Susubukan kong isa-isahin ang bawat pangyayari kung paano nga ba nagsimula ang pandemya sa ating bansa.
2019, December 31
Nang nagsimula ang China na mag imbestiga sa kumakalat na "pneumonia like disease" sa Wuhan kung saan ay 27 na indibidwal ang naapektuhan nito. Dito na nagsimula na maging alerto ang mga hospital sa China na manmanan ang bawat kaso na maaaring maadmit sa iba't-ibang hospital sa Wuhan at sa mga karataing na lugar.
Opinyon:
Bilang isang mahilig magbasa ng balita sa ibang bansa, nalaman ko na ito nang maaga. Subalit hindi pa ganoon ang ang aking pagkabahala. Mas inisip ko ang magiging epekto nito sa "crypto industry" kung saan ang namumuhunan.
2020, January 5
Araw-araw ay tumataas ang bilang ng mga nagkakasakit at hindi lang sa China kundi pati na rin sa ibang mga bansa. Naging mahigpit ang mag paliparan sa pagpapapasok ng mga Tsino. Dahil dito nagpahayag na din ang DOH na maging mapanuri dahil hindi aniya biro ang sakit na ito.
Opinyon:
Hindi maikakaila na malapit ang relasyon ng ating kasulukuyang administrasyon sa China. Subalit sa aking pagsusuri, wala pa din naman pagbabago sa pagpapapasok ng mga banyaga sa ating mga paliparan. Bago pa pumutok ang balita sa pandemya ay laganap na ang mga Tsino sa ating bansa dahil sa POGO industry. Malaki ang ibinabayad na buwis ng industriyang ito kung kaya't masasabi ko na maluwag ang pamahalaan pagdating sa iregularidad na nababalitaan natin dito.
2020, January 9
Kinumpirma mula mismo sa World health Organization(WHO) na ito ay isang strain ng "coronavirus" na kahalintulad ng SARS. Sa panahong ito ay 59 na ang kumpirmadong kaso at pito dito ay malala pa, subalit wala pa din naitatalang nasawi. Habang nananatiling sarado simula pa Enero 1 ang mga pamilihan sa Wuhan dahil na rin sa pang iingat na baka mas marami pa ang maapektuhan ng virus na ito.
Opinyon:
Hindi pa din masyadong ramdam ang balitang ito sa Pilipinas. Masyado tayong naging kalma at hindi napaghandaan ang mga hindi natin inasahan. May mga kakilala ako na nagsipag-alisan sa kani-kanilang hanapbuhay upang maghanap ng kumpanyang nag aalok ng mas mataas na benepisyo.
2020, January 16
Kumalat na pati sa mga karating-bansa kagaya ng Japan at Thailand ang nasabing sakit. Tatlong kaso ang naitala sa parehong bansa na pawang bumisita lahat sa Wuhan. Samantala, umabot na sa halos 1700 na kaso ang naitala sa Wuhan na malayo sa naunang bilang na 45.
Opinyon:
Ito ay lubos na nakakabahala sa akin sapagkat Japan ang base ng aming industriya. Kapag napatigil ang operasyon sa Japan ay malaki ang posibilidad na matigil din ang aming operasyon. At maaari pang magkaroon ng pagbabawas ng mga empleyado. Naglabas na din ng balita ang aming opisina na maging maingat sa araw araw na papasok kami sa opisina. Huwag makihalubilo sa mga tao sa labas at iwasan muna ang mga matataong lugar.
Aking ipagpapatuloy ang timeline na ito sa susunod na post ko. Ang opinyon ko ay hango lamang sa aking pansariling pananaw at hindi naaapektuhan nang kahit anong kulay ng pulitika. Sana habang binabasa mo ito ay maisip mo kung ano ang mga ginawa mo noong panahon na wala pa ang COVID sa Pilipinas. May pinagsisisihan ka ba na hindi mo nagawa? May mga desisyon ka ba sa tingin mo ay mali? May mga lakad ka ba na hindi natuloy? Ano ang nararamdaman mo ngayon?
Pinagkunan: Rappler at Medical News Today
nice po. more article pa po and keep sharing your talent in writing..