October 21, 2021. Huwebes.
Makikita mo talaga ang mga tao na totoo sa iyo kapag nasa oras ka ng kagipitan.
Nasa hospital po ang Ate ko ngayon at hindi ko po muna sasabihin ang dahilan kung bakit pero hindi po ito tungkol sa Covid. Kagabi pa sya dinala sa hospital at ngayon ay nandoon pa rin at wala pa kaming update sa kanya. Sa public hospital lang namin sya dinala dahil hindi namin kaya ang mga mamahaling hospital o private hospital. Simula kagabi ay hindi na kami lahat mapakali at balisa kaming lahat ng nandito sa bahay. Ang mama ko naman at ang ka-live in partner ng Ate ko ay ang nagdala sa kanya sa hospital pero hanggang hatid lang ang nagawa nila at hindi na sila pinapasok sa mismong loob hospital dahil bawal daw ito ngayon. Nasa labas lang sila ng hospital ang nag iintay ng update kung ano na ba ang lagay ng kapatid ko. Dinala daw sila sa malapit na school at konting lakad lang mula sa hospital. Doon daw talaga dinadala ang mga pamilya ng nag iintay sa pasyente na nasa hospital.
Pero lumipas na ang ilang oras at mag iisang araw ng nasa loob ng hospital ang aking kapatid ay hanggang ngayon ay wala pa ring update na sinasabi sa amin. Kaya kami ay alalang alala na. Ito lang talaga ang hindi maganda sa mga pampublikong hospital porket libre ang serbisyo ay hindi ka talaga aasikasuhin kaagad. Kagabi ay sinabi ng mama ko ng vinideo call namin sya na noong pinasok daw nila sa loob ng hospital ay hindi daw agad inasikaso ang kapatid ko at pinaupo lang ito sa isang bangko doon at pinalabas na daw agad sila mama at ang kalive in partner ng ate ko. Magmula noon ay wala na kaming naging update sa kapatid ko at ako ay gustong gusto ko na pumunta sa hospital at samahan ang aking ina pero hindi pa pwede sa ngayon.
Tumawag kami sa ilan naming mga kamag anak at nanghihingi ng tulong para magkaroon ng update sa aking kapatid dahil meron akong isang tito na may kakilala na nagtatrabaho sa loob ng hospital na iyun pero nitong tinawagan namin sila kanina ay wala daw silang magagawa kung wala pang update dahil ganoon daw talaga katagal iyun. Ha, talaga ba? Bigla akong nalungkot ng iyun ang sinagot nila. Samantalang sila kapag nasa hospital ay halos karamihan doon ay sinasabi nilang kakilala nila tapos ngayon ay sasabihin nilang kahit kumontack sila ng kakilala nila doon ay walang magagawa. Sa totoo lang kapag ang ibang myembro ng pamilya ang nangangailan ng tulong ay walang ano ano ay tinutulungan namin sila kahit pa marami din kaming ginagawa dahil pamilya namin sila at ang pamilya ay nagtutulungan talaga, kahit nga malayong kamag anak ay hindi kami nagdadalawang isip na tulungan pero bakit ganun pagdating samin ay naiiba na? Kapag kami na ang nangangailangan ng tulong ay parang hirap na hirap sila ibigay ang tulong na aming kailangan. Sa totoo ay hindi naman ganun kalaking tulong ang hinihingi naming pabor sa kanila ang gusto lang naman sana namin ay humingi ng number ng kakilala nilang trabahador sa loob ng hospital upang matawagan namin at makamusta ang lagay ng aking kapatid.
Kaya eto kami ngayon naglakad lakad upang puntahan ang isang kakilala ng lolo ko na noon na nagtatrabaho sa nasabing hospital, hindi kami sigurado kung doon pa ding hospital sya nagtatrabaho pero sumugal pa rin kami mapuntahan sya upang makahingi ng kaunting tulong. Hindi na din kasi mapalagay ang mama at lola ko dahil halos mag iisang buong araw ng wala kaming balita sa kapatid ko at ang doctor nya hindi rin kami inuupdate. Ng makarating kami sa bahay na kakilala ng lolo ko ay agad kaming nagpatao po at buti na lang talaga ay nandun sya sa bahay ng pumunta kami. Agad nya kaming pinatuloy sa kanyang bahay at tinanong kung anong kailangan namin at sinabi na nga namin, pagkatapos nyang marinig ay agad agad syang kumuha ng papel at ballpen at pinasulat ang pangalan ng kapatid ko at ang cellphone number. Tatawagan nya daw ang doctor nito pero baka hindi pa daw ngayon masagot dahil kailangan pa daw tawagan ang consultant bago matawagan ag Doctor. Hindi ko inaasahan na tutulungan nya kami kahit na hindi naman namin sya kaano ano at matagal na ng huli silang magkausap ng lolo ko pero tinulungan pa rin nya kami at sinabi pa nya na para mapanatag na kami at hindi na kami mag isip pa ng husto o mamroblema. Nakakatuwa lang na may mga gantong tao na willing tumulong kahit pa hindi naman nila kami kaano ano. Lubos ang naging pasasalamat ng lolo ko at pati na rin ako dahil sa kabutihan nya. Sana lang ay ganito lahat ng tao yung handang tumulong kahit pa hindi mo naman kamag anak. Ipinaliwanag nya rin sa amin ang ilang kalakaran sa loob ng nasabing hospital at naliwanagan kami. Ngayon ay kahit papaano ay panatag na kami ng pamilya ko.
Upang makatulong ako sa gastos ng ate ko sa hospital, gamot at pagkain ay na withdraw ko na ang halos lagpas sa kalahati ng kinita ko dito at sa noise. Nagtira lang ako ng konting konting halaga sa aking wallet at ang iba ay ibinahagi ko na sa kanila upang makatulong kahit papaano. Alam kong hindi ganoong kalaking halaga iyun pero makakatulong pa rin naman ito kahit papaano. Sana lang talaga magkaroon na kami ng update sa kalagayan ng kapatid ko para matahimik na ang aming mga isip.
At ito nga po bago ko matapos isulat ang artikulo na ito ay nakatanggap kami ng magandang balita at ayos na daw po ang kalagayan ng ate ko. Tumawag nga daw ang kakilala ng lolo ko sa hospital upang alamin ang lagay ng kapatid ko at nalaman namin na ayos na sya.
At hanggang dito na lang po muna. Hindi po talaga ako masyadong makapag focus sa lahat ng ginagawa ko dahil maya't maya ay nasa isip ko ang aking kapatid.
Maraming Salamat po sa mga nagbabasa ng Gawa ko.
At maraming maraming salamat din po sa aking mga sponsor sa walang sawang pagtitiwala sa akin.
Lead image source: Unsplash
Hope okay na ang ate mo... It's hard to expect from relatives kasi minsan, masasaktan lang tayo. Iniisip natin na sila ang tutulong pero madalas hindi. Although d ko nilalahat kasi okay namang mga relatives namin hehe