Maricar, kaya mo iyan.
Ngayong buwan ng Pebrero ay nalalapit na naman ang araw ng kapanganakan ko o ang pagsilang ng isang natatanging ako. Saan nga ba nagmula ang pangalan ko? Ang katotohanan ay natuklasan sa pamamagitan ng aking malayang kaisipan patungo sa pagtuklas ng aking pinagmulan at ang naging dahilan sa pagbigkas ng aking pangalan. Sa isang baryo ay may namumuhay nang tahimik at payapa sa maliit at simpleng tahanan. Ika-anim na anak at may kasunod pang tiyak, nagmula ang aking pangalan sa isang kilalang artista at sa tingin ko ay alam niyo na naging dahilan at bunga. Marahil kayo ay aking napatawa, kung ganoon ay tama ang iyong hinala o haka haka.
Isa ako sa mga batang nagsusumikap sa bawat hakbang sa pag abot ng aking pangarap para sa ika gaganda ng aking hinaharap. Menor na edad pa lamang nang harapin ko ang bawat pagsubok na bumabalakid nang pagsabayin ko ang aking trabaho at pag sustento sa pag aaral ko. Mahirap? Oo ngunit wala ito kumpara sa mga taong alam kong mas mahirap ang dinaranas mabuhay lang sa mundong ito.
Hindi gaanong kilala sa pagiging matalino pero nakilala sa pagiging masipag, mabait, at may prinsipyong tao.
Ako ay natatanging ako lamang, mahigit na apat na taon nang lumalaban sa hamon ng buhay. Naging tindera sa bayan, naging katulong na rin nang minsan. Tumagal ako sa pagiging tindera sa tindahan ng mga kagamitan sa pag gawa ng bahay, Isa itong hardware store kung saan ay marami rin akong natutunan. Naranasang makipag usap sa mga propesyonal, mga inhinyero, karpentero, tubero at mga construction wroker na sumasideline para may ipakain sa pamilya. Ang daming aral sa buhay na matutuklasan sa ibat-ibang antas ng buhay, mayroong masiyadong mapagmataas na maiiyak na lamang ako pero hindi ko kayang isuko ang panagrap ko at darating ang araw na makikila talaga kung sino ako at ang nasa likuran ng pangalan ko. Isa rin iskolar ng bayan at maaasahan sa pagluluto mula umaga hanggang hapunan. Anak na may paninindigan, kapatid na masusumbungan, kaibigan na matatakbuhan at kaklaseng hindi makopyahan sapagkat walang sagot sa mga tanong na dapat punan sa kadahilanang hindi na nakapag-aral sa sobrang pagod at puyat na aking nararanasan.
Nag eensayo sa pagsusulat sa pamamagitan ng pagbabahagi ng aking karanasan at ng malayang kaisipan. Ibabahagi ko na rin na isa ito sa aking pinagkakakitaan. Nakatutuwang isipin na hindi lang basta may pinagkakakitaan dahil ako ay mayroon ding natutunan. Naging takbuhan ko ang pagsusulat sa tuwing may mga problemang hindi agad masulusyunan, madalas ay problema sa bahay na nagiging dahilan kung bakit ang hirap intindihin ng aking inaaral. Sinusubukan pero madalas ay basta na lamang makapag pass na kung tutuusin ay ang hirap at ang bigat sa pakiramdam dahil para ka lang nag-igib ng tubig pero butas ang iyong imbakan.
Patuloy na lumalaban at lumalangoy habang pinipilit na sumabay sa agos ng dagat ng kaisipan. Nahihirapan, oo. Masakit isipin pero iyon ang totoo. Inabot na nang madaling araw pero heto pa rin ako. Lumalangoy patungo sa pangarap ko kahit alam kong maraming balakid sa daraanan ko maabot lamang ang kaligayahan ng mga magulang ko. Hindi pa dito nagtatapos ang kwento ng natatanging ako, ito ay simula pa lamang ng hamon na kina haharap ko. Unti-unti ay alam kong pasasaan pa at makakamit ko rin ito, maglalaan lamang ng tiwala sa sarili at gagawing inspirasyong ang mga taong ni minsan ay hindi sumuko sa pagsuporta sa katulad kong minsa ay nawalang na ng gana at pag asa. Isa lang sa mga batang may gustong mapuntahan. Ako ay natatanging ako lamang.
Maligaya sana ang iyong kaarawan.
Author's Note
Maraming salamat sa mga bumati at sa aking mga bagong kaibigan. Mahal ko kayo😚☺😘
Awwww, napakaganda naman ng iyong naisulat. Dahil sa pagsisikap di magtatagal ay magkakaroon talaga ng magandang bunga. :)