Pagbati
Sa muli isa na namang panibagong araw at buwan ang sa atin ay dumating. Maganda at mapagpalang araw sa lahat ng mambabasa at manunulat sa platapormang ito. Hangad ko ang maayos at positibong takbo ng maghapong ito sa inyong buhay kasabay ang pag-iingat at gabay ng Diyos.
Panimula
Marahil ay hindi na bago o lingid sa atin ang salitang panaginip at kung saan patungkol ang bagay na ito. Ito ay mga pangyayari o kaganapan na kung saan mas higit na ating nararanasan pagpikit ng ating mga mata at pagsapit ng gabi.
Hindi ko itatanggi na nakakaramdam ako ng inggit sa mga taong nakakaranas ng panaginip na kung saan ay sila masaya. Mga taong nanaginip ng nakapulot ng pera o di kaya ay nanalo sa lotto.
Narito at inyong tunghayan kung ano ba ang aking nararanasan sa loob ng MAHIWAGA KONG PANAGINIP.
Nagsimula ang pangyayaring ito ng ako ay nasa ika-anim na baitang ng elementarya. Kasalukuyan akong nasa pangangalaga pa ng aking ina at kami ay naninirahan pa sa lugar ng Subic, Zambales. Sa kalagitnaan ng aking mahimbing na pagtulog ay dumating ang isang pangyayari o panaginip na masasabi kong napakasama.
Sa lugar ng Calapacuan, brgy. kung saan kami naninirahan ay may napakalaking bundok na kung tawagin ay Bundok Bato. Marahil dahil ito ay isang napakalaking umbok na bato kaya ito ang itinawag sa kanya.
Habang ako ay nasa bahay narinig ko ang malakas na tila ba ay agos ng tubig, hindi ko mawari kung saan nanggagaling ang tunog na iyon. Umakyat ako sa puno at nakita ko ang isang napakalaking paparating na alon na animo'y galit na galit na susugod sa kabayanan.
Nagsimulang sumikip ang aking dibdib at panginig ang aking tuhod. Sumigaw ako ng sumigaw ng malakas na "May tsunami,may tsunami!!" Dali-daling lumabas ang mga kapitbahay ko at nakisigaw na rin upang magbigay babala sa iba pa. (Malapit lang po bahay namin sa dagat, pagtawid ng kalsada ay dagat na)
Magkahalong kaba at takot ang nararamdaman ng lahat ng sandaling iyon.
"Takbo! Bilisan niyo ang takbo at umakyat sa bundok bato! Takbo bilis, takbo!!!" Sigaw ng ilan na hindi ko mawari kung sino na ito.
Nang marating namin ang bundok bato, kitang kita namin ang ilan pang mamamayan na taranta at puno ng takot na tumatakbo at naghahanap ng mataas na lugar. Kitang kita ko ang napakalinaw na mala-crystal na bundok ng alon na paparating sa dalampasigan at kabayanan. Habang papalapit ng papalapit ay pasikip ng pasikip rin ang aking paghinga.
Ilang minuto ang dumaan ay tuluyan na ngang humampas ang napakalaking alon sa aming baranggay at tuluyang nilamon ang lugar na yaon. Umabot ito sa aming kinaroroonan ngunit hindi na isang alon kundi mga talksik na lamang ang dumampi sa aming katawan.
Narinig ko ang tawag ng aking ina" Rose, rose ano ang nangyayari sayo?" At unti-unti ay dumilat ang aking mga mata.
Umiyak ako ng umiyak sa harap ng aking ina, ang tanging saksi sa masakit at nakagigimbal kong panaginip. Ikinuwento ko ang nilalaman ng aking panaginip at tanging sambit niya ay "In Jesus Name, wag naman nawa mangyari ang bagay na yan" panaginip lang yan.
Ilang araw na hindi nawala sa aking isipan ang panaginip na iyon, ilang gabi na hindi ako makatulog at balisa sa tuwing susubukang ipikit ang aking mga mata.
Makalipas ang ilang linggo at buwan, bumalik sa normal ang aking pagtulog.
Hanggang sa... Muli na naman akong nanaginip ng tubig at sakuna.
Iba-ibang pangyayari ngunit lahat ay may kaugnayan sa tubig at alon na napakalinaw, at sa bawat panaginip ko ay nahihirapan akong huminga sa paggising.
Hanggang sa mga sandaling ito, dekada na ang nakakaraan ay patuloy pa rin akong dinadalaw ng panaginip na ang nilalaman ay tubig na napakalinaw ngunit hatid ay sakuna. At sa bawat panaginip ay nakikita kong nagbabago ang lokasyon at panahon.
Nitong nakaraang linggo lamang ay dumalaw muli ang panaginip na ito.
Kung mapapansin niyo po sa aking noise.cash account ay nagpopost po ako tungkol sa dagat, ito ay dahil ang bahay namin dito sa Maynila ay napakalapit rin sa karagatan.
Kapitbahay ko "May tsunami, may tsunami!" Sa ginagawa ko ay bigla akong napatigil at hinanap ang aking mga anak. Umakyat kami sa ikatlong palapag at doon ay nanalangin na nawa ay di umabit ang taas ng tubig sa palapag na kinaroroonan namin. Itinali ko sa katawan ng anak ko ang mga galon na naipon ko sa pagtitinda, ito ay ang galon ng ketsup. Mahigpit na mahigpit upang masiguradong sila ay hindi lulubog anuman ang mangyari. Habang papalapit ang malaking alon ay nakaramdam muli ako ng paninikip ng dibdib at panginginig ng tuhod, ngunit sa panahong ito ay nilalabanan ko dahil sa mga anak ko. Humampas ang malakas na alon at kitang kita ko ang mga anak ko lumalaban habang ang alon ay nilalamon kami.
Sa muli ay nagising akong malakas ang pintig puso at puno ng takot at kaba.
Dito ko na po tatapusin ang pagsasalaysay sa aking karanasan patungkol sa aking panaginip.
Hindi ko po alam kung bakit ko ito napapanaginipan, ngunit ayon sa paliwanag. Ang tubig na malinaw sa panaginip ay nagrerepresenta sa biyayang parating, hindi ko lang malaman kung bakit ganun ang uri ng panaginip na merun ako. Naiiyak ako dahil kung biyaya man ito bakit sa masamang panaginip ko nakikita.
Hindi ko pa rin maintindihan at hanggang ngayon ay ang mama ko pa rin ang nakakaalam nito.
Sa tuwing natutulog ako ay pinagdarasal ko ang mga bagay at pagpapala sa aking buhay, at pinapanalangin na hindi ko na mapanaginipan ang pangyayaring ito.
Sa totoo lang po, ako ay may takot sa malakas na ulan. Ramdam ko dkn kung paparating na ang pagbuhos nito dahil naririnig ko ang paparating at papalakas na bagsak ng ulan.
Hanggang ngayon ay naghahanap pa rin ako ng kasagutan sa...
HIWAGA NG AKING PANAGINIP
Paunawa: Ang artikulong ito ay hango sa tunay na naranasan ko patungkol sa aking paniginip at hindi kathang isip lamang.
Ako man ay naghahanap ng kasagutan at paliwanag at nagdarasal na hindi na muling mapanaginipan ang bagay na ito.
Maraming salamat po sa inyong masugid na pagbabasa.
Lead image taken from: https://www.pinterest.com/pin/330099847667311460/
Edited at PicsArt
Date Published: October 1, 2021
( 5th Article )
Your's Truly,
QueencessBCH
Sis pareho tayo, laging kalamidad at tungkol sa tubig napapanaginipan kong sakuna. I don't know pero parang totoong totoo minsan e. Pray nalang tayo na sana hindi magkatotoo. May awa ang diyos.