Panatang Isinumpa
Ni: Ely Ver Romantico (imzwis)
BULPRISA 2019: Spoken Poetry Silver Medal (Official Piece)
Nauuhaw ako
Nauuhaw ako sa bawat patak ng pang-unawa
Nauuhaw sa bawat kabataan at mamamayan na may pagmamahal sa bansa.
Minsan talaga mapapaisip ka na lang
Mapapatanong…
Mga bayani ay nagbuwis ng buhay ngunit para kanino at para saan?
Para sa ating mga kabataan na walang pakealam?
Para ba sa ating mga kabataan na duwag sa pananagutan?
Tama ba na kanilang dugo ay dumanak para sa bayan?
O isa itong malaking kahangalan?
Anong silbi ng kanilang paglaban?
Kung tayo mismo ang mga taksil at salarin na humuhukay
sa libingan ng sarili nating kasarinlan at kalayaan.
Nasaan ang bayan aming pinagbuwisan?
Ako si Rizal, sa malungkot na hakbang patungo sa Bagong Bayan.
Sa sandaling hinarap ko ang araw at ang katawan ay yumakap sa lupang sinilangan.
Ako si Bonifacio na sa bayan ay buong katapatang nagtanggol alangalang sa kasarinlan.
Ako si Del Pilar, ang batang heneral na sa murang edad ay humarap sa mananakop ng buong katapangan at walang halong pag-aalinlangan.
Ako si Rajid Bulig, sa trahedya ng Bocaue
Sa tawag ng pangangailangan ay lumusong sa tubig na putikan at iniligtas ang nalulunod kong kababayan.
Kapalit man nito ang sarili kong buhay at tuluyang mahimlay doon sa karimlan.
Sila ang patunay na sa kabayaniha’y walang edad.
Hindi mon a kailanagan pang humawak ng sandata at armas.
‘Pagkat sa simpleng pagtulong, kabayaniha’y mababakas.
Ako ay isang kabataan,
isang bagong bayani ng bayan.
Isang kabataan na mulat ang isipan
Isang kabataan na may pagmamahal sa kalikasan
Isang kabataan na malasakit sa kapuwa.
Subalit ako’y pinanghinaan ng loob
Ako ay nalungkot at ang aking hinagpis ay walang pagsidlan.
Tayo ay hindi pinalad sa panibagong henerasyon ng kabataan.
Isang henerasyon… na ang pagtulong ay kasalanan Isang henerasyon…
na ang malasakit ay kaplastikan
Isang henrasyon… na wala kang halaga kung hindi ka kailangan
At kahit pa para sayo sila ay kaibigan
Hindi ka pa rin nila ibibilang sa kanilang samahan
kung maling gawi nila ay ‘di mo magawang sakyan.
Tama nga ang sinabi ng heneral na si Luna,
Tayo ay may mas matinding kaaway higit sa mga dayuhan, ang ating sarili!
Ang kabayanihan ay isang pananagutang panlipunan.
Ito ay isang panata at sumpa.
Ito ay isang panata na kay hirap tupdin at isagawa
Sa isang mundong isinumpa na puno ng matang mapanghusga.
Ito ay isang panata na nagpapakita ng malasakit sa kapuwa
Subalit ito’y sumpa na sa atin ay nagtuturo na mawalan ng pakealam sa sarili.
Ito’y isang panata na kay hirap ipakita at ipaunawa
Sa mga taong iba ang paniniwala
Mga tao na nahihirapan na sa tuktok ay bumaba.
Ito’y isang panata na sa kabila ng panghuhusga ng iba
ay kailangan pa rin natin ipagpatuloy.
Ipagpatuloy,
‘pagkat ito ang patunay ng iyong kabayanihan at pananagutan sa bansa.
Bansa na siyang iyong sinilangan, pinagmulan at kinalakihan.
Kabataan, tumayo ka at kumilos,
magmahal at magmalasakit ng walang halong pag-aalinlangan.
Kabataan, tumayo ka at kumilos,
tumulong ng walng hinihintay na kapalit.
Huwag mong intindihin ang sasabihing masama ng iba.
Ito ang iyong tungkulin sa iyong Diyos at bayan
At sa ganitong paraan mo lamang maipapakita
ang tunay na kabayanihan at totoong kahulugan ng pananagutang panlipunan.
Mangyaring magkomento at mag-subscribe lamang kung inyong nagustuhan.
Maraming salamat mga anak ng bayan.
Kayganda..