Kalayaan sa Pag-ibig

5 29
Avatar for fredyzza07
3 years ago
Medyo mahaba-haba po siya. Sana pagtiyagaan nyong basahin.😊

Lahat ng tao ay may kakayahang magmahal. Napakasarap sa pakiramdam na may mahal ka at alam mong mahal ka rin. Ngunit paano kung ang pagmamahal na iyon ang maging dahilan para masugatan ang iyong puso? Mananatili ka pa rin ba o hayaan mo na lang naawala sayo ang taong mahal mo? Kakapit ka pa rin ba sa kanyang mga walang hanggang pangako?

Ang pag-ibig ay hindi nasusukat sa tagal ng panahon. Minsan kahit umabot na ng walo o sampung taon ang isang relasyon ay may posibilidad pa rin itong mabuwag. Tulad na lang sa nangyari sa aking kwentong pag-ibig.

Ikaapat na taon ng sekondarya noong una kong sinagot si Louie. Magkaklase kami noon pero magkaibang seksyon. Noong una, naging matalik kaming magkaibigan hanggang nagkahulugan ng loob. Sa paaralan, kilala siya bilang pasaway na estudyante at lapitin ng mga babae samantalang ako ay tahimik. Kaya laking gulat ng mga kaklase ko pati ang mga guru namin nung nalaman nila na kami na. Noong unang anim na buwan ng aming relasyon ay naging mabuti ang takbo nito. Hanggang isang araw ay kinausap ako ng kaklase kong bakla. Nakiusap siya sa akin habang umiiyak na hiwalayan ko si Louie dahil mahal niya raw ito. Lingid pala sa aking kaalaman ay naging sila pala noong nililigawan pa ako ni Louie. Nagulat ako sa nangyari kaya napagpasyahan ko na hiwalayan siya. Isang araw kinausap ako ng auntie niya na naging guru ko noong elementarya. Nakiusap siya na balikan ko si Louie dahil hihinto daw ito sa pag-aaral kung hindi kami magkabalikan. Isang buwan na lang bago ang graduation namin noong hiniwalayan ko si Louie. Naisip ko na baka ako ang sisihin ng pamilya niya kung hindi siya makapagtapos ng high school kaya nakipagbalikan na lang ako sa kanya. Bumalik sa normal ang relasyon namin. Sabay kaming nakapagtapos at pinakilala niya ako sa kapatid niya nung graduation day.

Isang linggo pagkatapos ng aming graduation ay nagpaalam siya na pupunta siya ng Maynila dahil gusto ng mama niya na doon siya mag-aaral ng college. Ito ang unang beses na magkalayo kami sa isa't-isa. Pumayag ako dahil wala naman akong magagawa. Hanggang isang buwan ay ako naman ang pumunta ng Cebu para magtrabaho. Kahit ganun ang naging set up namin ay hindi pa rin nawawala ang aming kumunikasyon. Araw-araw pa rin kaming nagtatawagan. Lumipas ang mga araw, buwan at naging taon ay naging ganun pa rin ang sitwasyon namin. Minsan lang kami nagkikita. Minsan dalawang beses sa isang taon o di kaya'y isang beses lang sa isang taon. Gayun paman, nananatili pa ring matatag ang aming relasyon. Minsan nagkakaroon ng mga hindi pagkakaintindihan pero hindi namin tinatapos ang araw na hindi kami magkakabati. Ang dami na naming pangarap na nabuo at mga pangako sa isa't-isa.

Lumipas ang limang taon. Ganun pa rin ang sitwasyon namin. Malayo sa isa't-isa. Tapos na siyang mag-aral ng koliheyo ng panahon na iyon. Nagtatrabaho na siya samantalang ako ay kakasimula pa lang sa pag-aaral ng college. Sinusuportahan naman niya ako at hindi ko yon pinaalam sa pamilya ko. Hindi pa kasi siya tanggap ng pamilya ko nung panahon na iyon. Isang gabi habang kami ay nagtatawagan ay bigla siyang nagpropose sa akin. Nagulat ako pero syempre sumagot ako ng "Oo". Sobrang saya ko nun. Sobra ko siyang mahal na parang sa kanya na lang umiikot mundo ko. Sabi niya na pag-uwi niya sa probinsya namin ay ibibigay na niya ang singsing at pag natapos na ako sa pag-aaral ay magpapakasal na kami. Nagpatuloy ang mga araw na masaya kami kahit malayo sa isa't-isa.

Dumating ang ika-walong anibersaryo namin. Hindi ko nagawang bumati sa kanya dahil nagkaproblema ako sa pamilya ko. Nag-away kami ng kapatid ko at sobrang nalugmok ako sa araw na iyon dahil siya ang kinampihan ng mga tao sa bahay. Muntikan ko nang bawiin buhay ko noon pero naalala ko siya. Siya ang nagsilbing nagligtas sa buhay ko nung araw na sobrang dilim ng buhay ko. Kinaumagahan tinawagan ko siya at humingi ako ng tawad dahil hindi ko siya nabati sa mismong araw ng anibersaryo namin. Sinabi ko rin sa kanya ang dahilan ngunit nagalit siya. Nagulat ako dahil hindi siya dating ganun. Tuwing nagkakaproblema ako sa pamilya ko lagi siyang umunawa sa'kin. Mula non hindi na niya sinasagot mga tawag at text ko. Nag-iba na rin ugali niya. Nagalit ako at sinabihan ko siyang maghiwalay na lang kami. Pumayag naman siya nang walang anuman. Binawi ko ang sinabi ko dahil nadala lang ako sa galit at medyo magulo pa isipan ko dahil sa problema sa pamilya. Ngunit nanindigan na siya sa desisyon niya. Naisipan kong hayaan na lang muna siya at papalamigin ko muna ang sitwasyon namin. Dumating ang isang linggo at nagkabati naman na kami ngunit may napansin na akong kakaiba sa kanya. Sa tuwing tatawag ako ay palagi na siyang busy at kung sinasagot niya naman ang tawag ko ay palaging maingay ang kanyang paligid. Lumipas ang mga buwan na naging hindi na maganda ang aming relasyon. Palagi na lang kaming nag-aaway kahit sa mga maliit na bagay. Nagseselos na rin siya sa mga kaibigan ko.

Isang araw nagchat sa akin ang pinsan ko na kapitbahay ni Louie sa Manila. Tinanong niya ako kung kami pa ba. Nagpag-alaman niya na lumipat na si Louie sa ibang lugar at may kinakasama na raw ito. Nagulat talaga ako sa ibinalita ng pinsan ko. Akala ko nagbibiro lang siya kaya kinumpirma ko muna si Louie. Umamin naman siya. Ang malala pa ay nagdadalang tao na pala ang kinakasama niya at malapit na itong manganak. Parang gumuho ang mundo ko sa sobrang sakit. Hindi ko mailarawan ang nararamdaman ko. Parang nawalan ako ng lakas - nanghihina ako sa aking nalaman. Panay ang aking pag-iyak. Bumalik lahat sa isip ko ang lahat ng mga pinagdaanan namin. Ang lahat ng mga pangako at mga pangarap namin ay biglang naglaho na parang bula. Muntikan na akong hindi makapasa sa isang subject ko dahil hindi na ako pumapasok. Sa tuwing pumapasok naman ako ay parang wala ako sa sarili. Hindi ko na maintindihan ang mga tinuturo dahil palaging lumilipad ang isip ko. Nag-alala na ang mga kaibigan ko dahil hindi na ako lumalabas ng kwarto at palagi na lang umiiyak. Hindi na rin siya nagparamdam sa akin simula nung araw na umamin siya. Blinak niya ako sa Facebook. Ngunit sa kabila nun hinabol ko pa rin siya. Sa sobrang pagmamahal ko sa kanya, sinabi ko pang handa akong maging nanay sa anak niya basta bumalik lang siya sa akin. Alam kong naging tanga na ako sa ginawa ko pero binalewala ko yon. Ganun naman talaga siguro kapag sobrang mahal mo ang isang tao. Handa mong gawin lahat para sa kanya. Pumayag siya sa sinabi ko. Isang gabing pagkakamali lang daw ang nangyari sa kanila at hindi niya raw totoong mahal ang babae. Humingi siya ng tawad sa akin. Pinatawad ko naman siya kaya nagpatuloy ang relasyon namin.

Ngunit dumating ang isang araw na natauhan ako. Tila hindi pumayag ang Diyos na manatili ako sa maling landas. Naisip ko ang kapakanan ng kanilang anak. Kung ipagpatuloy ko ang aming relasyon, mawawalan ng pagkakataon ang kanilang anak na magkaroon ng buong pamilya. Galing din ako sa isang wasak na pamilya at alam ko ang pakiramdam na hindi buo ang pamilya. Kaya kahit sobrang sakit para sa akin ay pinili ko siyang hiwalayan. Hindi siya pumayag nung una pero wala na siyang magagawa. Buo na ang pasya ko. Kinuha niya akong ninang sa anak niya pero hindi ako pumayag. Ayoko nang magkaroon pa ng koneksyon sa kanya. Tinibayan ko na lang ang loob ko para magpatuloy sa buhay na hindi na siya kasama. Hindi naging madali ang proseso sa paglimot sa kanya. Pinaubaya ko sa Panginoon ang lahat ng sakit na naramdaman ko. Totoo pala ang sinabi nila na kapag pinaubaya mo sa Diyos ang lahat, tutulungan ka niyang makabangon.

Ngayon, masaya na ako sa pamilya ko at alam kong siya rin. Hindi nga siguro kami ang tinadhana para sa isa't-isa. Sadyang may mga tao talaga na pinagtagpo ngunit hindi itinadhana. Nagpapasalamat pa rin ako sa nangyari sa amin. Dahil dun marami akong natutunan pagdating sa isang relasyon.

Bago ko tapusin ang aking artikulo ay magpapasalamat muna ako sa mga taong nagbibigay inspirasyon para magpatuloy ako sa pagsulat. Unahin ko muna si @Zhyne06 sa pagtag sa akin para sumulat ng artikulo tungkol sa kalayaan. Salamat din sa pagpapalakas ng loob ko na magpatuloy sa pagsulat kahit hindi pa napapansin ni @TheRandomRewarder . Maraming salamat rin sa aking sponsor @Jane ( hindi ko siya matag ). Sa mga nag upvote sa aking mga artikulo na sina @Eunoia , @Momentswithmatti at @Janz maraming salamat sa inyo. At kay @Macronald din dahil isa ako sa napili sa kanyang patronage sa linggong ito. Sana maintindihan niya itong artikulo ko.😊 Sa mga bumasa sa mga articles ko maraming-maraming salamat sa inyong lahat. Pagpalain nawa tayo ng Panginoon. 😊🥰

Lead image source: https://icocnigeria.org/2015/09/28/love-believes-all-things/

Sponsors of fredyzza07
empty
empty
empty

-fredyzza07-❤️

4
$ 0.10
$ 0.05 from @Jane
$ 0.05 from @Momentswithmatti
Sponsors of fredyzza07
empty
empty
empty
Avatar for fredyzza07
3 years ago

Comments

Hindi tlga ako matag 😅 pro mkakareceive ako ng notif. Nakakalungkot ang story mo.. Tyo tlga mga babae minsan nagiging tanga sa pag ibig. Pro isa lng yun sa pagsubok aa buhay natin. At sna maging happy ka sa kung sino man ang mahal mo ngayon 😁

$ 0.00
3 years ago

Salamat po sa pagbasa🥰 Salamat ng marami rin sa upvote.🥰 Parang likas na yata nating mga babae ang maging tanga pagdating sa pag-ibig. Buti na lang at nakawala ako.😅Masaya na po ako ngayon sa partner ko, lalo na at may angel na kami.😊

$ 0.00
3 years ago

uy binasa ko to...ang sakit naman pero it was a blessing in disguise.. mahirap man pero alam ko may reason and ito ang nagpalaya sayo... mabuti at naging masaya ka sa desisyon mo at sa pamilya mo ngayun.. God bless you!

$ 0.00
3 years ago

Thank you po sa pagbasa. Sobra akong natutuwa sa tuwing may nakaka appreciate sa ginawa ko. 😊Maraming-maraming salamat din po sa upvote🥰 Siguro nga maituturing kong blessing in disguise ang nangyari sa amin. Tama nga talaga ang sabi nila na kaya daw kami nagkahiwalay dahil para mailayo ako sa taong hindi para sa'kin.

$ 0.00
3 years ago

welcome po!

$ 0.00
3 years ago