Konsensiya

8 22
Avatar for EmAeDi_13
3 years ago

Maikling Kwento

Ni: EmAeDi

"Ano'ng ginagawa mo rito Herbert?" Nagtataka'ng tanong ni Xyriel nang pagbuksan niya ng pinto ang kumakatok. Ngumiti ang lalaki'ng kanya'ng kaharap. 

"Gusto lang kita'ng makita Xy." Mas lumambot pa ang ekspresyon nito bago nagpatuloy. "Miss na miss na talaga kita love." Lalong kumunot ang kanya'ng noo dahil sa ipinahayag nito. 

"Herbert, hindi ka dapat nandito. Tumakas ka ba? Bumalik ka na." Mahinahon niya'ng wika sa lalaki kahit sa loob nya ay nanginginig na siya sa takot sa maaari'ng gawin ng lalaki. 

"Bakit Xy? Hindi mo na ba ako mahal?" Halos magmakaawa ito sa kanya at pilit inaabot ang kamay niya. Dumistansya siya sa kaharap para makaiwas sa hawak nito. Hindi siya sumagot. 
Nagbago ang ekspresyon ng lalaki nang walang narinig na sagot mula sa kanya. "May mahal ka na bang iba? Ha?! Kaya ba ayaw mo na sa akin?" Sigaw nito at marahas siya'ng hinawakan sa kanyang magkabilang balikat. Pinilit niyang magpumiglas pero sadyang malakas ang lalaki. "Sabihin mo! Sino? Sino? Ha? Xyriel?" Walang tigil itong sumigaw sa harapan niya at niyugyog ang kanyang katawan na nanginginig sa takot. "Sumagot ka! May mahal kang iba! Sino? Kaya ba a-" Hindi na natapos ng lalaki ang pagsigaw at marahas na nabitawan siya nito kaya natumba siya sa sahig. Hinagilap niya ang eksena. Nakita niya'ng may dalawang lalaki'ng nagpangbubuno sa kanyang harapan. Nang matumba si Herbert ay agad siya'ng dinaluhan ni Nick-ang kanyang nobyo. 

"Ano'ng ginawa niya sa'yo?" Tanong nito habang tinutulungan siya'ng makatayo. Hindi pa man siya lubos na nakatitindig ay humandusay na sa sahig si Nick na labis niyang ikinagulat dahilan para mapasigaw siya sa takot. 

"Ikaw ba? Inagaw mo siya sa akin!" Galit na sigaw ni Herbert. Sumakay ito sa ibabaw ng kabuno at pinaulanan ito ng suntok. Pilit niya'ng inaawat si Herbert para isalba ang bugbog niya'ng nobyo. 

"Tama na! Herbert, tama na!" Sigaw niya habang inaawat ang dalawa. Hindi na makaganti si Nick. Nang muli niyang hawakan sa damit si Herbert ay malakas siya nitong hinawi kaya tumilapon siya sa lagayan ng sapatos na gawa sa kahoy malapit sa pinangyayarihan ng gulo-sa may pinto. Nasapo niya ang kumikirot niya'ng balakang at pinilit tumayo upang lumapit sa dalawang lalaki. Nahagip ng mata niya ang isang malaking flower vase na naka display sa gilid ng patungan ng telibisyon. Paika-ika siya'ng lumakad papunta doon at mabilis na hinablot ang vase. Nang balingan niya ang dalawang lalaki ay parang hindi na gumagalaw si Nick ngunit patuloy pa rin sa pagsuntok si Herbert. Umusbong ang galit niya. Hindi niya alam kung saan niya nahugot ang lakas para ihampas ng malakas ang vase na hawak niya sa ulo ng nagwawalang si Herbert. Tumigil ito sa pagsuntok at gulat na tumingin sa kanya. Akala niya ay siya naman ang pagbubuntungan ng baliw na lalaki, ngunit makalipas ang ilang segundo ay padapa itong bumagsak at nadaganan ang kanyang nobyo. Ilang minuto pa siyang nakatulala dahil hindi makapaniwala sa kanyang nagawa bago niya naisip na alisin ang katawan ni Herbert kay Nick. Nang mahawi niya ito ng kaunti, sapat na para lumitaw ang mukha ni Nick ay napahagulgol siya sa hitsura ng lalaki. Duguan ang mukha nito at nakapikit. Niyugyog niya ang lalaki habang umiiyak. 

"Nick. Baby. Nick." Paulit-ulit niya itong niyugyog hanggang sa gumawa ito ng mahinang paggalaw. Umungol din ito dahil sa kirot. Lihim siyang natuwa nang malamang buhay pa ang kanyang nobyo. Kumilos ang lalaki para makaalis sa katawan ng walang malay na si Herbert. Napangiwi pa ito nang pilitin nitong umupo. "Baby. Okay ka lang?" Tanong nito sa kanya. Humawak ito sa kanyang pisngi. Tumango siya bilang tugon. Tinulungan nila ang isa't-isa para makatayo. Dadako na sana sila sa sofa nang mapansin ang maraming dugo na dumadaloy sa sahig. Mula iyon sa ulunan ni Herbert. Nagmadali si Xyriel na tingnan ang kalagayan ng dating nobyo. Nakalimutan niya na ito nang dahil kay Nick. Ginising niya si Herbert. Naka-ilang yugyog siya rito ngunit hindi ito gumalaw o umungol manlang. Kinabahan siya sa posibilidad na pumasok sa kanyang isipan. Kinapa ng nanginginig niya'ng kamay ang gilid ng lalamunan ng lalaking nakahandusay sa sahig. Pinakiramdaman niya iyon ng ilang segundo. Napatakip ang kanyang palad sa kanyang bibig nang walang maramdamang pulso mula roon. 

"Patay siya." Umiiyak siya'ng tumingala sa nakatayong si Nick. Halos hindi na makamulat ang isa nitong mata. "Napatay ko siya Nick." Pag-uulit niya sa mga salitang tumatakbo sa kanyang utak. Lumuhod si Nick upang daluhan siya. 

"Shh. Hindi mo sinasadya Baby." Pang-aalo nito sa kanya habang nakayakap mula sa kanyang gilid. 

"Napatay ko siya. Nakapatay ako Nick." Hagulgol niya sa bisig ni Nick. Halos ayaw niyang tanggapin na nagawa niya ang bagay na iyon. Kahit baliw si Herbert ay tao pa rin ito. At napatay niya ang lalaki. "Nakapatay ako Nick." Pahayag niyang muli. 

"At bumili ako ng sumbrero." Wika ni Nick na ikinalingon niya rito. Nagtataka niya itong tiningnan. "Bumili ako ng sumbrero pero hindi ko paulit-ulit sinasabing bumili ako ng sumbrero. Walang sense Xy. Kaya natin 'to." Tumayo si Nick para isara ang pintuan. "Tulungan mo ako." Sabi nito sa kanya na ngayon ay pilit hinihila ang katawan ni Herbert. Balisa niyang tinulungan ang nobyo sa paghila sa bangkay ni Herbert. Dinala nila ito sa kusina kung saan may isa pa'ng pinto papunta sa likuran ng bahay. Binuksan ni Nick ang pintuang iyon at muling hinila si Herbert palabas. 

"Ano'ng gagawin natin?" Tanong niya sa nobyo. 

"Ililibing natin siya. Magpasalamat nalang tayo dahil malawak ang lupain ninyo at malayo ang kapit-bahay. Walang nakakita Xyriel kaya ligtas tayo." Sagot nito. "Bantayan mo siya. Kukuha lang ako ng pala." Dugtong pa nito bago umalis at muling pumasok sa malaking bahay. Kung nandito lang sana ang daddy niya. Hindi siguro mangyayari ito. Dalawa lang sila ng kanyang ama na nakatira sa bahay at lagi itong wala dahil laging naglalasing. Hanggang ngayon ay dala pa rin nito ang sakit nang mamatay ang kanyang mommy. Malawak ang lupain nila na natatamnan ng mga niyog. Iyon ang ikinabubuhay nilang mag-ama. Ang lupaing iyon ay minana pa ng kanyang ama sa mga magulang nito. Masyadong malayo ang mga bahay kaya wala manlang nakarinig o nakapansin na nagkakagulo na sa bahay nila. Maya-maya ay bumalik na si Nick na may dalang pala. Walang salita itong nagsimula sa paghuhukay habang siya ay nakatayo at tulala. Isa na siyang kriminal. Isa siyang mamamatay-tao. Hindi niya maalis sa kanyang isipan ang mga bagay na iyon. Nagising lang ang kanyang diwa nang hawakan ni Nick ang nanlalamig niyang braso. 

"Halika na sa loob. Baka may dumaan pa at makita tayo rito." Nagpatangay siya sa nobyo papasok ng bahay. 

"Mabuti nalang at dumating ka Baby." Sabi ni Xyriel habang pinupunasan ng bulak na may betadine ang hiwa sa gilid ng ilong ni Nick. 

"Balak sana kitang i-surprise. Bumili pa mandin ako ng siomai. Sabi mo kasi kanina sa chat mo, wala kang kasama rito. Mabuti nalang talaga Baby. Hindi ko alam kung anong kayang gawin ng hayop na 'yun sa'yo." Umusbong ang galit sa ekspresyon ni Nick kaya naman hinaplos niya ang namamaga nitong pisngi. Agad lumambot ang ekspresyon nito at hinawakan ang kanyang kamay na nakahawak sa pisngi nito. "Mangako ka sa aki'ng tatahimik ka Baby. Hindi ka pwedeng makulong. Mangako ka na wala ka'ng ibang pagsasabihan." Nagmamakaawa nitong pahayag sa kanya. Tumango na lamang siya bilang tugon. 


*** 
Agad ibinaba ni Xyriel ang kanya'ng cellphone nang mabasa ang balita. Isang lalaking pasyente ang tumakas sa isang mental hospital at hanggang ngayon ay nawawala. Iyon ang sabi sa balita. Napatulala siya sa kawalan. Nagulat pa siya nang tumunog ang kanyang cellphone pahiwatig na may nagmessage sa kanya. Ang kaibigan nya'ng si Carla. 'Nabalitaan mo na ba? Nakatakas daw si Herbert. Mag-ingat ka diyan ha.' Iyon ang nakasaad sa mensahe nito. Lalong nanikip ang kanyang dibdib at nahirapan siyang huminga. Muling tumunog ang kanyang cellphone dahil sa dumating na message. Si Nick iyon. Kinakamusta siya. Sinagot niya ito na ayos lang siya. 
"Nangako ka sa akin Baby. 'Wag mo nang isipin 'yun ha." Muling message nito sa kanya. Nagsend siya ng 'like' symbol bilang sagot. Wala siyang gana magtype. Naagaw ang atensyon niya nang biglang magsalita ang kanyang ama. 

"Aalis lang ako sandali. Kumain ka nalang kapag nagutom ka." Sabi nito at hindi pa man siya nakakasagot ay lumabas na ito ng bahay. Naiwan siyang mag-isa sa malaking bahay. Sana ay hindi na lamang bakasyon ngayon. Nahiling niya sa sarili. Nagtungo siya sa kusina para kumain. may luto nang kanin sa rice cooker. Kumuha siya at nagsandok ng menudo mula sa kawali. Malamang ay binili iyon ng kanyang ama sa karinderya sa bayan at ininit nalang. Nagsimula na siya'ng kumain. Nakakatatlong subo na siya nang bumalik sa alaala nya ang imahe ng katawan ni Herbert. Duguan ang lalaki at wala nang buhay na nakahandusay sa kanilang sahig. Sinubukan nya'ng iwaksi iyon sa kanyang isipan at muling ibinalik ang atensyon sa kinakain. Nilagyan nya ng sabaw ng menudo ang kanyang kanin pero gulat nya'ng nabitawan ang serving spoon. Sa paningin nya ay dugo ang isinasabaw nya sa kanya'ng pagkain. Dugo ni Herbert na nagkalat sa sahig. Agad nya'ng inilagay sa lababo ang kanya'ng plato at binuksan ang gripo para malinis ang plato. Nang wala nang bakas ng menudo ay iniwan nya iyon sa lababo at pinatay ang gripo. Nagpasya siyang matulog nalang dahil wala naman na siyang gana'ng kumain. Wala rin siyang gana'ng kalikutin ang kanyang cellphone. 

Ilang oras nang nakahiga si Xyriel sa kanyang kama ngunit hanggang ngayon ay gising pa rin siya. At ayaw niya nang ipikit pa ang kanyang mga mata dahil sa tuwing lalamunin siya ng dilim ay imahe lamang ng bangkay ni Herbert ang nakikita niya. At natatakot siya dahil doon. 

Lumipas pa ang ilang araw at gabi. Nangangayayat na si Xyriel dahil sa kawalan ng tulog. Hindi na rin siya makakain dahil naaalala niya ang dugo sa sahig nang gabing iyon at pakiramdam nya ay humahalo iyon sa kanyang pagkain. Ilang beses na siya'ng tinatawagan ni Nick ngunit hindi nya iyon sinasagot. Kahit sino ay wala siyang kinakausap. Nakakulong lamang siya sa kanyang silid at pilit inaalis sa kanyang ulirat ang imahe ng bangkay ni Herbert. 

Natauhan ang tulala nya'ng diwa nang marinig ang mga katok mula sa pintuan ng kanyang silid. Hindi siya nag-abalang tumayo mula sa pagkakaupo niya sa sahig habang yakap ang kanyang mga binti. "Xyriel, nandito ang nanay ni Herbert. Tinatanong niya kung hindi raw ba pumunta rito si Herbert." Nang marinig ang pangalang iyon ay muling bumalik sa kanyang isipan ang imahe ng lalaki. Nakadapa ito, duguan at wala nang buhay. Kumatok muli ang kanyang ama sa pintuan. "Xyriel?" Tawag nito mula sa labas ng silid. Naalala niya ang sinabi ni Nick. Na 'wag niyang sasabihin sa iba ang mga nangyari. Lumunok siya para pigilan ang pagpiyok bago sumagot. 

"Hindi po." Mahina nya'ng sagot pero sapat na para marinig ng tao sa labas. 

"Okay. Sasabihin ko sa nanay nya." Tugon nito bago niya narinig ang mga yabag papalayo. 

Muli siyang nalunod sa madilim nya'ng mundo. Mulat na mulat ang kanyang mga mata na maitim na ang ilalim. Nanunuyo rin ang kanyang labi at namumutla. Magulo ang kaniyang buhok dahil hindi na siya nag-aabalang ayusin iyon o kahit maligo manlang. Nanatili siyang gano'n. Nanatili siyang ginugulo ng imahe ni Herbert. At hindi niya alam kung paano iyon tatakasan. 


*** 
"Hindi ko sinasadya. Hindi ko sinasadya. Patawarin mo ako. Hindi ko sinasadya." Nanlulumong nilapitan ni Nick ang nobya. Nakaupo ito sa isang sulok ng silid. Nakayap sa kanyang mga binti habang marahang dinuduyan ang sarili at nagsasalita ng mag-isa. Sobrang payat nito at namumutla. Nangingitim na rin ang gilid ng mga mata. Umiiyak nya ito'ng niyakap at hinaplos ang malagkit at magulo nitong buhok. 

"'Di ba sabi ko, 'wag mo masyadong isipin 'yun? 'Di ba sabi ko, kalimutan mo na 'yun?" Wika nya habang umiiyak. 

"Pinatay ko sya." Tumingin sa kanya ang nangingitim nitong mga mata. Halos lumuwa na ang mga iyon mula sa pinaglalagyan. Lalo siyang nanlumo dahil sa kalagayan nito. "Hindi ko sinasadya. Hindi ko sinasadya." Pauli-ulit nitong pahayag. Maka-ilang ulit siya'ng tumango rito. Gusto nya'ng iparamdam kay Xyriel na may naniniwala'ng hindi nito ginusto ang krime'ng nagawa. Kung naging mas malakas lamang siya nang gabing iyon. Hindi sana ito napilitang gawin ang bagay na magiging dahilan ng pagkabaliw nito. Agad siyang tinawagan ng ama ni Xyriel nang mapansin nitong hindi na lumalabas ng silid ang anak at nang katukin ito ay hindi manlang nagsasalita. Pwersahan nitong binuksan ang pinto ng kwarto ni Xyriel kaya naman natuklasan nito ang kalagayan ng anak. At dahil wala itong magawa para makausap ng matino si Xyriel ay siya ang tinawagan nito. Agad siyang napabalik sa probinsya mula sa Manila dahil sa nabalitaa'ng kalagayan ng nobya. Kung hindi siya pumayag magpabugbog no'n, e' 'di sana maayos pa si Xyriel. Sana'y maayos pa ang lahat. Nagawa iyon ng kanyang nobya para iligtas siya. At dahil sa kanya ay naging miserable ito at hindi na naka-ahon pa mula sa pagkalunod sa sariling konsiyensya. Sana pala ay siya nalang ang nakapatay sa hayop na si Herbert. Sana'y siya nalang ang ginulo ng konsiyensya na ayaw magpalaya sa babae. 

-WAKAS-

7
$ 0.05
$ 0.03 from @GarrethGrey07
$ 0.01 from @Adrielle1214
$ 0.01 from @Kendy42
Avatar for EmAeDi_13
3 years ago

Comments

Maganda yong twist ng kwento, sana gumaling parin si Xy at sumuko n lng para gumaan ang konsensiya niya.

$ 0.00
3 years ago

Salamat po nagandahan ka sa story.

$ 0.00
3 years ago

walang anuman. More articles to come po☺️

$ 0.00
3 years ago

Mahirap kalaban ang konsensya😌

$ 0.00
3 years ago

totoo po, mahirap, sobra.

$ 0.00
3 years ago

Sumuko nalang sana siya para hndi na siya nakonsensya pa.. talagang nakakabaliw ang konsensya lalo na at hndi mo kayang tanggapin o Aminin ung kamalian mo..

$ 0.00
3 years ago

Sana, nabaliw siya kasi wala siyang mapagsabihan, sinolo niya sa takot na maparusahan. Pero lahat ng kasalanan ay may kabayaran, hindi man ito mapagbayaran sa batas ng tao, sa mata ng Diyos, walang makaliligtas.

$ 0.00
3 years ago

Kaya nga, hndi kinaya ng konsensya nya

$ 0.00
3 years ago