Bula

2 16

Maikling Kwento

ni:EmAeDi

Ang kwentong ito ay pawang kathang-isip lamang. Ano mang pagkakapareho sa mga pangalan, lugar o pangyayari ay hindi sinasadya.

Nakita ko sya noon sa birthday party ng boyfriend ng kaibigan ko. Napakakisig nya at presentableng tignan sa suot nya'ng polo na may mahabang manggas na nakatupi hanggang siko. Kayumanggi ang kulay nya at matangkad.

Sya ang unang nakahuli ng atensyon ko sa event na 'yon. Pasado sya sa mga tipo ko. Matangkad at matangos ang ilong.

Nagtama ang paningin namin nang luminga sya sa gawi ko matapos na matawa sa marahil ay sinabi ng kausap nya. Ako ang unang bumawi na hindi ko madalas gawin sa ibang lalaki'ng nakakatitigan ko. Nakakalunod ang mga mata nya. Para ba'ng napakaraming gustong sabihin ng mga kulay tsokolateng mata na iyon kaya naman hindi ko kinaya. Maya-maya ay lumapit sya sa akin. Nakipagkilala. Nagkwentuhan kami at nauwi sa pag-alok nya ng paghatid sa akin sa bahay. Pumayag ako. Bakit hindi? babae ako at gabi na. Wala pa ako'ng dalang sasakyan dahil kasalukuyang nasa talyer iyon. 
Inalok ko sya ng kape nang maihatid nya ako. Pinaunlakan nya iyon. Masarap nga namang uminom ng kape pagkatapos uminom ng alak para mahimasmasan. 

"So, wala ba'ng magagalit?" tano'ng ko sa kanya habang nasa sala kami at nagkakape. 
"Magagalit?" balik tanong nya. Nagkibit lang ako ng balikat. Alam nya na ang ibig ko'ng sabihin. Natawa sya pagkatapos ng ilang saglit bago muling tumugon. 
"Wala. Syempre. Ihahatid ba naman kita kung meron" Ngumiti ako. Oo nga naman. Nag-usap pa kami hanggang sa nagdesisyon syang umuwi. Madaling araw na iyon. 

Naulit pa ang mga pagkikita namin ni Jericho. Yun ang pangalan nya. Kumakain kami sa mga restaurants, naglalaro sa arcades. Mabuti na nga lang at nakakasabay sya sa hobbies ko. Gusto ko ang paglalaro sa arcades, lalo na kung medyo mabigat ang kaso na hinahawakan ko. Pampatanggal stress at pang clear ng utak. Mahirap talaga 'pag isa ka'ng abogado, public defender to be specific. 

Sa lahat ng lalaking nakilala ko, sya ang pinaka tumatak sa isipan ko. Lagi syang sumisingit sa utak ko. Para ako'ng baliw kapag naaalala ang mga kwentuhan namin habang nasa trabaho. Hinanap-hanap ko ang presensya nya. 

Ang minsanan nami'ng pagkikita ay naging madalas. Hanggang sa isang gabi nang ihatid nya ako galing sa isa'ng anniversary party ng kaibigan nya, may nangyari sa amin. Parehas kaming nakainom. Pero tandang-tanda ko ang mga detalye ng pinagsaluhan namin. At wala ako'ng pinagsisisihan. Ibinigay ko ang sarili ko sa kanya. Para sa akin, walang masama roon. Dalaga ako at walang karelasyon. Naging mas malambing sya pagkatapos ng nangyari sa'min. Ang nangyaring iyon ay nasundan pa ng ilan. Naging opisyal ang relasyon namin. Hindi ko hinayaan ang ibang lalaki na pumasok sa buhay ko maliban kay Jericho. Maybe he really bring down the walls. 

Pakiramdam ko, perpekto ang relasyon namin. Maalalahanin sya at malambing. Mga bagay na gusto'ng-gusto ko sa kanya. Sobrang mahal ko si Jericho. Umabot na ako sa punto na nangangarap na ako ng bukas kasama sya. Sigurado na ako'ng sya na. Hinihintay ko nalang na yayain nya ako magpakasal at hindi ako magdadalawang-isip na pumayag. 

Pero ang akala ko'ng perpektong relasyon ay hindi pala. Wala nga namang perpekto sa mundong ito. Ang mga pinangarap ko para sa amin ay naglaho dahil sa aking natuklasan. 

Isang gabi, Kagagaling lang namin sa isang café para uminom ng kape at pinagbubuksan na ako ni Jericho ng pintuan ng kotse, nang biglang may humila sa aking buhok mula sa likuran. At isang palad na malakas ang pagkakadampi sa aking pisngi ang sumalubong sa akin. Hindi agad ako nakabawi dahil sa gulat. Nasapo ang pisngi ko na napuruhan ng sampal. Napansin ko ang batang babae na umiiyak sa likod ng kotse, malapit sa babaeng sumampal sa akin. Dumami ang naki-usyoso. Umiiyak ang babae'ng nasa harap ko at galit na galit. Hawak sya ni Jericho kaya hindi sya makalapit sa akin kahit ano'ng pagpupumiglas pa nya.  
"Tama na Alex!" gigil na sigaw ni Jericho sa kanya pero hindi sya natinag. Maraming ibinatong masasakit na salita sa akin ang babae. Pero iilan lang ang rumehistro sa utak ko'ng lito. 
"You Bitch!" 
"Home wrecker!" 
"Slut!" 
"Mistress!" 
Naiyak ako sa sobrang kahihiyan. Hindi pa ako napahiya ng ganoon sa buong buhay ko. 
Pero bukod sa pagkapahiya ay galit. Galit ang umusbong sa aking dibdib nang oras na iyon. Tinanong ko sya kung may magagalit ba sa umpisa palang, pero nagsinungaling sya. Bakit hindi ko nahalata? Bakit hindi ko nalaman agad? Bakit kailangang umabot pa sa ganito? Nakakahiya! Isa pa mandin ako'ng abogado, pero ako mismo ang lumabag sa batas ng tao. Sa batas ng Diyos. 

Lumipas ang isang linggo, muli syang dumalaw sa bahay ko, halos pagsarhan ko sya ng pinto. Pero nakiusap syang pakinggan ko ang paliwanag nya. Nakinig ako. Kailangan ko rin naman ng mga paliwanag. Kung bakit sya nagsinungaling at kung pa'no nya nagawa ito sa pamilya nya. 
"Napilitan lang ako na pakasalan sya, dahil nabuntis ko sya." Yan ang sinabi nya nang tanungin ko sya kung bakit nya niloko ang asawa nya. 
"Ayoko'ng mawala ka sa akin. Alam ko'ng iiwan mo ako pag nalaman mo'ng kasal na ako sa iba." Sabihin niyo nang loka-loka ako, pero naniwala ako kay Jericho. Mas minahal ko sya. Handa syang hamakin ang lahat makasama lang ako. Nakumbinsi nya ako na manatili sa piling nya kahit alam ko'ng mali. Eksperto ako sa pagtatanggol ng mga nagkasala sa batas, at ngayon, gusto ko iyong gamitin para sa sarili ko. Kinumbinsi ko ang sarili ko na ayos lang na mahalin ko si Jericho kahit may asawa sya. Siguro nga ay nabulag ako sa pagmamahal ko sa kanya. Ika nga, 'Love is blind'. Pero paulit-ulit ako'ng kinulit ng utak at konsensya ko. 

Sumama ako kay Jericho sa bahay nya, para samahan syang papirmahin ang asawa nya sa annulment papers. Ang sama ko. Malamang yan ang nasa mga utak niyo. Masisisi niyo ba ako? mahal ko sya. 
Tahimik ako na nakaupo sa tabi ni Jericho habang nag-uusap sila ng asawa nya at isa pang abogado. Kung nakamamatay lang ang tingin ay kanina pa ako bumulagta dahil sa mga titig ng asawa ni Jericho na si Alexandra. Alam ko'ng gusto'ng-gusto nya na ako'ng patayin sa isipan nya. Mas makukumbinsi raw kasi si Alex na pumirma, kung isasama nya ako. Naniwala ako. Uto-uto kasi ako. 

Pero nang makita ko ang batang babae na bumababa mula sa hagdanan na palagay ko ay nasa apat na taon lang, nanlumo ako. Ito rin ang batang nakasaksi ng unang kahihiyan sa buhay ko. Walang bahid ng galit ang tingin na ipinukol sa akin ng bata. Siguro'y hindi nya pa alam ang mga nangyayari. Malamang tama ako na hindi sinisiraan ni Alex ang asawa nya sa anak nila dahil kung oo, baka inaway na ako ng bata.  
 
Hindi pumirma si Alex. Bago ako makasunod kay Jericho papalabas ng bahay nila ay hinawakan ni Alex ang braso ko, hawak na banayad. Hawak na galing sa isang ina. Nilingon ko sya. Nahagip ko ang lungkot sa mga mata nya. "Hindi ko ipagsisiksikan ang sarili ko kay Jericho kung hindi naman talaga ako. Mahalin mo sya ng higit sa pagmamahal ko." Tumulo ang mga luha sa pisngi nya. ngunit nagpatuloy sya. "Pipirma ako, kapag handa na ako." Matapos nyang sabihin iyon ay pumasok na sya sa loob. Nasaktan ako. Nagising ako sa pantasya ko. Mali ako sa isiping 'Love is blind.' hindi bulag ang pag-ibig dahil nakita nito ang mga katangian ng isang tao para mahalin. Ako ang bulag. Nabulag ako sa pangarap ko para sa amin ni Jericho. Nabulag ako ng sarili ko'ng pagnanasa. 

Siguro nga ay marumi na ako'ng babae. Pero ang lahat ay binibigyan ng pagkakataon ng Diyos para magbago. Kaya naman, nakipaghiwalay ako kay Jericho. Isiniksik ko sa kokote ko na mali ang mahalin ko sya. Mas gugustuhin ko'ng wasakin ang puso ko kesa wasakin ko ang batang puso ng anak nya. Ayoko'ng may matulad pa sa akin na lumaking wasak ang puso dahil sa kagagawan ng aking ama. Ayokong mangyari iyon sa iba. 

Kaya naman nagdesisyon na ako'ng lumayo. Inayos ko ang aking mga papeles upang umalis ng bansa. Para magpalamig? Para umiwas? O para na rin sa sarili ko. Para doon ko hanapin ang sarili ko. Hindi ko alam alinman ang rason. Ang gusto ko lang ay lumayo at mapag-isa. Sa huling pagkakataon ay nagpaalam ako kay Jericho. Pero hindi na ako nagpakita sa kanya sa halip ay nagpadala nalang ako ng sulat kung saan siya nagtatrabaho.

Ginusto niyong pareho kung ano man ang ginawa niyo noon kaya nabuo si Noreen. Ayokong agawan ng pamilya ang anak mo. Alam ko'ng mabuti ang kalooban ng asawa mo. Siguro ay ginamit lang ako ng Diyos para subukin ang pagsasama niyo. At siguro ay ginamit ka ng Diyos upang subukin ang tatag ko. Salamat dahil dumating ka sa buhay ko. Naranasan ko ang lumigaya kahit sa maikling panahon lang. I learned to go out of my shell and see the wonder of outside world. Naisip ko na ang pag-ibig natin ay katulad ng isang bula, Kung kailan nagkaroon ng kulay, saka naman pumutok at naglaho. Masakit mang isipin na sa unang subok ko'ng magmahal, sa maling tao ko pa naramdaman. Pero hindi ko pinagsisihan na minahal kita Jericho. Dahil may natutunan ako sa nangyari. Yun ay ang hindi por que mahal mo ay ipaglalaban mo. Walang masama kung gagawin mo iyon hangga't wala kang natatapakang ibang tao. Dahil kailanman, hindi naging makasarili ang pag-ibig. Pinapakawalan kita para bigyan ka ng pagkakataon na bumawi sa pamilya mo. Mahalin mo sila at huwag ipagpapalit sa iba. Dahil sila ang kayamanan mo hanggang sa tumanda ka. Meron kang pamilya na ipinagkait sa tulad ko, at ayokong sayangin mo iyon para sa panandaliang kaligayahan lang. Salamat Jericho." 
-Nagmamahal 
Marian.

-WAKAS-

Sponsors of EmAeDi_13
empty
empty
empty








5
$ 0.02
$ 0.02 from @Khing14

Comments

Kwento ng the other woman pala ito lem..

$ 0.00
2 years ago

kaya nga e. hahaha

$ 0.00
2 years ago