Bakit gising kapa?

4 23
Avatar for mikaella27
4 years ago

Para ito sa mga taong mahilig magpuyat.

Gabi, around 11:00 pm na yun pero dahil nakasanayan ko na ang magpuyat kahit may pasok pa kinabukasan, ay gising na gising parin ang diwa ko. Panay ang scroll-scroll ko lang sa fb since nakapag-review naman na ako para sa quiz tomorrow.

Mahimbing na ang tulog ng mga kasama ko sa boardinghouse na yun, bale apat kaming umu-ukupa sa isang room, all girls.

Tutok na tutok ako sa pagsi-cellphone nang makarinig ako ng kung anong ingay sa labas ng kwarto. Yung ingay ay nanggagaling sa sala/dining area namin. Ang tahimik na ng paligid, tunog nalang ng electric fan yung humahalo sa katahimikan. Pinakinggan kong mabuti, may kumakalansing na barya. Para itong pinapaikot sa ibabaw ng aming mesa. Yari ito sa bubog kaya mas matinis ang tunog ng baryang kapag natatapos na sa pag-ikot ay muli nanamang paiingayin. Kinabahan ako. Sino naman ang gagawa nun kung sakali? Chineck ko ang aking mga kasama, ang sarap na ng tulog nila.

Bumangon ako para silipin yun dahil mag-iisang minuto na ay 'di parin nawawala ang ingay.

Natakot ako nang aking makita na mayroon ngang limampisong barya sa ibabaw ng lamesa, naroon at naabutan ko pang umiikot kahit wala namang gumagawa noon. Pigil hininga ko yung tinitigan hanggang sa tumigil ito sa pag-ikot.

Balak ko sanang gisingin ang mga kasama ko pero mas nanaig sa akin na pilitin ang sarili ko na isawalang bahala ang bagay na yun. Noong January pa ako lumipat dito pero wala namang mga ganitong tagpo, kaya naisip kong baka nga guni-guni ko lang yun.

Tumalikod na ako para sana bumalik na sa aming tulugan, nang bigla namang tumunog ang pinto sa banyo.

Siguro nga'y nasusobrahan na ako sa kapapanood ng mga horror movies kaya kahit pagtunog ng pintong yun ay naghatid na agad sa akin ng matinding kilabot. Dahan-dahan pa ang tunog na parang maingat na kinakabig pabukas. Masakit sa tenga ang pag-ingit ng bisagra ng pinto.

Hindi ko alam kung saang kamay ng batas pa ako nakakuha ng lakas ng loob para lumingon. Habang papalingon ay napalunok ako ng aking laway kahit bahagyang tuyo na ang aking lalamunan.

Doon na tumambad sa akin ang isang babaeng mataba. Kulot ang maiksi nyang buhok, nakasuot sya ng daster na pula, laylay ang laman sakanyang pisngi dala ng katabaan, nakakatakot ang malusog at maputi nyang mukha, ang bilugan nyang mga matang nakamulagat na pinaparesan ng maninipis at animo'y galit nyang kilay. Lalo't higit na nakakatakot ang kanyang malapad na ngisi na aakalain mong may masamang binabalak.

Hindi ko nagawang sumigaw kahit halos mabingi na ako sa lakas ng pagkabog ng aking dibdib, nanghina narin ang mga tuhod ko sa takot at pagkabigla pero isiniksik ko sa aking utak nang gabing yun na hindi ako dapat matakot.

Dahil sya ang masungit na caretaker ng boarding, Auntie ang tawag namin sakanya.

[some of the following convo's are non-verbatim]

“Auntie Cora naman, tinakot nyo po ako! Anong ginagawa nyo dyan?” halata sa boses ko ang pagkainis pero mas nangibabaw parin ang takot.

“Bakit gising kapa?” Tanong nya sakin nang nakangiti tapos lumabas sya sa cr, papalapit sya sa akin. Yung paglapit nya pa naman ay patakbo, at dahil namamagitan sa aming dalawa ang bilog na mesa ay kinailangan pa nyang umikot. Hawak-hawak ang laylayan ng kanyang daster ay patakbo syang lumalapit sa akin, kaya napaatras ako papasok sa pinto ng kwarto. Gayunpaman ay hindi ko pinahalata sakanyang natatakot ako. Sumagot parin ako sa tanong nya sa akin habang inaabangan ang anumang gagawin nya sa kanyang paglapit.

“W-wala po, may tiningnan lang ako Auntie”

Agad akong napahiyaw nang biglang may sunod-sunod na katok sa pintuan. Natigilan si Auntie sa mismong tapat ng pintong iyon, at sabay kaming napalingon doon. Patong-patong na ang kaba ko, noon lang kase nangyare na may kumakatok pa ng ganitong oras. Nagkatinginan kami ni Auntie pero duda na ako sakanya dahil nakangiti parin sya.

Sabay sabi nya sa akin ng "shhh" habang nakalagay ang hintuturo sa dulo ng kanyang ilong at mapupulang nguso. Wag akong maingay, yun ang gusto nyang iparating.

Sunod-sunod parin ang katok sa pinto, gusto ko nalang himatayin that time nang unti-unti kong marealized kung paano nakapasok si Auntie Cora sa silid namin gayong naka-lock ito at ang kanyang kwarto ay sa ground floor, at kami ay nasa 2nd floor.

Hindi na ako nag-aksaya ng oras, ginising ko ang mga kasama ko habang umiiyak at tarantang-taranta. Sa wakas ay nagising rin sila, at bilang kaswal na reaksyon, pawang pupungas-pungas at takang-taka sila sa akin. Para akong baliw habang sinasabi sakanila ang tungkol kay Auntie Cora. Nagsilabasan sila para tingnan yun habang si Trisha ay naiwan at inalalayan ako. “Kira ayos kalang? Namumutla ka!” sabi nya sa akin, hindi na ako nakakibo pa.

“Wala naman ah!” Inis na sambit ni Robelyn. Lumabas kami ni Trish ng kwarto pero halos mawalan ako ng ulirat nang wala nga si Auntie Cora doon.

Dali-daling binuksan ni Arlene ang pinto dahil nandoon parin yung mga katok. Bumungad sa amin ang galit na mukha ni Auntie Cora. Halos umusok na ang ilong nya sa galit dahil masakit na raw ang kanyang kamay kakakatok.

“BAKIT GISING PA KAYO? BAKIT ANG TAGAL NYONG BUKSAN 'TONG PINTO?!” Kunot-noo nyang tanong. Pumanhik pala sya paakyat dahil kanina nya pa raw naririnig na maiingay kami. Panay daw ang halakhakan namin na rinig na rinig sa ibaba. Doon ako lalong nagtaka at nangilabot dahil hindi naman kami nagtatawanan, at ngayon lang kami nagkaingay nang gisingin ko sila.

Pero ang nagbigay talaga ng matinding hilakbot sa akin ay ang kamukha, o sabihin na nating gumaya kay Auntie Cora.

Ikaw? Bakit gising kapa?

7
$ 0.00
Sponsors of mikaella27
empty
empty
empty
Avatar for mikaella27
4 years ago

Comments

I love reading creepy/horror stories. Like your article. 😊

$ 0.00
4 years ago

More on my articles is about horror and creepy stories hehe try to read it

$ 0.00
4 years ago

Sure

$ 0.00
4 years ago

bakit gising pa siya?!!!!

$ 0.00
4 years ago