Sa buhay natin may mga pagkakataon na kailangan natin patunayan mga sarili natin. Kailangan ipaglaban natin kung ano man ang ating ninanais. Ngunit may mga pagkakataon din na hindi tayo pinaglaban nung pinaglaban natin ng todo.
Halos magkasugat-sugat na tayo ngunit sa huli tayo parin ay talo. Masakit lalo na pag hindi mo napatunayan ang sarili mo sa isang tao lalo na kung mahal mo.
Minsan mapapatingala ka na lang sa asul na kalangitan habang tinititigan mga puting ulap sabay sasagi sa iyong isipan ang tanong na, Ipinaglaban ba ako? Mahalaga ba ako?
Sabay umihip ang hangin at dumampi sa iyong balat ang lamig na animo'y magkatulad ng lamig ng kaniyang puso noong siya'y iyong sinusuyo at sinusundo sa kabilang kanto sa barangay niyo ngunit sa huli iyong napagtanto na hindi pala kayo pinagtagpo ni kupido.
Natapos na naman ang buwan ng Enero at ngayon ay buwan na ng Pebrero. Maraming tao ang nagsasaya ngayon dahil buwan ngayon ng mga puso pero meron din naman nakasimangot sa isang sulok ng kanilang kwarto dahil wala silang katagpo o nasa malayo ang kapares ng kanilang puso.
May mga tao din na nagsasaya hindi dahil sa mayroon silang katagpo ngunit sa kadahilanang hindi nila kailangan ng kapares para sumaya, pagmamahal sa kanilang sarili ay sapat na, kuntento na sila at sa paraang ito nakakamit nila ang ligaya.
Ngayong pebrero nagsisilabasan mga magagandang bulaklak ngunit mapapalaban ka naman sa presyo. Ngunit kung para naman sa mahal mo eh talaga nga namang susuungin mo kahit mabutas na pitaka mo.
Ganun tayong mga tao, mapasaya lang mga mahal natin sa pamamagitan ng munting regalo, saya natin ay abot na hanggang buto.
Nakalatag naman ang mga tsokolate na kay tamis na ang presyo ay bagsak kaya ito'y sulit para sa mahal mo na siguradong siya'y mapapakiss.
Yung iba namumula na sa kilig ngunit ang iba naman ay tumatagaktak na ang pawis dahil ang tao na kanilang iniibig ay may katagpo sa labas at hindi ikaw ang nais.
Sa isang relasyon talaga nga namang ika'y mapapalaban dahil hindi maiiwasan ang hindi magkaroon ng karibal. Kaya't kung ikaw ay nanligaw dapat ito'y iyong itodo nang sa ganon ay hindi ka masapawan.
Kung ikaw talaga nga naman ay seryoso sa iyong iniibig at ito'y kaniyang nakita, sigurado mapapasaiyo ang matamis niyang oo.
May mga pagkakataon na kailangan mong ipaglaban dahil tadhana ay sumasalungat sa iyong kagustuhan. Akin na itong naranasan sa aking nakaraan.
Ito'y nagdulot sa akin ng matinding kalungkutan sapagkat ang aking minamahal ay tuluyan kong pinakawalan kahit labag man sa aking kalooban.
Nais ko siyang ipaglaban ngunit wala naman akong kakayahan. Siguro ang nangyari ay plano ng ating Maykapal. Ano ang aking magagawa, ako'y isang maralita lamang at siya'y anak ng mayaman.
Hindi naman sana ito hadlang sa aming pagmamahalan ngunit magulang niya'y ginawa ang lahat upang kami'y hindi magkatuluyan.
Pinapunta siya sa ibang bansa upang doon mag-aral. Sa una mayroon pa kaming koneksyon sa isa't isa ngunit sa kinalaunan ito'y biglang naglaho na parang bula.
Diko mawari kung ano ang dahilan at akin ngang nalaman sa kaniyang kaibigan na pagmamahalan namin ay kaniya ng winawakasan sa kadahilanang mayroon na siyang natagpuan.
Hindi na ako nabigla sapagkat ako'y handa na noon pa. Alam kong makakahanap siya ng iba na mas malapit sa kaniya. Ginawa ko naman lahat para lang iparamdam sa kaniya na malapit kami sa isa't isa ngunit di parin naging sapat.
Ngunit ok lang, masaya ako para sa kaniya. Ganun naman talaga diba, kung mahal mo ang isang tao pipiliin mo nalang na masaya siya sa iba kaysa naman nakasimangot siya kapag ikaw ang kapiling niya. Ikaw din naman masasaktan na nasisilayan siyang ganon.
Kung pag-ibig ang usapan tayong mga tao,kaya narin itaya maski ang ating buhay mapanatili lang ang ating mahal sa ating tabi. Ngunit minsan hindi natin maintindihan ang takbo ng tadhana kaya atin nalang pinapaubaya.
Masaya ako para sa iba na nakikita silang kasama mga mahal nila at masayang masaya. Sana dumating ang araw na hindi na sa labas magsasama bagkos ay sa harap na ng altar sa simbahan. Sabay bibigkasin mga katagang nagpapatunay na kayong dalawa ay nakatali na sa isa't isa.
Masaya na ako ngayon na mag-isa. Hindi ko na siya kapiling ngunit sarili ko'y sapat na pansamantala. Darating din ang araw kung saan pagtatagpuin kami ni kupido at papanain sa puso saba'y mahuhumaling sa isa't isa at lalabas sa aming mga labi ang mga katagang "Siya na nga."
Siya at akin ng wawakasan ang aking artikulo para sa araw na ito. Basta lagi mong tatandaan na kung hindi ka man pinaglaban at pinahalagahan ng taong mahal mo, ok lang. Ang mahalaga hindi mawala ang pagmamahal mo sa iyong sarili dahil sa huli siya lang ang iyong kasama.
Maraming salamat sa pagbabasa ng aking piyesa. Sana'y kasama ko parin kayo sa susunod na kabanata.
Happy Valentines to all.❤. Just click that globe above for the english version. Thank you.
Lead Image: I made it in Canva same with the image above.
Thank you to my sponsors and to all generous readers who are always there.
For sure, the right person will come at the perfect time. Cliche man pero totoo. Sa ngayon, matutunan muna natin mahalin ang sarili natin para pag dumating na yung tamang tao, alam nating sa sarili natin na buo tayo.