Isang papel, isang panulat na may tinta
Simpleng bagay lamang ngunit maituturing na armas na
Mga armas ng mga tinatawag na mga makata
Na mahilig gumawa ng mga ganitong akda.
Heto ako ngayon, nasa isang upuan
Nag-iisip ng akda sa iba't ibang paraan
Para lungkot niyo ay maibsan at tuluyang lumisan
At para na rin magkaroon ng kaligayahan.
Gaya ng aking binanggit kanina
Ito ay isang akda mula sa isang makata
Isang makatang kagaya ko na masayang nagbabahagi ng mga tula
Para sa sinumang tao na gustong-gusto ng mga ganitong akda.
Kapag ikaw ay nalulungkot at walang maka-usap
O di kaya ay nakatulala lamang sa alapaap
Huwag kang sumuko sa iyong pangarap
Dahil ang tagumpay ay iyo ring malalasap.
Buhay man ay puno ng hirap at pasakit
Marami man ang nagkakasakit
Ang iba man ay sa patalim kumakapit
Huwag mong hayaan na ang 'yong mga mata ay tuluyang pumikit.
Lahat ng problema ay may solusyon
Hindi man tayo pare-pareho ng tinatahak na direksyon
Manatili pa ring matatag at puno ng determinasyon
Kahit pa pinagbagsakan na ng lupa at punong-puno na ng emosyon.
Isa, dalawa, tatlo, apat, lima
Nasa ika-anim na palang talata
Sana kahit papaano ay naaaliw ka sa aking pagiging makata
Kahit pa wala akong masyadong kakilala.
Ikaw yata ngayon ay nakangiti na
Puno ng kislap ang mga mata
Parang sa kalangitan na puno ng mga kumukinang na mga tala
At kumikintab-kintab naman na mga dyamante sa lupa.
Ako ngayo'y aktibong-aktibo
Sa pagbuo ng mga linyang talaga namang sumasakto
Hindi lamang sa tugma, ngunit maging sa kahulugan ng mga ito
Na siyang nagmula pa mula sa kaibuturan ng aking puso.
Tunay ngang ang mabubuti ay pinagpapala
Pero huwag kalimutang magpakumbaba
Ang sinumang arogante sa gawi at sa mga mata ng masa
Ay hindi kailanman tuluyang magiging masaya.
Hindi naman masamang magyabang minsan
Kung ito ay sa mabuting paraan
'Yong tipong wala kang natatapakan
At' yong tipo na walang angas na pangmalakasan.
Kung ikaw ay punong-puno naman ng biyaya
Huwag magdadalawang isip na tumulong sa kapwa
Dahil ang sinumang tumutulong sa iba
Ay talaga namang patuloy na pinagpapala.
Kung ikaw naman ay may nagawang kasalanan
Magkumpisal at humingi ng kapatawaran
Huwag kakalimutang magdasal sa simbahan
Kahit pa wala kang hihongiin na kailangan.
Tila yata ako ay nauubusan na
Nauubusan ng salitang sasabihin sa madla
Tinta ng aking panulat ay para ring paubus na
Pero kung gusto maraming paraan, gaya ng sinasabi sa isang kataga.
Marami pa akong ikwekwento sa inyo
Sinimulan ko ito sa pagbibigay payo
Ngayon naman ay kailangang magpakatotoo
Sa kung anumang nilalaman ng ating puso.
Iba ang sinasabi ng ating isip sa idinidikta ng ating puso
Pero kahit ano pa man 'yan mga kaibigan ko
Dapat pa ring piliin niyo
Ang sa palagay niyo' t makakatulong sa inyo.
Huwag gagawa ng mga bagay ng pagsisisihan sa huli
Gawin lamang ang tunay na makapagbibigay ng kasiyahan at hindi ang pighati
Ikaw man ay mapababae o lalaki
Sa pagkakataong maibibigay sa iyo, kailangan mong maging wais sa pagpili.
Huwag kang matakot gumawa ng bagay na kesyo ganito o kesyo ganiyan
Lahat naman tayo ay nagkakamali at may pinagdadaanan
Lahat naman tayo ay may patutunguhan
Manalig lang at huwag magsasawang abutin ang kasiyahang hinahangad magpakailanman.
Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, hanggang labing-siyam
Sana ay naaliw kayo at kahit papaano ay ginanahan
Sana may napulot kayo mula sa aking mga nalalaman
At sana ay naaliw kayo ng aking akdang pinagpawisan.
Ang fund ng read.cash ngayo'y may pitong numero na
Kay sir @MarcDeMeselna tunay na pinagpala
Lubos akong nagpapasalamat sa kaniya
Sa ganitong paraan kahit papaano, ay mapasaya ko siya.
Isang papel, isang panulat na may tinta
Nakagawa ng isang obra maestra
Naglalaman ng magkakatugmang salita
Isang akda mula sa kagaya kong pwedeng tawagin na isang makata.
Anong saya masilayang sariling wika ang iyong ginamit sa akda. Damdaming di mapigilan, sa sulat mo ngayon nilaan ang panambitan.