Kung katulad kita na lumaki din sa hirap pero ngayon ay may maayus nang pamumuhay, hindi maiiwasan na maikumpara ang buhay mo noong ikaw ay musmos pa sa buhay meron ang mga anak mo ngayon. Lalo na sa mga sandali na napupuna mo ang iyong anak na tila hindi pinapahalagahan ang mga bagay na natatamasa nila sa ngayon.
Si Pepe at Maria sa Hapag Kainan Noon.
Masaya na kapag may nakahaing kanin sa hapag. Dahil kalimitan ay kamote o di kaya naman ay saging ang kanilang kakainin.
Si Pepe at Maria sa Hapag Kainan Ngayon.
"Mama ayoko po ng ulam, hindi ko po kasi yan paborito". O kaya naman, "Mama ayoko po ng lasa eh hindi po masarap". Meron din naman minsan "Mama gusto ko po yung yellow egg (scrambled egg ang ibig nila sabihin nito), ayoko po nitong sunny side up".
Sinong nanay ang hindi magagalit sa twing maririnig yan? Yung ipinagluto mo na at lahat, ipinaghain pa, pero pagkatapos ay sasabihin sayo ayaw ng lasa? Kaya madalas silang mapagsabihan "Imbis na magpasalamat kayo dahil kakain nalang kayo, ang ibang bata namumulat pa muna ng basura bago pa makakain ng ganyan sa kinakain ninyo".
Mga Laro ni Pepe at Maria Noon
Noong panahon ko, palibhasa sa probinsya ako lumaki, lahat na ata ng larong kalye ay nalaro ko.
Pitik. Hindi ito pitikan ng kamay ha. Pitikan ito ng Lastiko o Goma. Palagi akong talo sa larong to pero gustong gusto ko pa din sumali. Lagi akong umuuwi na ubos ang lastiko na nasa aking kamay.
Syato. Sigurado ako alam na alam ito ng mga batang 90's. Meron tatlong part itong laro na to. Ito ay laro gamit ang isang mahabang patpat at isang maliit na patpat.
Pag naglaro ka nito, siguraduhin mong dapat handa kang masaktan. Sapagkat ikaw ay susubok na sumalo sa maliit na patpat na titirahin ng manlalaro.
Meron itong tatlong round.
Sa mga hindi na maalala kung paano itong nilalaro, hayaan ninyong ipaalala ko sa inyo. Hindi ko nga lang sigurado kung ganito din ang version ng paglalaro ninyo nito noon.
Unang round:
Sa ibabaw ng isang maliit na hukay, ipapatong ng tagatira ang maliit na patpat sabay ititilapon nya ito ng malayo gamit ang isa pang mas mahabang patpat (mga isang metro ang haba). Habang ang mga taya o ang ibang manlalaro ay mag aabang upang masalo ang maliit na patpat. Kung sino ang makasalo ay sya ang sunod na titira.
Kapag naman hindi nasalo, kung saan bumagsak ang patpat, susubukan naman patamaan ng taya ang mahabang patpat na nakapwesto ng pabalagbag sa may maliit na butas kung saan tinira ang maliit na patpat. Kapag tinamaan nya ang patpat, sya na ang titira. Kapag naman hindi, mag aadvance ang tagatira sa next round.
Ikalawang round.
Sa round na ito, hawak ng manlalaro ang dalawang patpat sa magkabilang kamay. Ihahagis nya ang maliit na patpat sa ere sabay titirahin ulit. Habang ang mga bantay ay mag aabang sa pagtira ng manlalaro upang saluhin ito. Katulad ng rules sa unang round, kapag nasalo ang maliit na patpat, out na ang manlalaro at kung sinong nakasalo ang sya namang susunod na titira.
Kapag hindi nasalo ang maliit na patpat, saka ito ihahagis pabalik ng bantay sa manlalaro mula sa pinagbaksakan na parang bola habang ang manlalaro ay aabangan ito at titirahing muli. Tamaan man o sa hindi, kung saan babagsak ang maliit na patpat, susukatin ito ng manlalaro gamit ang mas mahabang patpat mula sa pinagbagsakan hanggang sa maliit na butas na nagsisilbing base.
Ikatlong round.
Sa round na ito, ilalagay ng manlalaro ang maliit na patpat nang pa 30 to 45degrees sa lupa. Pagkatapos ay pupukpukin ang dulo nito upang umangat at pag angat, tityempuhan nya itong paluin muli papalayo sa base. Susubukan din ng manlalaro na dalawang beses patamaan ang maliit na patpat. Pag nangyari ito, ang gagamitin na panukat ng layo ng pagbabaksakan ng maliit na patpat mula sa base ay ang maliit na patpat.
Pareho pa din ang rules. Kapag nasalo ang maliit na patpat pagkatapos paluin papalayo sa base, walang score sa round na iyon ang tumira at kung sinong nakasalo, sya ang muling titira.
Kapag naman hindi ito nasalo, katulad ng sa ikalawang round, bibilangin ng manlalaro ang layo ng pinagbagsakan ng maliit na patpat mula sa base gamit ang malaking patpat.
Tagu Taguan (Hide and Seek).
Sa larong ito, kinakailangang magtago ng mga manlalaro habang nagbibilang ang taya sa base na nakatalikod at nakatakip ang mga mata. Pagkatapos ng pagbibilang ay mag uumpisa nang maghanap ang taya sa mga nakatagong manlalaro. Kinakailangang makabalik ang mga manlalaro sa base ng hindi namamalayan ng taya. Kung sino ang unang ma "Pong!" O makita ng manlalaro at hindi agad makakabalik o SAVE sa base, ay syang susunod na taya. Kapag walang nahuli ang taya ay sya pa rin ang magiging taya sa susunod na round.
Siguradong hanggang ngayon, kabisadong kabisado mo pa ang linyahan dito na para na ngang kanta kung bigkasin ng taya.
.......
Tagu-taguan maliwanag ang bwan.
Wala sa likod, wala sa harap.
Pagkabilang ko ng sampu nakatago na kayo.
Isa, Dalawa, Tatlo, Apat, Lima, Anim, Pito, Walo, Siyam, Sampu.
Game?
Medyo bibitinin ko po muna kayo. Abangan ang susunod pang mga parte ng Artikulong ito.
Samahan po ninyo akong alamin ang kaibahan ng mga bata noon kumpara sa mga ginagawa o nakagawian ng mga bata ngayon.
Salamat po sa inyong pagtangkilik.
Gusto kung laro noon patintero at tago-taguan. Kulilat ako sa syato talaga 😂