Inaamin ko gustong gusto kita at alam mo yon. Pero hindi ibig sabihin na magmamakaawa akong gustuhin mo din ako. Pero ginawa mo. Isang araw nagising nalang ako na mahal mo na din pala ako. Araw araw kasama kita. Sa paggising. Sa pagkain. Sa pagtulog. Napakaraming ala-ala na ating nabuo. Masasaya. Malulungkot. Nakakatawa. Nakakaiyak.
Andyan ka nung mga araw na lugmok na lugmok ako. Yung mga araw na halos pasan ko na ang mundo, tinulungan mo ko. Di mo hinayaang maging malungkot ako mag isa. Ikaw yung nagsilbing saya ko nung mga araw na akala ko wala ng isasaya ang buhay ko.
Sinabi ko sayo na wag mo kong sanayin sa lahat ng bagay, pero ginawa mo pa din kasi sabi mo ako na ang mundo mo. Pero kailan pa naging mundo ang isang tao? Gusto kitang pigilan, kaso malakas ka. Nagawa mo pa ding sanayin ako, at nagpasanay naman ako sa lahat ng ginagawa mo.
Ang saya ko. Ang saya ko na ikaw yung kasama ko sa araw araw. Ang saya ko kasi sayo ko nababahagi lahat ng saya at mga bagay na naaabot ko sa buhay. Ang saya ko na ipinangako ko na sa sarili ko at ipinagdasal ko na sa Diyos na ikaw na ang makakasama ko sa habang buhay.
Hanggang isang araw nagising ako. Wala ka na sa tabi ko. Hinanap kita. Sinubukan kong tawagan ka. Nag iwan ko ng mga mensahe sayo. Pero wala akong natanggap na sagot. Di ko alam kung anong nangyari. May nagawa ba ko? May kulang ba sakin? Hindi ko na alam. Nasanay ako. Nasanay ako na sa bawat paggising ko andyan ka sa tabi ko. Nasanay ako na sa tuwing pag uwi ko, andyan ka sasalubong sakin. Nasanay ako na ako lang ang mahal mo.
At dumating na ang pinakakinatatakutan ko. Ang makita kang masaya sa iba. Hindi na ako ang mahal mo. Sa iba mo na ginagawa yung mga bagay na dapat sa akin lang. Siya na ba ang bagong mundo mo? Gusto kong umiyak. Gusto kong magwala. Pero di ko magawa. Gustong gusto kita pero hindi mo na kailangan na mahalin ulit ako. Masaya ka na sa iba.
Hayaan mo nalang akong mahalin ka, hanggang isang araw hindi na.
Hayaan mo nalang akong ipadama sayo na mahal kita, hanggang isang araw wala na.
Hayaan mong titigan kita, kahit sa malayo. Hayaan mong tingnan kita gaya ng mga maningning na bituin sa langit. Hayaan mong tingnan kita kahit masakit. Hayaan mong tingnan kita, hanggang isang araw kaya na kitang titigan ng walang nararamdaman.
Hayaan mo kong mahalin ka, hanggang isang araw tuluyan ko ng masabi na tama na. Hindi na.
Mapanakit 🤧