Hindi lahat ng Umuuwing OFW Mapera
#5 (108)
Magandang buhay sa lahat, kay ganda ng paligid, tahimik, maraming puno at tilaok ng manok ang laging naririnig. Maaliwalas ang panahon at paligid. Masarap mabuhay sa payak at simpleng pamumuhay, magpahangin sa lugar na alam mong ligtas ka. Buhay na pinapangarap ko, simple at walang gulo.
OFW, salitang kay gandang pakinggan, sosyal kung iisipin lalo na doon sa mga dipa nakakaranas maging isang OFW. Akala ng iba masarap nga talaga mamuhay sa gitnang silangan. Akala ng iba mayaman na agad kapag isa ka nang OFW!
Ngunit lingid sa kaalaman ng iba, sa likod ng mga ngiting nakikita sa aming mga labi, nakatago ang lungkot at mga luha na pilit naming tinatago sa lahat. Maswerte ka kung may sapat na tulog, madalas limang oras na tulog ay sapat na at buong araw ng walang pahinga. Maswerte ka kung may sapat na pagkain, dahil madalas kulang at limitado ang mga pagkain. Maswerte ka kung dika sinasaktan dahil madalas bugbog ang inaabot ng aming kapwa ofw.
Sa mga mahahalagang celebration ng buhay, naaalala niyo pa ba kami? Maswerte ang OFW na may mapagmahal na pamilya dahil madalas naaalala lang kami kapag dumarating na ang araw ng sahuran. Naaalala lang kami kapag may kailangan at hihingiin. Madalas ikinakahiya pa ang Ina o kapatid na isang kasambahay lamang.
Kapag nakikita kaming masaya at nakangiti sa social media, iisipin nalang na nagpapakasaya kami sa abroad habang naghihirap ang pamilya sa Pilipinas. Ang hindi nila alam, sa araw na nakikita ninyo kaming nakangiti o minsan ay nasa labas ay siyang araw o oras na pwede kami magpahinga, pwedeng kumain ng sapat at pwedeng makalimot sa mga problemang aming kinakaharap.
Naiisip niyo ba kung gaanong sakripisyo ang aming tinitiis at kinakaya upang maging mabuting tao lamang? Mabuting parte ng pamilya? Madalas hindi ninyo nakikita iyon dahil madalas pagdududa at maling akala ang bumubulag sa inyo.
Hindi lahat ng mga umuuwing OFW ay may dalang malaking pera, ang iba umuuwi lang upang magpahinga ng saglit. Ipahinga ang puso, isip at katawang lupa na pagod na pagod na pero pinipilit na lumaban. Umuwi upang magpahinga, hindi upang upang magmayabang.
Madalas kasi kapag kami ay umuwi na galing abroad, iisipin ng iba na may marami na kaming dalang pera. Na may malaking ipon, ang hindi nila alam, OO may marami kaming ipon. Ipong resibo. Madalas ang tingin sa amin mayabang na, madalas ang tingin sa amin madamot na kapag di napapagbigyan ang kahilingan nila.
Kapag wala kang naiabot sa kanila, sasabihing ang damot naman nito ni ayaw mamigay, naiisip niyo din ba nong mga panahong nilalakad pa namin ang aming mga papeles at walang wala kaming pamasahe, lumapit kami sa inyo, pinahiram niyo ba kami? Nong paalis na kami, nagawa niyo bang sabihin sa amin na Hoy! mag iingat ka, happy trip! Diba wala naman? Hindi sa nanunumbat kami pero yon ang totoo. Kaya sana wag kayong magtampo sa amin.
Mas mabuti nga kayo magagara ang gamit, magagara ang cellphone, samantalang kami kung anong suot paalis ng Pilipinas ay siya ding suot pauwi ng bansang pinagmulan. Di makapag selfie dahil dina maaninag ang hitsura sa basag basag na cellphone. Mas inuuna kasi namin ang mga pangunahing pangangailangan kaysa sa libangan lang.
Pakiusap namin sa inyo, wag sana kayo magtatampo sa kung anong kaya namin iabot. Pakiusap namin sa inyo na wag naman sana ninyo kami husgahan sa kung ano kami ngayon. Hindi po kami ngmamayabang, nagpapakatotoo lamang.
Ps:
Itoy kathang isip lamang at walang tinutukoy. Gawa gawa ng makulit kong isip. Bunga ng bored kong quarantine. Pinulot at pinagtagpi tagpi ko mula sa mga dumadaang post ng ibang ofw lamang at dinugtungan ng sariling experience. Wala akong hangaring makasakit ng damdamin, sana ay wag niyong mamasamain ito.
Maraming salamat po sa patuloy na pagsuporta. Naway lagi kayong nandiyan upang ako ay samahan at palakasin ang loob na kaya ko to! God bless us all, hanggang sa muli.
January 4, 2022 Tuesday
Philippines time: 10:10 PM
Sending of love,
@Sweetiepie ❤❤❤
Minsan kapag minalas malas...mahirap Ang buhay sa iBang bansa ...mahirap pakituhan Ang mga tao Doon...Lalo na kapag Hindi magandang trato Ng amo sayo..pero silay nagtitiis (OFW) para sa pamilya or kung sinuman Ang sinusuportahan...ito Ang kailangan maintindhan mating lahat