Huling Sayaw
Abril 01, 2022 ( Biyernes )
"Mommy, pwede po ba akong sumama kina ate magdidisco sa kabilang barangay?" Magalang na tanong ni Eli sa kanyang ina na naghuhugas ng kanilang pinagkainan. Ngunit tulad ng inaasahan niya, hindi siya pinayagan nito. Si Eli ay kilala na anak ng isang matagumpay na mag-asawa sa isang barangay. Nag-iisa siyang anak na babae ng mayamang mag-asawa. Siya ay matalino, mabait at palakaibigan. Kilala din siya sa larangan ng mga beauty contest. Nanalo na din siya sa isang panlalawigang patimpalak ng kagandahan na siyang dahilan para mas nagiging tanyag siya sa kanilang lungsod. Malapit si Eli sa kanyang mga pinsan na nasa ibabang sektor ng pamumuhay. Ngunit ayaw ng kanyang ina na makipaglapit siya sa mga ito. Nais ng kanyang ina na mas mangingibabaw siya sa lahat, kaya lagi niyang pinagbabawalan si Eli na sumama sa kanyang mga pinsan. Sa kadahilang iyon, laging tumatakas si Eli sa kanilang bahay tuwing gabi. Lingid sa kaalaman ng kanyang pamilya na lumalabas siya sa kanilang tahanan kapag tulog na ang mga ito.
Noong nasa pang-apat na taon na si Eli sa sekondarya, nakilala niya ang isang binata na nagngangalang Mark. Nagkaroon sila ng relasyon ngunit iyon ay kanilang itinago sapagkat alam ni Eli na magagalit ang kanyang mga magulang. Naging maayos ang kanilang relasyon kahit ito ay patago lamang. Dumating ang araw na nakapagtapos si Eli ng sekondarya. Nakatanggap siya ng iba't - ibang parangal at siya ang nagiging Valedictorian sa kanilang klase. Nais ni Eli na kumuha ng isang kurso na hinindian ng kanyang mga magulang. Nais ng mga ito na magiging doktor siya. Walang ibang nagawa si Eli kundi ang sumunod sa kanilang gusto. Pinaaral siya ng kanyang mga magulang sa Cebu.
Dahil naging malayo si Eli sa kanyang mga magulang, nagkaroon siya ng pagkakataon na maging malaya. Nagkikita sila ng kanyang nobyo sapagkat ito ay nag-aaral din sa Cebu. Naging malaya ang dalawa at ninamnam nila ang mga sandali na magkasama sila. Hanggang sumapit ang dalawang taon, nabuntis si Eli. Labis ang kanyang takot ngunit nilakasan niya ang kanyang loob na umamin sa kanyang mga magulang. Labis na nagalit ang kanyang ina sapagkat isang malaking kahihiyan ang dulot na pagbubuntis ni Eli. Walang problema si Eli sa kanyang ama dahil tinanggap nito ang kanyang pagkakamali. Ngunit ang kanyang ina ay lubos na nagalit at hindi matanggap ang kanyang sitwasyon. Pinatigil si Eli sa pag-aaral at pinagbawalan na makipagkita ulit sa kanyang nobyo. Subalit malakas ang loob ni Mark na panagutan si Eli kaya't pumunta siya sa bahay nina Eli para hingiin ang kamay nito. Ngunit nagmamataas at nagmamatigas ang ina ni Eli.
Kinulong si Eli sa kanilang bahay at hindi pinapalabas. Dumating ang araw na nanganak si Eli. Niluwal niya ang mga malulusog na kambal na lalaki. Dahil may hinanakit pa rin ang ina ni Eli, dinala lang siya nito sa isang pampublikong hospital at inilabas kahit walang tamang check up. Hinayaan siya ng kanyang ina na mag-alaga sa dalawang kambal. Kaya kahit masakit pa ang kanyang tahi dahil C-section siya, pinilit niyang tumayo at mag-alaga sa kanyang anak.
Dalawang araw pagkalipas ng kanyang panganganak ay biglang isinugod si Eli sa hospital. Nagkaroon ng komplikasyon ang kanyang panganganak. Nagkaroon din ng maraming tubig ang kanyang baga. Agad na dumating ang kanyang nobyo at sumugod sa hospital na kinaroruunan ni Eli. Nakita niya si Eli na nakihiga at agad niyang nilapitan ito. Tuwang-tuwa si Eli ng makita si Mark. Nag-usap sila ng biglang humingi si Eli ng isang pabor.
"Bhe, pwede mo ba akong isayaw?"
Pinagbigyan ni Mark ang hiling ng kanyang nobya. Dahan-dahan silang sumasayaw at sumasabay sa tugtug ng kanilang paboritong kanta gamit ang kanilang cellphone. Ilang minuto ang nakalipas ay unti-unting lumuluwag ang pagkakahawak ni Eli kay Mark. Labis na takot at hinagpis ang naramdaman ni Mark nang nakita niyang unti-unting pumipikit ang mata ni Eli.
Sa huling sandali ay naipakita pa rin nilang dalawa ang kanilang pagmamahalan. Nawala man si Eli ay may iniwan naman siyang dalawang anghel. Labis ang pagdadalamhati ng kanyang ina at pagsisisi ngunit kahit ano pa man ang kanyang gawin ay di na niya maibalik ang kanyang anak. Sinisi niya si Mark sa mga nangyari. Kaya hanggang sa kasalukuyan ay di pinapakita ni Mark ang kambal. Walang nagawa si Mark kaya iniwan niya sa pangangalaga sa ina ni Eli ang kanilang anak. Nakikimusta na lang siya sa pamamagitan ng kanyang mga kaibigan na may koneksyon sa pamilya ni Eli.
Ang kwentong ito ay hango sa totoong buhay ng aking pinsan. Iniba ko lang ang mga pangalan ng mga karakter at may ilang senaryo din akong iniba ng konti. Pumanaw ang aking pinsan ilang taon na ang nakalilipas, ngunit ang kanyang mga magagandang alaala noong kasama pa namin siya ay mananatiling buhay.
Salamat po sa inyong lahat sa pagbasa ng aking mga gawa. Sana po ay may natutunan kayo sa kwento ng kanyang buhay. Hanggang sa susunod po ulit. Pagpalain nawa tayo ng Maykapal.
Ikinagagalak kong ibahagi ang aking mga sponsor sa itaas.
Ang lead image ay ini-edit gamit ang Canva app.
sakit naman,my mga ganyang nanay talaga ipipilit ang gusto kahit hindi naman nila nakikita na masaya ang anak nila..kawawa lang talaga ang mga babys na madadamay..