Paano nga ba kaming batang 80s-90s sa eskwela noon?
Paano nga ba kaming batang 80s-90s sa eskwela noon? Anu-ano ang mga naranasan namin pagdisiplina ng mga guro?
Naging inspirasyon ko sa pagsulat ng artikulong ito si @Sydney2. Yun artikulo nya ay tungkol sa ang pagiging guro ay di madali. At tama nga naman sya, sino ba ang nagsabi na madali lang ang maging guro? Simula pa lang sa pagawa ng lesson plan araw-araw ay di na biro. Para pa din silang nag aaral habang nagtuturo dahil dapat ay sigurado sila sa mga itinuturo nila. At ang pinakamahirap sa trabaho nila, sa aking palagay, ay ang paghandle o pagdisiplina sa mga ibat'ibang pag-uugali ng bawat estudyante. Sa tingin ko lahat kayo ay sang-ayon dito.
Mabalik tayo sa talagang topic natin. Sino ba dito ang batang 80s o 90s? Taas ang paa, hahaha! Char, biro lang! Masasabi ko na ibang iba ang mga kabataan noon at ngayon pagdating sa eskwela. Ganoon din ang klase ng pagdidisiplina ng mga guro namin. Masasabi ko na mas matindi ang naranasan namin na pagdisiplina o paghandle ng mga guro kumpara ngayon.
Isa sa mga naranasan ko ay yung papaluin ang kamay ng patpat. Ang mas matindi pa eh dapat ganito ang kamay mo kapag papaluin. Kaya isipin nyo na lang kung gaano kasakit.
Grade 5 ako ng maranasan ko yan. Teacher namin sya sa Science and Health kaya istrikto sya pagdating sa cleanliness. Once a week ay may routine sya na ginagawa. Chinicheck nya yun mga kuko at tenga kung malinis. Pati yun buhok ng mga babae ay dapat nakaayos, ayaw nya yung may nakalugay na buhok sa mukha kaya halos lahat kami noon ay nakahead band. Ganoon din sa lalaki, dapat eh presentable lalo na sa uniporme. Pero dahil nga ako ay may pagkaburara noon, yes, inaamin ko po yan, madalas talaga ako mapalo.
Ang adviser naman namin at teacher sa English ay napakaistrikto din. Bawal kami magtagalog sa subject nya. Kapag nahuli ka na nagtatagalog eh ikaw ang maglilinis ng buong school ground. At napakalaki ng school ground namin noon kaya di biro ang paglilinis. In fairness eh talagang effort ako sa pag eenglish. Di baleng english carabao wag lang mapaglinis ng ground, hahaha!
Naranasan ko din ang mapasquat, mapalabas ng room habang nagkaklase at mapasulat ng "Hindi na ako mag-iingay" ng back to back to back sa isang intermediate na papel.
Photo from Google
Pero may mga teacher din naman na abusado. Grade 5 ako, adviser namin noon eh may katandaan na. Madalas kami talaga maparusahan noon kasi konting pagkakamali lang eh nagagalit sya agad. Kapag mali ang sagot mo eh palo agad. Naranasan namin na mapatayo yun buong row at mapasquat buong period nya dahil lang sa walang assignment ang isa na nasa row namin. Isa sa hindi ko makakalimutan noon ay yung pamamahiya nya sa kaklase namin na transferee, si Joan. Hindi ko sya makalimutan kasi that is the worst thing na ginawa ng teacher sa isang estudyante na nawitness ko.
Nagtransfer si Joan nasa kalagitnaan na ng school year, I think third grading na yata noon kasi magpapasko na eh. Mabait naman si Joan, tahimik lang sya. Saka nag eeffort din sya para mapalapit sa amin na mga bagong kaklase nya. Lage sya nagdadala ng imported na chocolates saka mga food na mamahalin. Yun nga lang, may pagkaslow sya. Hindi sya nakakasagot sa mga tanong ng adviser namin. Hindi ko na tanda yung eksaktong nangyare pero isang araw, pinatayo nya si Joan at sinabihan na "Isa kang bulaan. " Yan mismo ang salitang sinabi nya. Sa mga di nakakaalam ang ibig sabihin ng bulaan ay sinungaling. Napaiyak na lang noon si Joan at awang-awa talaga ako sa kanya. Feeling ko eh parang ako yun napahiya. Kinabukasan di na sya pumasok at sabi ng teacher namin noon eh lumipat na sa ibang school.
Pero alam nyo, kahit na ganoon ang naranasan namin sa kamay ng mga teacher, parang balewala lang sa amin. I mean may magandang naidulot sa pagkatao namin. Walang magulang na sumugod sa school para awayin ang teacher. Mas natuto kami na maging organize, maging malinis sa katawan at higit sa lahat eh maging handa kapag papasok. At andoon pa din yung respeto namin sa mga guro. This is not in general ha, pero ang mga estudyante natin ngayon eh parang nawawala na ang respeto sa mga teachers nila. May mga estudyante kasi na talagang pasaway at binabalewala ang mga guro dahil alam nila na di sila pwedeng saktan dahil nga sa ipinagbabawal na yan ngayon, ang pagdidisiplina ng guro sa mga estudyante kasi maaari silang mawalan ng trabaho at matanggalan ng lisensya. Hindi ko naman sinsabi na tama or pabor ako sa pagdidisiplina ng guro sa pamamagitan ng pamamalo, ang sa akin lang eh, kung ayaw natin madisiplina ng guro ang mga anak natin, turuan natin ang mga bata na matutong rumespeto sa guro at maging maayos sa pag-aaral. Pero siempre depende pa din ha, kung ang klase naman ng pamamalo eh yun parang hazing na sa fraternity eh di na pwede yun. Lage po natin tandaan, lahat ng sobra ay mali.
Pwede kayo magshare ng mg experiences nyo at magshare ng opinion tungkol sa topic ko.
Petsa ng Paglathala: Enero 11, 2022
Sorry for the late read, Ate. Now lang nakapag-kalkal eh, hehe. :D
I also experienced na mapalo sa kamay. I think grade 2 yata ako 'nun. Abot kasi CR ko kaya ayun, baka nainis na si Ma'am sa kaka-"Ma'am, may I go to the CR ko." Hehe, oldies na din si Ma'am dati. Masungit at istrikta pero isa s'ya sa mga da best na teacher namin that time. Kasi after the class, napakalambing n'ya. Sadly, may sakit na yata s'ya kaya nasa bahay na lang now. Di ko sinumbong 'to kay Mama pero kini-keep ko s'ya until now kasi maganda naman naging epekto n'ya eh. 🧡