By: Dolores
Tagu-taguan maliwanag ang buwan
Wala sa likod, wala sa harap
Pagbilang kong sampu, nakatago na kayo
Isa
Sa isang iglap lang, tuluyan kang lumayo. Sa isang kisap lamang ng aking mata, kahit anino mo ay hindi ko na makita. Isang beses lang, ngunit wala ka na.
Dalawa
Hindi ako nagdalawang-isip na hintayin ka. Nagbabaka-sakaling ika'y uuwi at tayong tatlo'y muling magkakasama at sabay nating kukulayan ang mga bahagi ng ating iginuhit na mga larawan tungkol sa mga bagay-bagay na ating nais gawin ng magkakasama.
Tatlo
Tatlong beses kong sinigaw ang pangalan mo noon ngunit tila hindi mo narinig ang boses ko. Kahit paos na ay hindi ako sumuko dahil sa kagustuhan kong baka madinig mo ako at makumbinsi mo ang nanay mo na hindi na kayo aalis papalayo sa amin na mga kaibigan mo.
Apat
Simula ng ika'y lumayo, apat na araw din akong natulala dahil sa kaka-isip sa iyo. Apat na beses na hindi kumain dahil nawalan kami ng kalaro. Kalaro na hindi lamang basta kalaro. Ngunit isang kaibigan na hanggang ngayon ay nananatili pa rin sa kaibuturan ng aking puso.
Lima
Dahil sa kagustuhan kong makita kang muli, limang oras ang ginugugol ko sa paghahanap sa iyo sa facebook araw-araw baka sakaling ika'y matagpuan ko. Hindi ma-ipipinta sa mukha ang emosyong aking nadarama tuwing nakakahanap ako ng taong kapangalan mo. Hindi man ikaw ang mga iyon, narito pa rin ako na umaasa na matatagpuan din ang totoong ikaw.
Anim
Sa kakasulat tungkol sa iyo, kabisado ko na ang anim na bahagi ng liham. Ang pamuhatan, patunguhan, bating panimula, katawan ng liham, bating pangwakas at lagda ngunit tila mapaglaro ang tadhana dahil anim na beses din akong naloko ng mga taong kapangalan mo na sinulatan ko dahil sa pag-aakalang baka isa ka sa mga 'yon. Ngunit akala lamang talaga, akalang nagpabigat lamang sa aking nararamdaman.
Pito
Pitong taon na rin ang lumipas ngunit hanggang ngayon hinihiling ko pa rin ang muli mong pagbalik. Sana nga ay bumalik ka para ang mga taon na ginugol ko kasama ang isa pa nating kaibigan ay hindi mauuwi sa wala.
Walo
Walo ang sumunod sa pitong mabibilis na pintig ng aking puso mula sa araw na sumakay kayo ng nanay mo sa jeep papunta sa kung saan mang sulok ng mundo. Kung natatandaan mo, walong beses mong itinulak ang duyan bago ka tuluyang lumayo. Walong beses na sumigaw-sigaw bago mapagtanto ang lahat ng mga ito.
Siyam
Halos siyam na beses sa isang araw kung ako'y malito. Hindi ko maintindihan ang pag-aalalang nararamdaman ko. Paikot-ikot sa aking silid at sinasambit ang salitang SANA. Dahil hanggang ngayon, ako'y umaasa na matatagpuan kita, para matigil na ang larong ito at higit sa lahat matitigil na ang aking pagiging taya. Taya sa larong tagu-taguan na hanggang ngayon hindi pa rin matukoy ang katapusan.
Sampu
Sampung salita pa ang nais kong bitawan para sa iyo. HINDI AKO MAPAPAGOD NA MAGING TAYA KAHIT IKAW AY MALAYO.
Sa pagdilat ng dalawa kong mata, wala ka na pala. Naiwan akong taya at misyon ko ang hanapin ka.
If you want to browse my other articles you can go here: An Index of my Articles
I hope you enjoyed it.
Thanks to @Ashma for his words of encouragement. Our growing community is open for you. So, if you want to join. Feel free to visit the community.
For more information, you can click this link https://read.cash/c/get-sponsored-2a0b. You can join if you want to "Get Sponsored !!"
। donot understand this language very well... But the picture is really interesting to me.... I want to know about it ☺