Anomaly (Part 1- Ang Bagong Mundo)

7 29
Avatar for baoxian23
3 years ago

Eksaktong siyam na pu't walong taon na ang nakalipas nang malamang hindi lang tao ang nilalang sa ibabaw ng mundo. Nagkaroon nang malaking kaguluhan, isang giyera sa pagitan ng mga normal at 'di-normal ang sumiklab. Walang nagpatalo; ilang taong kadiliman, maraming buhay na nasawi at luhang umagos. Nagkaroon ng pagkakaniya-kaniya. Maraming bansa ang tumalikod at nagpikit mata.

Sa Pilipinas, isang kasunduan sa pagitan ng limang lahi ang nagpatapos ng lahat. Pitongpu't tatlong taon na nang tanggapin sila sa lipunan natin. Ang bampira, lobo, engkanto at mangkukulam. Nasa panglimang presidente na ang bagong bansa. Isang bagong gobyerno na naglalayong pagbuklurin ang limang lahi. Sa isang mapayapang lipunan kung saan masaya ang lahat. O, iyon ang gusto nilang ipakita sa mga tao. Maraming pagbabago ang nangyari, ngunit hindi lahat ay ayon dito. Nagtatago sa likod ng mala-bakal na batas, ang hindi matapos na krimen. Mga rebeldeng gusto ng sarili nilang mundo, isang mundong mapapa-ikot nila sa sariling kamay.

Para silang mga kabuteng bigla na lang tumutubo at hindi maubos-ubos. Kumikilos sa likod ng anino, walang nakakaalam kung paano sila aatake at kung saan. Mga taong naka-maskara, walang mga mukha.

......

Dalawang buwan na ang nakaraan matapos ang ika-labing anim kong kaarawan. Hanggang ngayon nag-aantay pa rin ako sa isang himala. Pero, gaano man katagal akong maghintay walang nangyayari. Siguro, mananatili na lang akong normal habang buhay. Sabi nga, makontento sa kung ano ang meron ka. Madaling sabihin, pero kapag nandoon ka na, kapag ikaw na mismo ang nakakaranas, mahirap itangging gusto mong isumpa kung sino mang may kasalanan ng mga nangyayari sa iyo. Mapapamura ka talaga. Mahirap maging normal kung hindi ka naman dapat normal.

Bumuntong hininga ako, inaabangang umalis ang kotse ng mga magulang ko. Alam kong hindi dapat ako tumatakas, pero nasasakal ako sa napaka-laking bahay. Parang may humihigop ng hangin sa paligid ko at hindi ako makahinga. Matapos kong marinig ang tunog nang nagsaradong gate, dali-dali akong lumabas ng kuwarto pababa ng hagdanan papunta sa salas hanggang makarating ako sa kusina, palabas sa likurang pintuan. Tumingin ako sa kaliwa't kanan para tiyaking walang tao. Matapos kong walang makita, dumiretso ako sa hardin at tumakbo hanggang makita ko ang malaking puno ng narra. Nagtago ako sa likod nito nang dumaan ang hardenero, makalagpas niya agad kong iniangat ang sarili ko sa mataas na bakod gamit ang mga sanga ng puno at tumalon sa kabilang parte. Bumagsak ako sa tumpok ng mga tuyong dahon. Agad akong tumayo at tumakbong muli.

Ilang minuto pa, may dumaang sasakyan. Itinaas ko ang mga kamay ko para kuhanin ang atensyon ng nagmamaneho nito. Tumigil ito at nakahinga ako nang maluwag. Bumukas pababa ang bintana.

"Ano ang kailangan mo ijah?" Tanong ng matandang lalaki sa loob ng sasakyan.

"P'wede po ba akong makisakay hanggang sa labasan lang. Binisita ko kasi 'yung kaibigan ko. Hindi ko naalalang nagbakasyon pala sila," pagsisinungaling ko.

"Sinong pamilya?" May pag-aalinlangan sa mukha ng lalaki.

"Ang mga Fontanilla. Pumunta sila ng Hawaii, sa pagkakaalala ko ho." Buti nalang at hindi ko sinasadyang narinig ang pag-uusap ng mga magulang ko kaninang umaga. Magaling rin naman ako sa larangang ito.

"Ah, Oo. Biglaan nga ang pag-alis nila."

Pumasok ako sa loob ng sasakyan at binigyan ng malaking ngiti ang lalaki. Suwerte at residente siya ng subdibisyon, hindi ako mag-aalalang makita ng mga guwardiya. Alam kong may mata ang ama ko sa kanila. Maganda na ang sigurado kaysa sa hindi at baka maudlot pa ang lakad ko. Matagal na rin ang huli kong labas at nakabalik ako noon nang walang nakakaalam at sana ngayon din.

"Salamat po," sabi ko pagbaba ng sasakyan, matapos ay isinarado ko ang pintuan at nagpatuloy sa paglalakad.

Madilim na at hindi kaaya-ayang maglakad mag-isa. Humalo ako sa mga tao. At, kumaliwa ako sa pamilyar na kanto, maraming taong nakapila sa mga lagusan. Tiningnan ko ang mga karatula sa pader: Alabang, Taguig, Cubao, Taft, at iba pa. Saan kaya ako pupunta? Bahala na. Pumasok ako sa pinakamaikli ang pila, hindi ko na binalak pang basahin ang karatula sa itaas nito. Mabilis ang biyahe, mga ilang segundo lang, malamang sa hindi kalayuan ang napuntahan ko.

Kakaunti ang ilaw sa daan kaya naman mahirap maaninag ang kalsadang dinaraanan ko. Makaraan ang ilang minutong paglalakad nakita ko ang kanina ko pa hinahanap; isang pinagbabawal na night club. Nagpatuloy ako sa direksyon nito, papasok na ako nang pigilan ako ng bantay. "ID," maikli nitong sabi, nakalahad ang kamay.

"Genesis," mahina ko namang bulong sa kaniya. Tinuro sa akin ng isa sa mga kuya ko, kung gusto ko raw makapasok sa mga pinagbabawal na club, 'yon ang sabihin. Tsaka, wala akong balak magpakita ng pagkakakilanlan dito. Tumango lang ang bantay at pinapasok ako.

Bumungad sa akin ang malakas na tunog at ang karaniwang amoy ng club: alak, pawis, ihi at isang nakakaadik na simoy. Dumiretso ako sa gitna, hinahawi ang mga nagsasayawang katawan. Isiniksik ang sarili sa mga ito. Nakisabay ako sa tugtog, nakapikit na sumayaw. Pakiramdam ko malaya ako, dito sa mundong nakatago sa lahat. Walang pakialam ang sino man sa kung ano pa ako, hindi katulad ng pamilya ko. Kaliwa. Kanan. Nagpatuloy ang paggalaw ng katawan ko.

Nang mapagod, pumunta ako sa bar para kumuha ng maiinom. "Isang dark water, number two." Umupo ako sa tapat mismo ng bartender.

"Fairy drink? Diwata?" Tanong nito habang ginagawa ang inumin ko.

Umiling ako, "Hmm...do I look like a winged creature? Nah. I am not." Inabot ko sa lalaki ang baso at inubos ito sa isang lagukan.

"You look like one. A beauty." Ngumiti ako sa kaniya.

" Ikaw? No...let me guess. You're a shifter. "

"Pa'no mo nalaman? I'm masking."

"I saw your tail. Horse?" Nagpakawala ako nang isang mahinang tawa. "Biro lang. Give me one more of this. Make that two." Tumuro ako sa baso ko.

"On the house," sabi niya, inilapag niya ang baso ko sa lamesa at pumunta na ito sa ibang pang kostumer na unti-unti nang dumarami.

Matapos ang ika-anim kong baso, pagewang-gewang akong tumayo para pumunta sa banyo. Mahaba ang pila kaya lumiko ako sa kabilang gawi at lumabas sa likurang pintuan ng lugar. Lumabas ako sa isang madilim na eskinita. Napaluhod ako sa maruming sahig dahil sa kalasingan. Dahan-dahan akong tumayo. Bakit ba ako lumabas? Lasing na nga talaga ako. Sumasakit lang ang ulo ko. Dapat na akong umuwi.

Uhmp.

"Sorry! Hi-hindi ko sinasadya!" Inilahad ko ang kamay ko sa lalaking nabunggo ko. Kinuha naman niya ito at marahang tumayo.

"You shouldn't be here." Mala-pusa ang mga mata niya. Dalawang bilog na dilaw na kumikinang sa dilim. Engkanto.

"Yea, I know. Banyo talaga ang punta ko. Mahaba kasi 'yung pila, kaya lang...lasing na 'ata ako. Sorry I'm babbling." Bumaling ako sa kanan at muntik nang matumba, buti na lang at naalalayan ako ng lalaki. "Thanks, I got to go."

Nag-akma akong umalis pero hindi ko nagawa. Hindi pa inaalis ng lalaki ang kamay niya sa braso ko. Humihigpit ito habang tumatagal. Sumasakit.

"What are you?" Tanong nito.

"Ano ba nasasaktan ako...let me go!" Pilit kong inaagaw ang kamay ko pero mas malakas siya sa akin.Wala akong magawa, lalo lang akong nasasaktan habang nagpupumiglas ako. "What do you want from me!?"

"Tell me...what are you?" Pag-ulit nito. Hindi ako umimik. Bakit ba niya pinipilit itanong sa akin ang bagay na iyon? Ano ba ang pakialam niya kung ano ako. "You are an anomaly."

"What?" Sa wakas pinakawalan na ng lalaki ang kamay ko. "Anong sabi mo? I am a what!?" Hindi sumagot ang lalaki sa tanong ko. Ano ba ang tinawag niya sa akin? "Hey, wait up!" Pigil ko rito nang tumalikod siya sa akin.

"Hindi ka dapat pumupunta sa ganitong lugar, delikado. Lalo na sa mga kagaya mo. Umuwi ka na." Mariin itong tumingin sa mga mata ko.

"Ano ba ang sinasabi mo? Madami naman ang kagaya ko rito. Kasama na 'yung bouncer sa labas."

"Hindi mo alam?"

"Ang alin?" Hindi ako nakaramdam ng takot mula sa lalaki, mas lamang ang pagtataka ko-- ang kagustuhan kong humingi ng kasagutan sa ilang tanong. Ano ang ibig sabihin niyang hindi ko alam? Ang alin?

"It's you..." Hinawi niya ang buhok ko at pinagmasdan ang maliit na balat ko sa likod ng tainga.

"Stop that!" Marahan kong hinampas pababa ang kamay nito.

"Oh my god. I can't believe I found you! Of all the places! It is really you..."

"Hindi lang 'ata ako ang lasing. Pati ikaw! This is bulls! I need to go home." Hinawakan ko ang bukasan ng pintuan para pumasok pabalik sa loob ng club.

"Pulis! PULIS!" Sigaw ng mga tao sa loob ng bar.

"Raid 'to ilabas lahat ng I.D.!" Narinig kong isinigaw mula sa loob, malamang isang pulis. Kailangan ko na talagang umalis. Hindi ako puwedeng magpahuli, tiyak na malalagutan ako sa mga magulang ko. Walang humpay na sermon ang abot ko nito.

"Hey." Tumalikod ako. Kumonekta ang hintuturo ng lalaki sa noo ko. May binulong itong mga salitang hindi ko maintindihan. "I will find you. But for now, you need to forget. Pumasok ka na sa loob, mas magandang sumama ka sa mga pulis. Delikadong parte 'to ng Maynila. Naiintindihan mo ba 'ko?" Wala ako sa sariling tumango sa tanong niya. May parang ulap na bumalot sa utak ko at hindi ko maintindihan ang mga kinikilos ko. "Lumapit ka sa mga pulis. Sabihin mong wala kang ID and that you are underage. Nakuha mo ba?" Tumango akong muli. "Then, go now. Be careful. In time I will see you again."

Tahimik akong pumasok pabalik sa loob ng club. Nakatigil ang lahat habang nag-iikot ang mga pulis. Lumapit ako sa isa sa pinakamalapit. "Wala po akong ID at underage ako," sabi ko sa pulis, kagaya ng utos ng...
Sumasakit ang ulo ko.

"Okay sumama ka sa amin." Hinila ako palabas ng pulis sa club papunta sa sasakyan nito. Nablangko ang utak ko. Anong ginagawa ko rito.

"Hoy! Sa'n ninyo ako dadalhin!?" Nagpupumiglas ako sa pagkakahawak ng pulis. "Hoy, ano ba!?"

"Hindi dapat umiinom ang mga bata, ngayon manahimik ka kung ayaw mong patulugin kita." Sinamaan ko ng tingin ang lalaki pero kusa na akong pumasok sa loob ng sasakyan.

Author's Notes: A take on a Filipino Fantasy yet again. I'm a finish this story I promise. I got the plot in my head. Hahaha... I'm supposed to write another chapter of Lipstick Stain but it makes my head hurt so ito muna. Yeahhhh another plot lol

5
$ 1.36
$ 1.24 from @TheRandomRewarder
$ 0.05 from @Pachuchay
$ 0.03 from @Hanzell
+ 2
Sponsors of baoxian23
empty
empty
empty
Avatar for baoxian23
3 years ago

Comments

Anong pong meron sa word na genesis pag pumasok sa bar? Hehe curious lang po ako hehe

$ 0.00
3 years ago

Ahahha para syang password

$ 0.00
3 years ago

Oiii, bet ko sya. Ang ganda, nacurious ako.. Kelan kasunod?

$ 0.00
3 years ago

Ayyyyy thanks sis.. mamaya po hahhss

$ 0.00
3 years ago

Abangers here, hehe

$ 0.00
3 years ago

Oh dear! I am sorry. I don’t understand this one as I don’t know the language. But I understand your effort. Sorry, I missed it.

$ 0.00
3 years ago

Don't be sorry. I'm trying to write in my language to enhance my skills because I'm really bad at it.

$ 0.00
3 years ago