To my non-Filipino readers (if there are. Lols πΉ), this article is in Tagalog/ Filipino. If you want to read it, I hope the 'Globe' button will help you out.
I was scrolling on read.cash when a title of an article caught my attention. I can't remember who the author was, but the topic was about August being the Month of Language (Buwan ng Wika πΉ). It was a challenge for Filipino writers to write an article in our language, which is Filipino.
And because it's been some time already since I last wrote a Filipino piece on this platform, let me write an entry for this "Buwan ng Wika Challenge". If you also want to join the challenge, just write and publish any literary piece using our own language and let's be proud of it.
"Wala Kang Utang na Loob!"
Ilang beses ko na nga bang narinig ang mga salitang ito na para bang wala nga talaga akong utang na loob?
Pero ilang beses ko din ba dapat pagbayaran ang utang na loob na ito?
Hindi ba sapat ang isang beses lang kagaya ng kung isang beses lang din naman ako binigyan ng tulong ng taong akala ko noo'y ginawan ako ng pabor ng may kusang loob?
Pero bakit parang hindi ganoon?
Bakit parang kung ginawan ako ng mabuti noon, ay dapat hindi ko lang isang beses pagbayaran ang utang na loob sapagkat hindi kailanman masusuklian ang ginawang kabutihan?
Ilang beses ba? Dalawa? Tatlo? Apat? Lima? O hanggang maubos ang mga numero at kahit tumanda na ako ay dapat tumatanaw parin ako at pagbabayaran ko ang utang na loob na ito?
Kailan ba mababayaran ang utang na loob? Kahit siguro malagutan na ako ng hininga ay may utang na loob parin akong dapat bayaran.
Madaya!
Ganyan ko ilarawan ang "Utang na Loob" dahil kahit ano namang gawin ko ay hindi magiging sapat ang lahat ng kabayaran, na kahit pa mas mukhang labis na ang pagbabayad ko ay kulang na kulang parin sa mata ng iba.
"Wala kang utang na loob!"
Bata palang ako noong una kong marinig ang mga salitang ito. Nanggaling ito mismo sa bibig ng tiyahin ko. Hindi ito direktang sinabi sa akin ngunit ito ay sinambit sa taong nagbigay ng buhay sa akin, ang aking ina.
Paano niya nasabi iyon?
Malaki ang utang na loob ng aking nanay sa aking tiyahin na kapatid ng aking ama, dahil noong nagsisimula pa lamang silang bumuo ng sariling pamilya ay siya ang tumulong para magsimula sila na tumayo sa sarili nilang mga paa.
Tulong na akala mo ay kusa dahil hindi mo naman sila pinilit, sapagkat ang buong akala mo'y sila ay nagmamalasakit bilang isang kapamilya, bilang isang kamag-anak.
At noon nga'y unti-unti na silang nakakaahon sa pagkalugmok dahil maaga silang nagpamilya, at hindi natanaw kung gaano kahirap ang buhay na susuungin nila. Pero kinakaya. Napagtatagumpayan ang bawat hamon ng buhay dahil sa mga taong may malasakit, at mabubuting puso.
At nang makaahon sa kumunoy, ay unti-unti na ring naniningil ang mga taong minsa'y nag-abot ng kamay para makawala sa lupang nangangain ng buhay.
Malaki ang utang na loob ng aking ina, kung kaya't masaya itong pagbayaran ang lahat ng kabutihan na ibinahagi sa kanila noong kailangan nila ng tulong.
Lahat ng pabor na hilingin ay pinagbibigyan. Lahat ng tanong ay sinasagot. Lahat ng sakripisyo na pwedeng ibayad para lamang matumbasan ang nagawang kabutihan ay nagawa na ng aking ina. Buong buhay niya, nagbabayad siya sa kabutihan nila dahil nga malaki ang utang na loob nito, kahit para sa akin ay pagmamalabis na.
"Wala kang utang na loob!"
Isang sigaw ang bumasag sa aking tainga ng marinig ko ang aking tiyahin na inaaway ang taong nagsilang sa akin noong hindi niya magawa ng tama ang pabor na hinihiling nito sa kanya. Isang beses lang niya itong hindi napagbigyan ay para bang nakalimutan na nito ang lahat ng ginawa niyang kabutihan.
Naaalala kong ilang beses na din akong humingi ng tulong pinansiyal sa kanya. At ilang beses din akong tinulungan.
Marunong akong tumanaw ng utang na loob, kaya kahit anong hilingin din sa akin noon ay ginagawa ko. Isinasantabi ko ang mas importanteng bagay para lamang harapin ang ipinapagawa niya.
Masaya kong pinagbayaran ang lahat ng tulong pinansyal sa akin noon bilang pagtanaw ko ng utang na loob.
Ngunit kagaya ng aking ina, isang beses lamang akong hindi kumibo sa pabor na hinihiling niya ay nasabihan na ako ng walang utang na loob.
Madaya!
Pinaninindigan ko na madaya ang magkaroon ng utang na loob sa iba, kaya't simula noon ay hindi na ako lumalapit sa kahit kanino man para humingi ng tulong. Dahil kung kailangan ko lang din namang pagbayaran habang-buhay ang nagawang kabutihan, at babalewalain ang mga naging kabayaran, ay pipiliin ko nalang suungin ang lahat ng hamon ng buhay sa abot ng aking makakaya.
Hindi ko sinasabing kaya kong mabuhay mag-isa, pero mas gugustuhin ko nalang mabuhay ng tahimik at walang inaalalang utang na kailangang pagbayaran hanggang malugatan ng hininga.
Tumulong ng kusa at bukal sa kalooban, dahil hindi ito utang na sisingilin habang-buhay.
Well, this is my personal view about "Utang na Loob" (debt of gratitude). I chose this topic because I think it's one of the "toxic" traits of being a Filipino, where one has to be indebted of gratitude for life, which I find unfair.
If you think otherwise, feel free to share your opinion on the comment box. πΉ
mahirap bayaran ang utang na loob sa mga taong ganun ang ugali gaya ng tiyahin mo. haha..... Yung akala mo kusa pero hindi pala. Sa kanila yung isang beses na tinulungan ka dapat habang buhay mong pagbabayaran ng serbisyo. Nakakalungkot kasi kamag anak niyo pa pero madalas tlaga ngyayari yan sa mga magkakamag anak eh.