"Sakripisyo para sa kinabukasan"
In all honesty, hindi talaga ako masaya ngayon. Sooner or later aalis na kasi siya, iiwan na nya kami. Well hindi naman literal na iiwan nya kami, kasi aalis lang naman siya para magtrabaho, hindi para mangapitbahay. Alam ko naman na kailangan talaga naming magsakrepisyo, pero hindi ko lang maiwasang malungkot. Hindi ko naman maipakita yung lungkot ko sa kanya dahil sabi nya, nahihirapan siyang magpatuloy sa pag-aasekaso ng mga requirements nya, dahil sa lungkot na pinapakita ko. Kaya pinipilit ko nalang na umastang hindi apektado. Ayoko naman na dahil sakin hindi na nya maaabot mga pangarap nya, madami pa naman siyang gustong gawin sa buhay.
Kung sana maayos lang magpasahod ang Pilipinas, at hindi masyadong mataas ang demand at standard, eh di sana hindi na siya aalis, hindi na kami aalis ng bansa. Kaso wala eh, we really need to. Kasi kung mananatili kami dito baka sama-sama lang din kaming mahihirapan. Oo, aalis din ako pero hindi pa ngayon.
Hindi siya sanay na walang pera, I mean yung sistemang tinipid? Ayaw nya na lagi nalang iisipin yung panggastos bukas or sa mga susunod na araw, kasi yung budget namin konti lang. Sapat naman pero hindi naman kami nakakapag-ipon. Yung anak nga namin di manlang namin maigala kasi pamasahi palang dolyar na. Nailalabas ko lang siya kung may importante akong sadya sa labas,pag wala dito lang talaga kami sa loob ng village namin.
May mga kailangan kaming bilhin para sa bahay , pero hindi namin mabili. Yung sahod nya, sapat lang pambayad sa bills, pangkain at panggastos sa araw araw namin. Nakakatakot pa pag may emergency tapos wala kang pera kaya wala kang choice kundi mangutang. Ayaw nya ng ganun, ayaw ko din naman, lalo na at hindi ako mahilig manghiram/mangutang.
Nalulungkot ako na aalis siya, hindi lang para sakin, kundi para din sa anak namin. Pakiramdam ko nga ramdam nyang malalayo Papa nya sa kanya, dahil madalas lagi nyang hinahanap Papa nya. Pag nakakarinig nga siya ng tunog ng motor na kasing tunog ng motor ng papa nya, bigla nalang siyang tatahimik at makikiramdam, sabay sambit ng Papa! na parang excited kasi anjan na papa nya, kahit wala pa naman.
Tapos kapag gabi na, lagi siyang naghihintay sa pagdating ng Papa nya, hindi yan matutulog hangga't hindi pa nadating Papa nya. Pag nakita na nya yung ilaw ng motor mula sa bintana namin, tatakbo na siya agad sa harap ng pinto. Magsasalita, kahit di namin maintindihan, kaya pagbubuksan ko nalang at tuwang tuwa siya pag nakikita na nya Papa nya, sasalubongin na nya agad at magpapakarga. Kapag nakita naman nyang aalis papa nya iiyak talaga siya, kasi maiiwan na naman siya.
Ang sakit makitang umiiyak anak ko. Ayaw nya na aalis Papa nya kahit di naman siya madalas pinapansin nun, kasi laging busy sa cellphone. Pero kahit ganun, makatabi lang niya at makita lang nya Papa nya, masaya na siya. Pero ngayong lalayo Papa nya, hindi ko alam kung anong magiging reaksyon nya. Baka gabi gabi na lang hihintayin nya Papa nya sa harap ng pinto.😭.
Haaayyy ano ba yan sobrang nalulungkot naman ako ngayon. Parang eng-ing na umiiyak habang nagtatype😅. Mas masakit pa pala to kesa sa break up. Pag anak na yung pinag uusapan nakakadurog talaga ng puso 😫.
Sa ngayon, nalulungkot talaga ako, malapit na kasi. Ewan ko ba, sa simula palang naman alam ko ng ganito magiging sistema namin. Siguro nalulungkot lang ako dahil sa tugtog ng kapitbahay namin, ang lungkot kasi,charrrr😅.
Pero aprubado na din kasi yung biometric nya, may visa na nga siya eh. Baka sa susunod na araw o linggo pepirma na siya ng kontrata at pagkatapos nun, flight na. Aalis na siya, parang dinudurog ang puso ko tuwing iisipin kong kami nalang ng anak ko matitira sa bahay na to.
Sa totoo lang kahit lagi kaming nag aaway, mas gusto ko pa din na kasama ko siya, na kasama namin siya, pero hindi pwede eh. Kailangan talaga naming magsakrepisyo. Matagal tagal na din siyang nagtatyaga at nagsisikap na kumita ng sapat para sa panggastos namin pero wala, kulang pa din eh. Ni hindi manlang kami nakakapag ipon.
Kung sana lang talaga, mataas ang sahod ng bansa natin, wala na sanang mag aabroad.
Kung, sapat lang sana.....
Message;
Hello to my non-Filipino readers. I would apologize if I made a Tagalog article today, my brain is not cooperating as my emotion is preoccupying my whole system and so I might publish an English article tomorrow.
Thank you for dropping by.
Larawang ginamit mula sa Unsplash.com
Kung sana lang maayos magpasweldobang Pinas, nuh? Binabalak ko din mag-abroad pero iniisip ko din anak ko. Ayoko din masanay siya lalo na wala ako.