May nakita ako dito na tagalog ang wikang ginamit kaya susubukan kong gumawa ng article na tagalog.
So, bakit Teacher "LANG" ang aking paksa ngayong araw na'to? Ganito kasi yun.
No'ng bata pa ako, sabi ko sa sarili ko, gusto ko maging guro paglaki. Kasi gusto kong makatulong sa mga bata na matuto paano maging mabuting tao. At gusto ko din ito kasi alam kong yun lang ang madaling trabaho. Siguro kaya nasabi ko na madali lang na trabaho kasi yun ang palagi kong nakikita araw araw nung bata pa ako. Kasi nga di ba, palaging nasa paaralan lang tayo.
Noong tumuntong ako sa high school, doon ko nakita na di madali maging guro. Marami silang ginagawa na kung ano ano para sa mga mag-aaral. Kaya sabi ko, ayoko maging guro kasi mahirap lalo na't karamihan sa mga mag-aaral ay di na nakikinig sa kanilang guro. Pero noong nakapagtapos na ako sa high school, di ko pa alam kung anong kursong aking kukunin. Nahinto ako ng tatlong taon dahila walang maipanggastos ang magulang ko sa pag-aaral sa kolehiyo. Naghintay ako ng tatlong taon hanggang sinabi ng Papa ko na mag-aral ako pero yun nga lang "Education" ang gusto nilang kunin ko dahil yun lang ang kayang tustusan ng magulang ko. Dahil walang regular na trabaho ang aking Papa, wala akong magawa.
Noong nasa kolehiyo na ako, lalo kong napagtanto na mahirap maging guro. Ang daming gawain at proyekto. Mararanasan mo ang palaging kulang sa tulog dahil sa kagagawa ng mga learning materials at para sa demonstasyon. Meron pang mga gawaing portfolio sa lahat ng subject. Magre-report sa harap ng kaklase at may oral-recitation pa. Meron pang demonstration sa P.E lalo na yung sa sayaw, nako yan ang pinaka-ayaw ko sa lahat. Ang pagsasayaw dahil alam kong sing tigas ng tuod ang katawan ko at para akong bulate na naputulan ng buntot pagsumayaw. Noong mga panahon ng Pratice Teaching, doon ko lalong napagtanto na di madali maging guro. Buong linggong walang tulog dahil sa paggawa ng mga learning materials para sa bata at lesson plan. Pero nung grumaduate na, lahat ng pagod at paghihirap na pinagdaanan, lahat ay worth it. Yung magutom gutom ka dahil kulang ang allowance mo, yung sabay-sabay ang bayarin sa school at di mo alam paano sabihin sa magulang mo. Yung mga panahon na lumalapit ka sa mga kaibigan at kaklase para manghiram ng pera pambayad dahil wala ka, lahat ng yun ay worth it na ginawa ko para lang makatapos. Mula ng pumasok ako sa kolehiyo, pakiramdam ko naging makapal ang kukha ko kasi natuto akong manghiram ng pera sa taong di ko kaanu-ano. Pero lahat ng yun nalampasan ko. Noong araw ng graduation, nakita ko kung gaano kasaya ang mga magulang ko. Natupad ko ang pangarap nila na magkaroon ng isang anak na guro.
Pagkatapos ng graduation, akala ko magiging okay na ang lahat. Akala ko lang pala. Kasi iyun na pala ang simula ng pakikipagsapalaran ko. Hindi madali ang magsaayos ng mga kakailanganin para sa board exam. Kailangan mong kompletuhin ang mga kakailanganin gaya ng TOR, Cedula, I.d Picture at marami pang iba. Mahirap dahil magastos ang paglakad ng mga iyon para makapag-exam. Hindi ko naranasan ang mag-review sa isang review center. Halos lahat ng aking kaklase sa kolehiyo ay nagrereview sa isang kilalang review center ngunit ako'y hindi sapagkat nahihiya na akong humingi sa aking mga magulang. Kaya ang aking ginawa'y mag-aral ng sarili lamang. Nanghihiram ng review materials at kung kaya'y nag ba-browse sa internet.
Sa araw ng board exam, di mawari kung ano ang mararamdaman. Subrang kaba sa takot na baka bumagsak. Pero sinabi ko sa sarili ko na kaya ko at maipapasa ko ang exam. Marami sa aking mga kaibigan ang nag deactivate ng Facebook account nubg malapit na ang resulta ng board exam. Pero ako, hindi ko ginawa pero hindi na rin ako sumisilip sa aking facebook account. Pero sa awa ng Diyos, nakapasa ako. Subrang pasasalamat ko sa Panginoon at dininig nya nga panalabgin ko at ng aking mga magulang. Nakita ko ang pag-asa sa kanilang mga mata.
Ngayon naman ay nag-aapply ako sa posisyon na Teacher 1. Hindi madali pagkat marami akong kakompetensya. Marami din kailangan na isaayos. Mga papeles na kailangan tipunin para ipasa. May Demonstration Teaching pa at interview. Kailangan ko pang mag take ng EPT. Pero lahat kakayanin para sa magulang at pamilya.
Hindi madali maging guro pero gusto kong maging isang huwarang guro. Lagi kong panalangin na sana'y maabot ko ito hindi para sa'kin kundi para sa pamilya at aking magulang.
Hindi madali ang mga nararanasan ng mga guro. Kaya wag e la-lang dahil hindi nyo alam ang lahat ng kanilang pinagdaanan. Ako po ito, Teacher "LANG". Pero kayang humanap ng paraan para sa magulang.
Mabuhay ang lahat ng guro.
Cover image from Unsplash
https://unsplash.com/photos/TXxiFuQLBKQ
Yehey! Magaling magaling magaling ang pananagalog natin! Kumusta naman po ang pagsusulat gamit ang ating wika? More like this! Applause!