Unang bahagi: Si Pepe at Maria Noon vs. Si Pepe at Maria Ngayon
Mga Laro ni Pepe at Maria "Noon".
Habol Habulan. Nakapandaya ka din ba sa larong ito noon? Yun bang kapag alam mo na malapit ka nang abutan eh biglang sisigaw ng "TAYMPERS!".
Hindi ko na ipapaliwanag ang larong ito dahil malalalaman nyo na din naman ang ibig sabihin sa tawag pa lang.
Agawan Base (o Sugud Suguran). Sa larong ito, mayroong dalawang grupo ng mga manlalaro na may parehong bilang. Ang bawat isang grupo ay may nakatalagang base o kampo. Simple lamang ang konsepto ng larong ito. Susubukan ng magkabilang grupo na maagaw ang base ng kabila sa pamamagitan ng unti unting pagbihag sa mga miyembro ng grupo hanggang sa kakaunti na ang nagbabantay. Kung sinong unang makaagaw ng base ng kalaban ang syang panalo.
Patintero.
Isa ito sa paborito naming laruin noon kapag maliwanag ang bwan. Kahit sino ay welcome sumali.
Karaniwang ginagamit namin ay tubig upang makagawa ng anim na parihabang kahon (tatlo sa bawat gilid). Ang bawag linya ay may nakatalagang isang bantay.
Binubuo ang larong ito ng dalawang grupo na may limang miyembro ang bawat isa. Ang isang grupo ang magsisilbing taya habang ang kabilang grupo naman ay susubok na makatawid sa bawat kahon pabalik sa starting point.
Kapag may isang na-tag o nataya mula sa grupo ng tumatawid, sila naman ang magiging bantay.
Luksong Tinik.
Ang larong ito ay nangangailangan ng hindi bababa sa tatlong manlalaro. Dalawa ang magsisilbing taya na syang gagawa ng tinik. Sa unang round ng laro, pagdirikitin ng dalawang manlalaro ang kanilang mga talampakan upang magsilbing tinik. Magsisimulang tumalon ang nalalabing manlalaro. Kapag lahat ay nakatalon nang hindi nasasagi ang tinik, daragdagan ng mga taya ang tinik sa pamamagitan ng pagpapatong ng kanilang mga kamay.
Luksong Baka.
Ito ang pinakaayaw kong laro noon. Hindi dahil sa hindi ko kayang tumalon kundi natatakot akong maging taya. Dahil sa larong ito, ang taya ang magsisilbing baka habang ang natitirang manlalaro naman ang susubukang tumalon sa likuran ng "baka" o taya. Habang walang natataya, pataas ng pataas (tumutuwid) ang tindig ng taya.
Tumbang Preso. Tinatawag din namin itong Tumba Lata. ito ay nilalaro sa pamamagitan ng pagpapatumba sa lata gamit ang tsinelas. May isang nakatalagang bantay na syang magtatayo sa lata kapag ito ay napatumba.
Oras na may makapagpatumba sa lata (preso) mag-uunahan ang mga manlalaro upang kunin ang kanilang mga tsinelas. Kung sino ang mahuhuli ng tagabantay sa lata ang sya namang susunod na taya (bantay).
Mga Laro ni Pepe at Maria "Ngayon".
Kalimitan sa mga nilalaro ng mga bata ngayon ay mga indoor games na o mga laro na pwedeng laruin sa loob ng bahay. Pinakapopular ang mobile games. Ilan sa mga popular na nilalaro online ay ang Mobile Legends, Roblox, MineCraft, LOL, Clash of Clan, at marami pang iba. Bago pa man ang pandemic, bihira na akong makakita ng mga batang naglalaro sa labas katulad ng mga nilalaro noon.
Unti unti nang namamatay ang ating mga tradisyong laro. Isa ito sa nakakalungkot na katotohanan para sa mga magulang na katulad ko lalo na nung dumating ang pandemic at pinagbawalan ang mga bata na makalabas. Nalimitahan ang kanilang aktibidad sa loob ng kani-kanilang mga bahay.
Respeto ni Pepe at Maria sa Nakakatanda "Noon".
Minulat ako ng aking mga magulang na sa kahit na sinong kausap ko na nakatatanda sa akin, palagi akong gagamit ng "PO" at "OPO". Bukod pa ito sa pagmamano sa mga nakakatanda. Naalala ko pa nga ang tula namin noon sa paaralan.
Ang Po at Opo
Ang bilin sa akin ng ama't ina ko
Maging magalin, mangungupo ako
Pag kinakausap ng matandang tao
Sa lahat ng lugar, sa lahat ng dako
Pag ang kausap ko ay matanda sa akin
Na dapat igalang at dapat Pupuin
Natutuwa ako na bigkas bigkasin
Ang po ang upo ng buong paggiliw
Maging sa paaralan, labis ang respeto na aming pinapakita noon sa aming mga guro. Kapag sila ay aming nakasalubong sa daan, kailangan naming yumuko bilang sign ng pagbati at kailangan namin gumilid upang sila ay bigyan ng daan. Binibitbit din namin ang mga gamit na dala dala ng aming mga guro noon sa tuwing sila ay aming makakasalubong sa daan.
Respeto ni Pepe at Maria sa Nakakatanda "Ngayon".
Disclaimer: Hindi ko po nilalahat. Batid ko na may mga kabataan o bata ngayon ay labis pa din ang pinapakitang respeto sa mga nakakatanda subalit marami din sa kanila ang nakakalimutan na paggalang.
Hindi ko mawari pero karamihan sa mga bata ngayon, nakakalimutan nang gumamit ng PO at OPO. Minsan, akala mo ang kausap nila ay kapareho lang din nilang bata kahit na ito ay mas nakakatanda sa kanila.
Pagdating sa paaralan, maraming mga mag-aaral ngayon ang matatapang pa sa kanilang guro. Wala na ang nakagawian na yuyuko kapag may kasalubong na guro bilang pagbati o kaya naman ay tutulungan sila sa pagbitbit ng mga gamit. Kapag nakasalubong sa daan, ang iba deadma lalo na kapag hindi nila kilala ang guro.
Baon ni Pepe at Maria Noon vs. Baon ni Pepe at Maria ngayon
Noon, pumapasok kami sa paaralan kahit walang baon. Nagtitiis na maglakad ng ilang kilometro dahil wala din namang masasakyan noon at kung meron man, walang pampamasahe.
Ngayon, (hindi ko po nilalahat)
karamihan sa mga kabataan ngayon, hindi papasok kapag walang baon.
Ikaw? Base sa mga obserbasyon mo? Ano na si Pepe at Maria ngayon? Sila pa din ba sina Pepe at Maria noon?
Tama po laki po ng difference noon at ngayon Lalo na sa mga Kari... Halos Wala ka nakikitang bata sa labas.. kahit before pa nga po pandemic... Nakakalungkot lang po.. tapos Yung ugali ng mga bata ngayon feeling entitled at konting hirap lang naranasan rereklamo na.. tho Hindi naman po lahat pero halos lahat na