Buwan na ng Agosto ngayon at marami akong nakitang mga kwento sa wikang Filipino. Sabi ko sa sarili ko, "Bakit hindi?". Ayon nga kay Gat Jose Rizal, "Ang hindi magmahal sa sariling wika, mas higit pa sa mabaho at malansang isda"...
Subukan nating gamitin at pagyamanin ang wikang ito lalo na't "Buwan ng Wikang Pambansa". Huwag natin sayangin ang pinaghirapan ni Manuel L. Quezon..(Tsar..)
Tayo ay maglaba sa sapa dun sa ibaba
1998
Labing tatlong gulang ako nang pinagaral ako sa Calamba, Misamis Occidental ng aking mama. Kahihiwalay lang nila ni Papa nun kaya kelangan may magbabantay sa'kin habang nasa trabaho siya.
Mahirap ang tubig sa Calamba: minsan kailang maligo sa napakalamig na balon tuwing umaga, o di kaya ay magantay ng ulan at maligo sa naipong tubig na nasa banga. Kailangan mo ata magdasal sa sampung santo at mga poon para tumulo lang yung gripo. Hahay..
Bakasyon nun at napakainit. Tambak ang labada, makapal na rin ang ligad ng balat ko. Ligung-ligo na kami ng lola ko at ng kuya ko. Nataong nagbakasyon din yung ate ko at asawa nya. Medyo masaya dahil marami akong karamay sa pighati.
Napagpasyahan ni Mama Pacing, ang lola ko (sumalangit nawa) na maglaba sa sapa.
Dun ko nakita kung gaano kalakas ang lola ko. Dala-dala nya ang isang balde ng maruruming damit, may nakapatong pang batya sa ulo nya. Puno rin. Ako naman, dala-dala ko ang isang malaking balde ng mga damit ko. May dala din kaming sabon, "shampoo", at pagkain.
Medyo malayo ang sapa sa amin. Kailang maglakad ng isang kilometro papunta sa lupa ni lola at mga ilang metro pa pababa ng sapa. Isa sa mga ayoko papunta sa lote ng lola ko ay ang puno na may hantik-natatakot ako sa malakaking langgam. Para kasi mahuhulog sila anumang oras. At yung bahay na abandonado. Tumatayo ang mga balahibo ko sa tuwing dumadaan kami.
Isa yata to sa pinakamahirap na karanasan ko- ang magbitbit ng balde habang may batya sa ulo. Mabigat ang dala ko, madulas dulas pa yung daan pababa. Pawis na pawis at init na init na ako.
"Ano ba, bakit ang bagal mo?", sabi ng lola ko.
"Ayan na po, hahabol ako", sagot ko habang hingal na hingal ako. Parang walang katapusan ang paglakad namin. Samantalang ang lola ko'y parang walang kahirap-hirap.
Sa wakas ay dumating na kami sa sapa. Ang ganda nya. Marami syang puno sa paligid, malamig, malinaw ang tubig, at maraming bato na pwedeng upuan at paglabhan. Kaya lang takot ako sa linta, sumisipsip daw kasi ng dugo at nanganganak sa loob ng katawan. Doon ako pumwesto sa medyo malakas na ragasa ng tubig para walang linta.
Ang hirap maglaba kasi madulas-dulas yung tubig ng sapa. Swerte nga lang at kami lang ang naroroon nung oras na'yun.
Dumating kami mga bandang 1:00 ng hapon sa sapa. Kaya kumain muna kami ng baon naming pinirito, kanin, at buko pantawid-uhaw. At nagsimula na ang giyera laban sa maraming labada pagkatapos.
Kuskos dito, kuskos doon. Pagkatapos ay tinatapon ko lang sa tubig yung damit at may taga-salo naman dun sa bandang dulo. Lumangoy ako sa bandang malalim nang matapos na kami. Kaya lang, wala akong dalang pamalit na damit. Ginaw na ginaw na'ko kaya laking tuwa ko nang pauwi na kami.
Bitbit ang aking balde at batya, umakyat na kami ng burol. Halos mawalan ako ng hininga sa init at pagod. Nanginginig ang mga kalamnan ko sa bigat ng aking dala. At doon ko napagtanto kung gaano kahirap buhay sa bukid, at kung gaano kahalaga ang tubig.
Nakauwi din kami sa wakas matapos ang ilang dekada ng paglalakad. Kaya lang, pawisan at madumi na'ko paguwi. Nangangamoy na uli ang kili-kili ko. Tsk, naligo pa'ko?
Sa sapa ng Agusan- isang lihim ang nabunyag
Siyam na taong gulang ako nang pumunta kami sa Agusan del Sur. Doon kasi nagaaral ang kapatid ko at gusto namin sya'ng bisitahin ni Mama. Medyo malayo siya sa Iligan, kaya umaga pa lang ay humayo na kami. Ilang oras din ang byahe. Wala pang mga selpon nun at bagot na bagot na'ko. Buti na lang bumili si Mama ng maraming itlog kaya kain lang ako ng kain at utot ng utot. (Pasensya na po).
Sa pagkakaalala ko, malapit kami sa Agusan River, ang pinakamahabang ilog sa Agusan.
Nang dumating ako, di ko alam kung maganda ako dahil totoong maganda ako o dahil bagong salta lang ako kaya maraming may "crush" sa'kin. At sa lahat ng nagkagusto ay ang dalawang magkapatid na sina Glen at Alvin.
Si Glen ay medyo maliit, pero simpatiko at mukhang laging nakangiti. Si Alvin naman ang kuya, matangkad, maputi, at mukhang pilyo.
Masaya ang bakasyon ko doon, di nga ako nakonsensya na lumiban ako sa klase. Naglalaro kami ng patintero, taguan, tumbang preso, at kung anu-ano pa. Lagi din ako'ng pinapasyal sa ibang bahagi ng pook ng mga bago kong kaibigan.
BABALA: Huwag basahin habang kumakain o kung mahina ang iyo'ng sikmura
Isang araw, sumasakit ang tiyan ko.
"Ma, kailangan ko magbawas", sabi ko sa mama ko habang himas-himas ko ang aking tiyan.
"Doon ata sa likod ang palikuran", ang sagot naman nya.
Pumunta ako sa bandang likod ng bahay dala ang aking tabo. Kaya lang, nakita ko ang tiyahin ko galing doon. Bukas ang palikuran nila, hindi siya nag "flush" at iba-iba na ang kulay ng "ano"...
"Yak, kadiri"..
"Ma, masakit na talaga tiyan ko, di ko na kaya"..
"Maligo tayo sa ilog", suhestiyon ni Mama.
Ilang metro lang ang layo ng ilog sa bahay ni Antie Marilou. Ang tulin ng lakad ko, di ko alintana ang mga nakasalubong ko pababa. Dali-dali ako'ng lumusong sa ilog.
"Doon ka sa bandang malalim", payo ni Mama
"Huwag ka pahalata", dagdag pa nya.
Maraming mga bangka ang tumatawid sa ilog, pero wala nako'ng pakialam.
"Heto na...hmmmm" Maluha-luha at nanginginig pako habang umiire..Wala akong narinig na ingay galing, kumbaga swabe ang paglabas "nya"..
"Sulit to, wala nang buhos-buhos", kabadong sambit ko.
Nang bigla na lang may kumakalabit sa mga hita ko.
"Hala, sumabit ata", sabi ko..
Nang bigla na lang lumutang si Alvin, laking gulat ko...
Patay-malisya lang ako at pilit na ngumiti.
"Ano'ng ginawa mo?", tanong ko sa kanya.
"Sumisid!", pangiting sabi nya.
Di nya nakita yung "ano" ko. Tiyak na malaki yun, ah, lumubog ata.
"Bahala na", dasal ko.
Tawang-tawa naman ang mama ko nung malaman nya ang nangyari.
Sana di nagmura nung nakakita ng "ano" ko kung san man sya umabot.
**********************************************************
I am not sure if you'll like this but I hope I made you laugh in some way.
To my visitors and co-authors: Thanks for your time. I'd love to hear any comment, suggestions, or feedback. I'll appreciate your generosity as well.
To my lovely and generous sponsors: THANK YOU AS ALWAYS!
**All images are from Unsplash.com
Have a great week!
Cheers!
-- I'll strive hard to do better.
Ganun din kami noon sa ilog naglalaba yung tipong pagod na sa paglalakad tapos marami pang bitbit parang pagdating mo doon wala ka ng lakas maglaba..buti pa si lola ang lakas naman niya..Mahirap noon manu-mano ang lahat.