Nais kong ibahagi ang isang kwento.
Ito ay kwentong forever ng Lola ko.
Ops! Teka lang! Hindi ito kwentong barbero.
Sisimulan ko na. Isa, dalawa, tatlo.
Ang Lolo kong mapagbigay,
Pag-uwi ng bahay,
Ang dala lang niya ay tinapay.
Ang dahilan niya, "Si ganito ay nangangailangan kaya't akin munang pinautang."
Ngayon, ang kanilang hapagkaina'y walang laman kundi mamon na iilang piraso lang.
Kinabukasan, si Lolo ay umuwi.
Gegewang-gewang at pangiwi-ngiwi.
"Hindi ako lasing." Sabi niya.
"Nakainom lang." Kanyang depensa.
"Nasaan na ang sweldo mo?" Tanong ni Lola.
"Heto na." Iniabot ni Lolo sa kaniya.
"Barya?!" Sigaw ni Lola na para bang galit na.
"Si ano kasi wala na raw bigas.
Pinahiram ko muna." Sagot ni Lolo kay Lola.
Binuksan ni Lola ang bintana at doo'y ibinato,
Mga baryang pinaghirapan, pinagtrabahuhan ni Lolo.
Habang sa labas naman ng bintana'y nakaabang,
Ang aking ina na noo'y bata pa lang.
Pinulot ang mga baryang natagpuan.
Ibinili ng pagkain para sa kumakalam niyang tiyan.
"Hindi ko na kaya ito! Palagi ka na lang ganiyan! Kailan ka ba titino?" Napupunong sigaw ni Lola.
Tumakbong papalabas, siguro'y upang kumalma.
Pero si Lolo at kanilang mga anak ay nagtataka,
Gabing-gabi na ngunit wala pa si Lola.
Kinabukasan, si Lola ay umuwi.
Mukhang masaya at di mawala ang ngiti.
Kasabay niyang maglakad ay isang lalaki.
Kapitbahay nila at kanilang kumpare.
Pagpasok sa bahay, kaniyang sinabi,
"Aalis na ako, iiwan ko na kayo. Sawa na ako sa buhay na ito."
Kumuha siya ng bag at nagsimula nang mag-impake.
Tuluyan na silang umalis nang siya'y matapos.
Habang ang kaniyang asawa't mga anak, luha'y patuloy sa pag-agos.
Lumipas ang panahon,
Ilang beses nasawi ang puso.
Hanggang sa mahanap na ni Lola ang tunay na magpapatibok nito.
Isang lalaking estranghero.
Matangos ang ilong, kutis ay kayumanggi.
Katamtaman ang tangkad, ngunit medyo masungit.
Sa simula'y araw-araw niya itong pinapanood sa malayo.
Minamatiyagan ang kanyang bawat kilos.
Hanggang sa hindi niya namamalayan, tuluyan na syang nahulog.
Hindi si Lola umibig sa panlabas niyang anyo,
Kundi sa pagiging masipag nito.
Hindi ito katulad ng kaniyang asawa.
Ito ay responsable at inuuna ang pamilya.
Hindi nagtagal si Lola ay napansin,
Ng estrangherong panay ang sulyap at tingin.
Si Lola ang nanligaw kasi torpe yung lalaki.
Hanggang sa ang relasyon nila'y sa pagsasama sa iisang bahay nauwi.
Lumipas ang taon, sila'y nagsipagtanda.
Sa sakit o kalusugan man, sila'y magkasama.
Hindi nagtagal, kanyang mga anak siya'y nakita.
Ang mama ko, nakiusap kay Lola.
Alagaan ang kaniyang mga anak habang nagtatrabaho siya.
Lumaki kami sa pangangalaga ni Lola.
Ang tanging Lolo'ng nakilala ko ay ang kaniyang kinakasama.
Habang ang tunay kong Lolo ay nasa probinsya.
Pagtitinda ng kakanin ang negosyo nila Lola.
Sila ay gising mula alas tres ng umaga.
Niluluto, binabalot ang kanilang paninda.
Pagsapit ng alas singko'y nasa pwesto na sila.
Maraming bumibili, walang natitira.
Kung mayroon ma'y sa kapitbahay pinapautang nila.
Pagdating ng alas nuwebe, sila'y nasa bahay na.
Magluluto ng tanghalian, pagkatapos mananghali, saglit magpapahinga.
Sa pagsapit ng hapon, balik trabaho na.
Gigilingin ang bigas na binabad kaninang umaga.
Iinitin ang mga dahon, gugupitin sa pabilog na hulma.
Alas sais pa lamang, ay maghahapunan na.
Maagang matutulog sapagka't kailangan magising ng maaga.
Ganiyan ang araw araw na buhay nila.
High school, ikatlong taon ko nang mapagpasyahan nilang umuwi sa probinsya.
Hindi sa probinsya ng tunay kong Lolo, kundi sa probinsya ng kinakasama niya.
Lumipas ang ilang taon, kinakasama niya'y pumanaw.
Pagkalipas ng ilang buwan, ang Lolo ko naman ang sumakabilang buhay.
Mayroon na akong sariling anak nang mapag-alaman,
Na ang Lola ko'y tuluyan na ring lumisan.
Ang kwento ko'y hanggang dito na lang.
Salamat sa pagbasa, kaibigan.
You are more smart.. Accept love from ChefSnaches group😍😍