marami rin akong kinakailangan na gawin ngayon araw na ito. Salamat sa inyong oras at panahon.
Pahabol:
Maraming salamat kay @Lunah dahil sa ideyang ito na nabasa ko sa kanyang artikulo.
Yung regalong washing machine ang nagdala. Da best tlga pag may nabili tayo galing sa kita dito. Hehehe.
Meron nga rin daw lindol bandang Batangas ata yun, di ko naramdaman nung kelan. Haha.