Mahal, naaalala mo pa ba kung paano tayo unang nagkita?
Kung papaano at saan nagmula ang ating pagmamahalang dalawa.
Naaalala mo pa ba yung una mong ngiti?, nagkakahiyaan pa tayo nyon dahil hindi tayo magkakilala.
Mahal, naalala mo pa ba yung una mong kwento sa akin?
Kung papaanong ang bawat istorya nating dalawa ay di naglaon naging iisang librong nakatha. Naaalala mo pa ba yung panunuyo mo sa akin, yung mga pagkakataon na tila ang klima ay salungat sa aking emosyon. Kung papaano mo ako pinapakinggan sa panahon ako ay may daing. Kung papaano mo ako sinusuyo sa panahong ako ay may toyo. Kung papaanong pilit mo akong iniintindi sa mga panahong hindi mo na ako maunawaan, ngunit hindi mo ako binitawan.
Mahal, naalala mo pa ba yung una nating away? Yung una nating tampuhan? Yung nagalit ka sa akin dahil hindi ko masunod ang nais mo. Yung hindi pagkibo sa panahong sinasalungat ko ang gusto mo. Bagama’t para tayong aso’t pusa, para tayong nagdidigmaan sa isa’t isa ngunit sa bandang huli tayo parin ang magkakampi. Tayo parin ang bati. Pilit na uunawain, pilit na iintindihin. Ayan tayo noon maging ngayon, ngunit kaya nga tayo magkasama hanggang ngayon di ba?
Mahal, mahal na mahal parin kita, bagama’t hindi ko na naulit ang salitang ito sa’yo, bagama’t hindi na tayo tulad ng dati na masaya, lumalakad sa malayong lakarin ng buhay na nagkwe-kwentuhan habang magkahawak ang ating mga kamay, bagama’t hindi na ako tulad ng kung papaano kita sinusuyo, hatid sundong pagsamo at mga rosas at regalo na sa iyo inihahandog. Alalahanin mo ang ating simula, hindi ito ang magdidikta ng ating wakas kundi tayong dalawa ang magdedesisyon neto. Kasama ang Maykapal na sa atin ay pumapagitna.
Sa pagkakataong ito, nais kong alalahanin at muli nating balikan ang ating pag-ibig sa isa’t isa. Ang ating malalagkit na tingin sa isa’t isa. Ang ating mga matatamis na ngitian sa isa’t isa. Ang ating oras na masaya at maging malungkot na tayo ay magkasama. Alalahanin mo, kung papaano mo ako niyakap sa kabila ng aking kakulangan at kahinaan. Kung papaano mo ako tinanggap sa kabila ng aking kapangitan. Kung papaano mo hinawakan ang aking kamay sa panahong ako ay bibitaw na. Alalahanin natin ang ating pangako sa isa’t isa. Ang ating sumpaan sa harap ng Maykapal na tayo’y magkasama sa hirap at ginhawa at mananatiling magmamahalan hanggang sa paglisan ng buhay sa atin. Alalahanin natin ang ating sambitan sa isa’t isa ng isang katagang “Mahal Kita” at “Mahal din Kita” at ito ay mananatili hanggang wakas sapagkat ang ating pag-ibig ay wagas. Alalahanin mo sapagkat sa pagkakataong ito ang nais ko lang ay Sariwain ang ating Pagmamahalan.
My Very Own Writings:
Pagsinabi Ko, gagawin Ko - https://read.cash/@Jthan/pagsinabi-ko-gagawin-ko-378ae3e0
Kung Pwede Lang Sana.. - https://read.cash/@Jthan/kung-pwede-lang-sana-8c1ce0a0
Patungkol sa Pag-ibig - https://read.cash/@Jthan/patungkol-sa-pag-ibig-4d167fcb
Nasaan Ka? - https://read.cash/@Jthan/nasaan-ka-f30b3673
[Tula] Patungkol sa Pag-asa - https://read.cash/@Jthan/tula-patungkol-sa-pag-asa-b9586dab
Patuloy nyo pong tangkilikin ang sariling atin. hehe
Nawa'y inyo pong nagustuhan.
Sa nais ng magandang kathang tula mag SUBSCRIBE lamang. @Jthan
Wag din po makakalimot na i-LIKE at magbigay ng anumang COMMENT patungkol dito.
Kung mahal mo ang isang tao lahat ng kapintasan nya ay buong puso mong tatanggapin, hindi mo rin ito pipilitin mabago. Salamat sa pag bahagi.