Ito na marahil ang pinakamalaking dagok sa buhay ko, ang malimas ang ilan sa pinkaiiangatang bagay na pag-aari ko.
Akala ko sa balita’t pelikula ko lang ito makikita, hanggang sa ako na mismo ang nabiktima.
Hindi ito kwento ng pagpakyaw sa murang produkto sa Shopee o Lazada. Kwento ito kung paano ako naisahan ng mga kawatan, at mga aral na aking natutunan.
Nang Dahil Sa Free WiFi
Sampung taon na ang nakalipas pero tumatak na lahat ‘to sa aking isipan.
Makulimlim na hapon ‘yon ng Mayo taong 2011. Ilang linggo na lang bago ang pasukan. Pumunta ako sa mall dala ang laptop ko na nasa loob ng bag. May kaunti rin akong barya na pang-meryenda. Tambayan ko ang mall noon para sa wantusawang free WiFi .
Bago dumiretso sa food court, dumaan muna akong National Book Store para bumili ng bagong ballpen. Pagkabayad, umakyat na ako sa second floor at pumwesto sa kung saan malakas ang signal.
Dalawang oras ang lumipas, pa-lobat na ako. Hudyat na rin na kailangan ko nang umuwi bago pa ako gabihin. Pinasok ko na ang laptop sa bag, nag-ayos, at naglakad papuntang exit.
Pero ang daming tao sa lobby ng mall! Umuulan na kasi noon at nag-uunahan na ang mga tao papasok.
'Di Mo Aakalaing Kawatan Sila
Nang malapit na ako sa pintuan, sinalubong ako ng isang lalaking naka-puting damit at maong na pantalon. Nasa 40 siguro ang edad niya, payat at halos kasing tangkad ko lang. Sa itsura at bihis n’ya, hindi mo maiisip na masamang loob pala siya.
“Boy, pwede ka bang makausap?” sabi niya sa akin.
“Bakit po?” sagot ko.
“May hinahanap kasi kami, mga ka-edaran mo. Binugbog kasi ‘yung boyfriend ng pamangkin kong babae kanina. Kaya ngayon, nagtatanong-tanong kami baka may nakakakilala sa mga nanakit sa kanya.”
“Ok po.”
Naglakad kami palabas ng mall. Inakbayan niya ako sabay sabing, “Tara sa barangay, nandoon na ‘yung iba. Pasensya ka na ha, baka hinahanap ka na?”
“Hindi pa naman po nakakauwi sina Mommy at Daddy.”
Bago kami tumawid papunta sa barangay, isa pang lalaki ang lumapit sa amin. Matangkad, payat, ka-edad niya, at maayos din ang porma. Nag-usap sila tungkol pa rin sa umano’y pambubugbog sa pamangkin niya. Malumanay ang boses nila at nakangiti tuwing nagsasalita.
Bahagyang humupa ang malakas na ulan pero patuloy ang pag-ambon. Bakas na ang mga patak ng tubig sa damit namin habang naglalakad.
Sa kabilang kalsada, may dalawang lalaking nakaabang sa amin. Halatang kasamahan nila ‘yung isa, pero ang katabi niya, isa pang binatilyo na pawang ka-edad ko lang. Pareho silang nakangiti nang makalapit kami.
“Pupunta na kami doon ha, maghintay muna kayo rito” sabi ng lalaking sumalubong sa amin habang akbay ang binatilyong katabi niya.
“Iwan ko na lang muna ang gamit ko sa’yo, tutal magka-edaran naman tayo. May tiwala ako sa’yo,” sabi ng binatilyo sa akin sabay abot ng dalawang cellphone at wallet.
Naglakad sila palayo habang kami naman sumilong sa tapat ng katabing warehouse.
Ilang minuto ang nakalipas, nakita kong pabalik na sila.
“Ikaw naman,” sabi ng binatilyo sa akin habang nakangiti at inaabot ang kamay para sa pinaiwan niyang mga cellphone at wallet. “Iwan mo na rin kaya ‘yung bag mo, mabilis lang naman.”
Ako naman si tanga, naniwala agad sa kanya. Naglaro sa isip ko noon, kung siya nga nagtiwalang iwan ‘yung gamit niya sa akin, ba’t ako magdududa?
Inabot ko ang bag ko sa kanya.
Inakbayan ako ulit ng lalaking sumalubong sa akin sa mall, at naglakad kami palayo.
“Pasensya na ha, mabilis lang naman ‘to” sabi ng lalaki.
“Ano po ba ang itatanong?” tanong ko sa kanya.
“Baka kasi kakilala mo ‘yung bumogbog”
Hindi ako lumingon. Hindi ako nagduda. Hindi ako nagdalawang-isip na mga kawatan sila. Ang sa akin lang, gusto kong makatulong sa lalaking binugbog kanina lang.
Hanggang sa lumiko kami sa isang car wash at pinaupo niya ako sa monoblock.
Nakaka-trauma
“Kuya, hinahanap na ako nina Mommy” nanginginig kong sinabi sa lalaki.
“Sandali lang, upo ka muna diyan” sambit niya sabay lingon sa paparating na jeep.
Hindi ko alam ang gagawin ko. Litong lito na ako. Natatakot ako. Paano kung may patalim siya? Paano kung barilin ako?
Nakita ko pa siyang naglakad palayo at sumakay sa harap ng jeep. Tiningnan niya rin ako. Blangko ang mukha niya. Hindi masaya, hindi takot, hindi nakangisi.
Umandar na ang jeep.
Wala na. Wala na!
Tumayo ako at tinanaw ko ang jeep. Gulong gulo ako. Hindi ko alam ang unang gagawin ko. Sisigaw ba ako at hihingi ng saklolo? Hahabulin ko ba ang jeep? Babalikan ko ba ‘yung pinag-iwanan ko ng gamit?
Nanlamig ang buong katawan ko na sinabayan ng muling pagbuhos ng napakalakas na ulan.
Tinakbo ko ang kalsada at binalikan ang warehouse kung saan namin iniwan ang mga kasamahan niya.
“Kuya, nasaan na sila?” Tanong ko sa mga bantay.
“Sumakay na sa jeep” sagot nila sa akin.
Tinangay na ng budol-budol gang ang laptop at bag ko. Ni-hindi sumagi sa isip ko na manloloko pala ang sinamahan ko.
"Na-Hypnotize ka!"
Wala na akong nagawa kundi manlumo habang naglalakad pauwi sa gitna ng ulan.
Anong sasabihin ko kina Mommy at Daddy? Kauna-unahang laptop namin ‘yon sa pamilya na iniregalo pa ni Lola. Nawala ko lang ng parang bula.
Ikinuwento ko ang lahat sa mga kapatid at magulang ko. Syempre, nagalit si Daddy. Si Mommy naman, sinamahan ako magpa-blotter sa pulis at barangay. Hanggang ngayon, wala akong ideya kung natukoy, nahuli, o nakulong na ang mga kawatan.
Kumalat din sa street namin ang balita. Sabi nila na-hypnotize ako ng budol-budol gang.
Pero hindi.
Hindi ako nawala sa sarili buong oras na kasama ko sila. Magaling sila mangumbinsi gamit ang pananalita. Naging malambot din ako noon dahil agad akong nagtiwala at ginusto kong makatulong sa kapwa.
Sorry sa mga kapitbahay naming chismosa, hindi ako na-hypnotize nina Kuya.
Pasalamat Na Rin Dahil Ang Dami Kong Natutunan
Mula’t pagkabata, itinuro na ‘to sa atin ang mga katagang don’t talk to strangers!
Hanggang pagtanda, dapat itong isabuhay para hindi mabiktima ng mga tulad nila.
Ngayong pandemya, halos wala nang napapabalitang naisahan ng budol-budol gang. Pero tila nag-shift na sila ng panloloko online. Sila ‘yung mga kunyaring representative ng bangko na hihingi ng personal mong impormasyon. Pwede ring sila ‘yung nasa likod ng mga phishing scam.
Dahil sa karanasan ‘to, marami akong natutunan.
Una, maging alerto at street smart. Tumatayo ang balahibo ko kapag may mga taong kaduda-duda sa paligid.
Pangalawa, maging makilatis. ‘Wag padalos-dalos, alamin mo ang galaw ng mga tao ultimo ‘yung mga nagtatanong kung anong oras na habang naglalakad ka sa kalsada. Tuwing may kakausap sa akin, tinititigan ko lagi ang mga kamay at mata.
Pangatlo, maging matatas magsalita. Kung minsan na akong nahulog sa patibong nila sa pakikipag-usap, tiniyak kong mas magaling na akong magsalita kaysa sa kanila.
At pang-apat, ‘wag magpadala sa porma at itsura. Kahit maayos pa manamit, may tsansa pa rin silang makapangloko ng kapwa. Hindi makikita sa panlabas na kaanyuan ang kadiliman ng kalooban.
Kung anumang tagumpay ang narating ko ngayon, naging bahagi nito ang pinakamalalaki kong pagkakamali sa buhay. Kabilang diyan ang mahulog sa patibong ng mga kawatan.
Ang mahalaga ngayon, napatawad ko na sina Kuya at ang sarili ko dahil may napulot akong aral na ginamit kong lakas tungo sa tagumpay.
Budol is real po mayor..., I was in my college days, walking to the school, when someone kinda old asked me for help. She is explaining that her wallet has been snatched in the market and if she can borrow money since she needs to buy medicine and taxi fare going to the hospital. The innocent me, who wanted to help gave all the money I have at that time, except for the coins. She assured me that she will text me to return the money at school because accordingly she is also teaching in the same school. Hours, days, weeks passed by and did not receive any message or call from her.
LessonLearned