Tuwing sumasapit ang bagong taon, maraming tao ang nagbabalik-tanaw sa lumipas na taon upang limiin ang mga tagumpay at kabiguan na dumating sa kanilang buhay. Habang binabalikan nila sa alaala ang kanilang mga naging pagtatagumpay, naghahangad naman sila ng ibayo pang pag-unlad sa hinaharap. Pinagaaralan din nila ang dahilan ng kanilang mga naging kabiguan, at ang iba'y gumagawa pa ng New Year's resolution o pangako na ang kanilang mga pagkakamali ay iiwasan na upang ang mga naging kabiguan ay hindi na muli pang maranasan.
Mahalagang makapag-ukol ng matamang pagpaplano ang bawat isa para sa panibagong taon. Walang sinumang naghahangad na maulit ang mga mapapait na kabiguan na kaniyang dinanas sa nakalipas na taon.
Ang mga magulang ay naghahangad na maging matatag at masagana ang kanilang kabuhayan upang mapagkalooban ng higit na kaginhawahan ang kanilang sambahayan. Ang nga mangangalakal ay nagnanais na mapaunlad ang kanilang negosyo, at kung hindi man ito natamo sa taong lumipas ay umaasang matutupad ito sa panibagong taon. Ang mga naghahanapbuhay o nagtatrabaho ay nangangarap na sumulong sa kanilang tanggapang pinapasukan, at tumaad ang sahod. Ang mga mag-aaral naman ay naghahangad na makatapod sa kursong kinukuha upang makapagbigay ng karangalan sa kanilang mga magulang at magkaroon ng magandang kinabukasan. Anupa't ang bawat isa, upang magkaroon ng katuparan at makamit ang kani-kaniyang magandang panukala, ay nagnanais ng pagbabago para sa ikabubuti sa panibagong taon.
I hope as soon as possible things would get better and wish that pandemic will end already. Lord will guide us! 🙏 Anyways, well-written article.