Soulmate I

3 34
Avatar for spirited_awaaay
3 years ago

Paano mo nga ba malalaman kung siya na ba talaga ang para sa'yo?

Hindi ka ba nagtataka na sa dinami daming tao sa mundo, ilang porsyento kaya ang tyansa na makilala mo yung taong masasabi mong para sa'yo talaga? Sa totoo lang, nakakatakot talaga magmahal. Masyadong kumplekado yung tipong akala mo pag nagmahal ka, siya na talaga pero hindi pa pala. Naalala ko nanaman tuloy yung dati. College ako noon, nakilala ko yung taong ito na itago nalang natin sa pangalang Carl. Hindi ko rin alam kung paano nga ba nagsimula ang kwento naming dalawa. Sa pagkakantanda ko, hindi naman kami close. Kahit na magkaklase kami ay hindi ko siya masyadong nakakausap. Medyo ilang ako sa kanya. Paano ba naman? Eh isa siya sa mga magagaling magsalita sa klase. Masasabi kong may katalinuhan rin ako pero mas lamang siya. Kaya medyo nahihiya ako sa presensya niya.

Kung mamalasin rin naman, palagi ko siyang nagiging kagrupo sa iba't ibang subjects namin. Kaya naman hindi ko maiwasang hindi siya makausap man lang. Naalala ko noong nakagrupo ko siya sa Wika. Ang final output namin doon ay paggawa ng video na naglalaman ng tula. Kaya naman tuwing walang pasok ay kinakailangan naming magmeeting. Napagpasiyahan naming lahat na sa condo nalang ng isa naming kagrupo na malapit sa mall. Sa unang pagkikita ay naging maayos naman ang lahat. Nung uwian naman ay maayos akong nakauwi sa amin dahil hindi naman ganoon kalayo ito. Sa pangalawang pagkikita naman ay napagpasiyahan namin na sabay nalang kaming dalawa pumunta dahil hindi ko kabisado ang condo. Naiinis ako kapag naaalala ko iyon dahil pinaghintay niya ako ng isang oras sa mall. Nung uwian naman ay tatlo nalang kaming natira. Si Ashy na may ari nung condo, si Carl at ako. Naisipan naming kumain sa fastfood sa loob ng mall. Doon rin naman ang sakayan pauwi kaya doon palagi ang ending namin.

Katabi ko si Ashy habang katapat ko naman si Carl. Kami na sana ang mag oorder mang bigla niya kaming pinaupo dahil siya nalang daw ang mag oorder. Habang nakain kami ay nagkukwentuhan at hindi ko maiwasang mailang nang tanungin niya ako. Nagulat ako nang biglang mapunta sa akin ang usapan.

"Ikaw may boyfriend ka na?"

Napatigil ako nang bahagya at napangiti. Gusto kong matawa sa tanong niya. Akala niya siguro ay oo ang sagot ko dahil napangiti ako.

"Ah meron pala" wika niya

Tuluyan akong natawa sa kanya at sumagot na wala pa. Or should I say, never pa? May mga ilang tanong pa siya tungkol sa akin. Ilang saglit pa ay napagpasiyahan na namin umuwi.

Nagpaalam na si Ashy sa amin at bumalik na sa condo niya. Naiwan kaming dalawa ni Carl na nakatayo sa labas ng mall. Hindi ko alam kung paano uuwi dahil mahaba na ang pilahan ng jeepney sa terminal. Dito naman sa labas ay walang jeepney na dumadaan, medyo traffic na rin kasi dahil mag aalas syete na ng gabi. Magpapaalam na sana ako sa kanya nang bigla niya akong tanungin.

"San tayo? Sa jeep o maglalakad?"

"ha? ikaw. Sige na mauna kana" wika ko dahil magkaiba naman talaga kami ng daan pauwi.

"Samahan na nga kita. Ikaw ano magjejeep o lakad?" pag uulit niya

Ilang saglit akong napaisip. Ayoko naman pumila sa terminal. Ang haba kaya. Nakakahiya sa kanya kung sasamahan niya pa ako pumila kung pwede naman siyang maunang umuwi. Kaya naman napagpasiyahan ko na maglakad nalang pauwi. Yun nga lang, hindi ko alam ang daan kung maglalakad ako.

"maglalakad nalang ako, sige na mauna kana" wika ko

"alam mo  yung daan?  May alam akong shortcut malapit sa inyo" tugon niya

"uhm hindi pero-"

"tara na, sure ka lakad?"

"hmm okay sige tara na" sagot ko sabay lakad

Sinamahan niya ako maglakad pauwi sa amin. Nag uusap kami habang naglalakad. Medyo madaldal kasi talaga si Carl kahit sinong makausap niya. Walang oras na hindi siya nagsalita, andaming tanong ng kung ano ano kaya naman walang silent moments sa kanya. Nag uusap kami nang mapadaan kami sa isang international school.

"Ang laki ng field grabe gusto ko ganyan kalaki bahay ko" wika ko

"Ako simple lang kahit mga 3rd floor okay na sa sakin tapos may rooftop" aniya

"Gustong malaking bahay tapos maraming secret doors ang cool kasi haha" wika ko habang naiimagine ang lahat

"tapos nasa gitna ung bahay mo sasakay pa bago makarating noh haha"

"may service! haha para astig" nakangiting sabi ko

"ay wow ang yaman haha" aniya

"syempre naman mangangarap ka na nga lang eh"

Medyo nakakatakot ang daan dahil walang katao tao. Naisip ko kung ako mag isang naglakad ay medyo nakakatakot nga. Puro sasakyan lang kasi at madilim pa dahil walang masyadong poste. Hindi ko rin kabisado ang shortcut kaya naman siya ang nangunguna sa daan. Naglalakad kami sa palikong daan, walang masyadong sasakyan pero nagulat ako ng bigla siyang lumipat sa kabilang banda ko. Nasa may bandang daanan kasi ako naglalakad kaya nagulat ako nang lumipat siya sa kabila ko.

"ha bakit?" tanong ko

"wala kasi ano baka may biglang dumaan eh" aniya

"ahh oo nga, medyo nakakatakot rin dito ang tahimik eh" sagot ko

Ilang minuto pa kaming naglakad, medyo hinihingal na ako dahil mahaba haba na rin ang nalakad namin. Hindi ko alam pero ang cute lang niya dahil panay ang tanong niya sa akin kung pagod na ba ako maglakad. Mas nahihiya tuloy ako sa kanya dahil nadamay pa siya sa trip ko.

"ano pagod ka na ba? kaya pa?"

"Kapagod pala maglakad ang layo" sagot ko habang hinihingal

"pahinga muna tayo o ano? buhatin na ba kita?" tanong sabay tingin sa akin

"okay lang haha tara na dali" tugon ko sabay iwas tingin

Medyo malayo na ang nilakad namin kahit binabaybay namin ang shortcut. Medyo may duda pa ako sa kanya kung alam niya ba talaga ang daan ng shortcut.

"sigurado ka bang alam mo yung shortcut? parang mali naman ata dinadaanan natin eh" paninigurado ko sa kanya

"ah eh ano kasi matagal na kong hindi nadayo banda rito kaya nalimot ko na" wika niya sabay kamot sa batok

"Lulusot ka pa ha di mo naman talaga alam yung shortcut eh" pang aasar ko sa kanya

"Uy hindi ah, alam ko naman talaga malapit na nga tayo eh. San ba bahay niyo?" pagdadahilan niya sa akin

Trip ko siyang asarin sa mga oras na iyon kaya naman tuwing may makikita akong bahay ay kunwaring lalapit ako at sasabihing iyon na ang bahay namin. Agad naman siyang naniniwala kaya naman tawang tawa ako.

Ilang saglit pa ay malapit na kaming makarating sa bahay ko. Natauhan ako na medyo napalayo nga siya dahil sinamahan niya ako sa paglalakad. Medyo nahiya tuloy ako at nailang sa kanya. Kaagad naman niyang napansin ang pagtahimik ko. Kaya naman tinanong niya ako kung ayos lang ba ako. Nagulat ako nang ilapit niya ang kamay niya sa puso ko. Sobrang bilis ng tibok nito at hindi ko mawari kung dahil ba pagod ako sa kakalakad o dahil kasama ko siya ngayon.

"Sigurado ka bang okay ka lang talaga?" tanong niya sa akin

"Okay lang haha malapit na tayo" naiilang kong sagot sa kanya

Sa mga oras na iyon ay naconscious ako sa itsura ko. Sobrang pawis na pawis ako at alam ko na ang haggard ko nang tingnan. Nakakahiya sa kanya kahit na pareho lang naman kaming dalawang tumatagaktak ang mga pawis. Medyo kabado rin ako dahil baka makita kaming dalawang magkasama ng mama ko at tiyak na tatanungin ako pag nagkataon. Kaya naman pinapauna ko na siyang sumakay na jeep dahil ayoko nang ipaabot pa sa tapat ng bahay namin.

"uhm ano Carl pwede ka ng sumakay ng jeep diyan. Andoon na yung bahay namin-"

"Hindi, okay lang hatid na kita"  walang pag aalinlangan niyang sagot

Wala na akong nagawa ako at sobrang kabado ko sa pagkakataong iyon. Nang makarating kami sa tapat ng eskinita ay nagpaalam na ako sa kanya. Nasa dulo ang bahay namin at kaya ko naman mag isa. Akmang lalakad na ako papasok nang bigla akong humarap sa kanya para magpasalamat.

"uhm...thank you. Thank you pala" nahihiyang sabi ko sa kanya

"wala yon, sige na" aniya habang nakangiti

Dahan dahan akong tumalikod at nagsimulang maglakad. Hindi ko maiwasang mapangiti. Rinig ko ang pagsigaw niya na may kasamang pang aasar. Napalingon ako at nakita siyang nakatingin sa akin na may halong ngiti. Para bang hinihintay niya akong makapasok sa gate bago siya tuluyang sumakay ng jeep. Nang makarating ako sa may gate ay nakita kong pasakay na siya ng jeep.

Pagkapasok ko sa loob ay nanonood ng palabas ang mama ko kasama ang mga kapatid, tita at pinsan ko. Wow ano kayang meron? Akala ko pa man din ay hinahanap na ako ni mama. Medyo naaaliw sila sa panonood at hindi niya namalayan na kakauwi ko lang.

Sobrang pagod ako sa paglalakad at alam kong ganoon rin si Carl. Nagdadalawang isip pa ako kung dapat ko ba siyang ichat para magpasalamat ngunit medyo nahihiya pa ako. Makikita ko naman siya bukas dahil may klase kami. Teka makikita ko siya?! Hindi ko ata siya kayang harapin. Wala akong lakas ng loob para makita siya. Masyadong fresh pa sa aking isip ang nangyari kanina.

Kinabukasan ay maaga akong pumasok pero ang ending ay muntik nanaman akong malate. Pagkapasok sa loob ay medyo kinakabahan pa ako dahil baka makita ko siya. Nagtaka ako dahil hindi ko mahagilap ang kanyang mukha. Absent? Natapos ang unang subject ngunit hindi ko siya nakita. Sa sumunod na subject ay laking gulat ko ng makitang papasok siya sa loob ng klase.

Wtf andiyan na siya. Para bang gusto kong magtago sa sulok. Hindi ko siya tinignan, ayokong makita ang pagmumukha niya. Nakakailang! Hindi ko siya nililingon buong klase ngunit ramdam ko ang presensiya niya. Alam kong napapatingin siya sa akin. Nagpatay malisya ako sa abot ng aking makakaya. Pagkatapos ng pangalawang subject ay lunch break na. Ang pinakakinaiinisan ko.

Habang nasa cafeteria kami at nakaupo ay biglang nagsidatingan slang mga lalaki naming kaklase...kasama siya. Nung nagkatinginan kami ay agad akong umiwas ng tingin. Teka bakit ba ako naiilang? Nauna na akong kumain at pilit na tinatapos ito nang mabilis. Nakita kong bumili siya sa caf kaya medyo natagalan ang balik niya. Pagkadating niya ay umupo siya sa tapat ko. Andami namang pwesto sa tapat ko pa talaga huh.

Kumakain ako na para bang wala lang. Tamang aktong normal sa harap niya at humihiling na sana ay huwag niyang mabanggit ang nangyari kahapon. Kasabay naming kumain ang kalahati ng klase at tiyak na aasarin kami pag nagkataon. Ngunit dahil madaldal ang bibig ni Carl ay walang ano ano'y nagsalita siya.

"Oy Maya, kamusta paa mo? Lakad pa Maya." nangingiting sabi niya habang nakain

Napatingin silang lahat sa akin. Tinanong siya ng katabi niya na kaklase rin namin.

"Bakit boi ano meron?"

"kahapon kasi naglakad kami" aniya

"naglakad kayo?"

"oo lakad kami papuntang bahay niya haha" pagmamalaki niya sa mga kaklase ko

Gusto kong maglaho sa mga oras na iyon. Bakit ba kasi kailangan niyang ungkatin ang nangyari kahapon? Nakakainis. Ang bigat ng bawat paglunok ko. Kita ko ang mga nang aasar na tingin nila sa amin. Habang tinitignan ko siya ay parang wala lang ito sa kanya. Mas lalo akong nainis dahil kinuwento pa talaga niya sa lahat.

"wow sana all hinatid"

"hinatid mo pala boi eh"

Rinig ko ang mapang asar nilang mga linya. Nagpatay malisya nalang ako sa lahat. Pagtapos namin kumain ay naisipan naming umakyat na para sa susunod na klase.

Makalipas ang ilang buwan, palagi kaming nagkakasabay pag uwi. Hindi ko alam kung sinasadya niya ba iyon dahil palagi niya kaming hinahabol pag uwian. Ang bilis kasi namin ni Rica kung maglakad kaya naman palagi kaming nauuna. Kaya kapag natatapos ang klase ay palagi niyang sinasabi kay Rica na makikisabay sila ni Theo samin.

"Rica! Sasabay kami ni Theo sa inyo ah washroom lang kami" rinig kong sabi niya

Nasa labas kami ng washroom ng boys at hinihintay sila. Nang makalabas sila ay nagkatinginan kami. Napaiwas ako at nagsimulang maglakad.

"ang bilis niyo talaga maglakad eh noh, minsan tuloy hindi namin kayo maabutan kaya hindi kami makasabay" aniya

Tahimik lang ako at hindi nagsasalita. Ayokong kausapin siya. Nahihiya ako sa ginawa niya kanina. Napansin niyang hindi ako masyadong nagsasalita kaya naman sumabay siya sa paglalakad ko. Napatingin ako sa kanya.

"Tahimik mo talaga. Kamusta paa mo? Hindi ba sumakit paa mo kahapon?" panimula niya

"medyo haha pero okay lang naman"  simpleng tugon ko

Nag aantay kami ng masasakyan ngynit ang hirap talaga makasakay. Rush hour na rin kasi at talagang punuan ang mga jeep. Nagdesisyon kaming magbus nalang. Ilang saglit pa kaming naghintay at nakasakay na rin kami ng bus.

Pinauna niya ako akong makasakay. Yun nga lang, standing ovation rin sa bus. Medyo nahihirapan akong magbalanse dahil sa gilid lang ako nakahawak at ang bigat ng bag ko sa harap. Mabilis rin ang andar ng bus kaya naman napapatumba ako ng konti. Nagulat ako dahil nasa likod ko pala siya. Hinawakan niya ang balikat ko para hindi ako matumba. Dahil doon ay bumilis ang tibok ng puso ko. Nakaramdam ako ng init. Bukas naman yung aircon sa bus at malamig sa loob pero pinagpapawisan ako. Bigla siyang nagsalita at nagtanong.

"Uy okay ka lang? Akin na yung bag mo" aniya

"hindi ano..okay lang ako" sagot ko na may kasamang ngiti

Medyo matagal ang byahe dahil traffic. Sa edsa dumadaan ang bus kaya naman traffic talaga kapag ganitong oras. Hay, ano pa nga ba. Pero bakit parang ang bilis ng byahe? Malapit na agad kaming bumaba.

Nang makababa kami ay kanya kanyang babye na sa isa't isa. Si Rica at Theo ay pareho lang ang daan pauwi. Si Carl naman dito lang din banda konting lakad at ayun na. Samantalang ako, sasakay pa ako ng isang jeep bago makarating sa amin. Nagpaalam na ako sa kanila. Si Carl nalang ang kasabay kong maglakad ngayon. Medyo may ilang pero pilit kong sinasantabi. Papunta na akong terminal ngunit nagtataka ako dahil kasama ko pa rin siya maglakad.

"dito ka rin?" tanong ko sa kanya

"hindi, hatid na kita sa terminal" aniya

"baliw, okay lang ayan lang oh" sabi ko sbaay turo sa pilahan

"sabi ko nga" tugon niya sabay kamot sa batok

Napatawa ako nang bahagya. Balak pa akong ihatid ha. Hay nako.

"sige babye" wika ko sabay kaway sa kanya

"sige, ingat ka ah" tugon niya

Napatango nalang ako at tuluyang naglakad sa terminal. Napangiti ako ng palihim. Medyo kumakabog rin ang dibdib ko. Habang nakapila ay napapangiti pa rin ako. Ano ka ba Maya nababaliw kana ba?

Ilang buwan ang lumipas ay ganun pa rin ang setup namin. Tuwing uwian ay sabay kaming umuuwi at hinahatid niya ako palagi sa terminal. Nakakasanayan ko na siya. Hindi ko maiwasang hindi maisip, hanggang kailan kaya?

Lumipas ang ilang buwan ay ganoon pa rin ang set up naming dalawa. Minsan nga lang hindi kami nagkakasabay dahil hindi parehas ang schedule ng uwian namin. Tuwing vacant or lunch break ay palagi niya akong pinupuntahan. Minsan ay nagugulat nalang ako kapag bigla siyang uupo sa tabi ko. Sa mga pagkakataon na iyon, sobrang bilis ng tibok ng puso ko. Medyo nakakailang kapag ginagawa niya iyon dahil kasama ko ang ibang mga kaklase ko at iba ang tingin nila sa akin na para bang nang aasar. Palagi niya iyong ginagawa kaya naman oatay malisya nalang ako habang kumakain kahit na panay ang tingin niya sa akin. Pagkatapos ng pangyayari na iyon ay madalas ko nang bilisan ang pagkain ng lunch para hindi ko siya maabutan.

Oo umiiwas na ako. Hindi ko na rin siya madalas makausap sa chat dahil hindi ako palaging nagrereply sa kanya. Hangga't maaari ay ayokong lumalim pa ang nararamdaman ko. Alam ko naman kasing walang patutunguhan ito. Bukod don ay hindi pa ako pwedeng magkalovelife. Medyo nakakalungkot ngang isipin. Hindi pa talaga ito ang tamang oras.

Dahil sa pag iwas ko ay hindi ko na siya palaging nakakasabay umuwi. Isang beses nakasabay ko siya ulit. Mag isa lang akong naglalakad dahil maagang umuwi si Rica. Maya maya ay narinig ko ang pagtawag sa pangalan ko. Napalingon ako at laking gulat ko nang makita ko siya. Patakbo siyang lumapit sa akin at hingal na hingal.

"Sa wakas, naabutan rin kita" wika niya

Napatitig nalang ako sa kanya. Aaminin ko medyo nakakamiss ang presensiya niya. Ilang linggo na ring hindi ko siya nakakausap o nakakasabay man lang.

Katulad ng dati ay hirap talagang makasakay ng jeep. Wala kaming ibang choice kundi ang magbus. Nakasakay kami ng bus at nakaupo kami sa pinakadulo nito. Nasa may bintana siya banda at katabi niya ako.

Medyo ang awkward sa pagitan namin. Ramdam ko ang pagkailang namin sa isa't isa. Isang oras nang hindi umuusad ang bus sa sobrang lala ng traffic. Kaya naman nakabagot talaga. Nakita ko siyang naglalaro sa phone niya kaya medyo tahimik siya. Palowbat na ako kaya naman hindi ko ginagalaw ang phone ko. Napatitig nalang ako sa nilalaro niya. Pinapanood ko siyang maglaro at ramdam ko ang paggalaw ng nga mata niya. Hindi na niya napigilang magsalita.

"uhm bakit?" panimula niya

"wala lang, nilalaro ko rin kasi yan eh" sagot ko habang nakatingin pa rin sa nilalaro niya

"ah ito?" aniya sabay lapit sa akin

Tumango nalang ako. Gulat ako nang biglang magtama ang mga mata namin sa isa't isa. Napatitig ako sa kanya at gayun din siya. Parang tumigil ang mundo, unti unting lumalapit ang mukha niya sa akin. Hindi ako makagalaw. Ayaw maputol ng pagtitig niya sa akin. Nakita kong napatitig siya sa labi ko. Napalunok ako at hindi ko alam ang gagawin ko. Hahalikan niya ba ako? Dito talaga sa loob ng bus? Natataranta na ako sa isip ko at hindi ko alam ang gagawin ko. Maya maya ay biglang umandar ang bus at napalingon ako sa unahan. Nakahinga ako ng maluwag. Hindi ako makatingin sa kanya.

Nagkaroon ng katahimikan sa pagitan naming dalawa. Buti nalang at malapit na kaming bumaba. Nang malapit na ay nauna siyang tumayo kaysa sa akin. Medyo mataas ang duling upuan kaya naman inilahad niya ang kaliwang kamay niya sa akin. Medyo natutumba kasi ako dahil umaandar pa rin ang bus. Nagdalawang isip pa ako pero tuluyan kong hinawakan ang kamay niya. Nagpasalamat ako sa kanya pagkababa namin.

Pagtapos ng pangyayari na iyon ay madalang ko na siyang makita. Kapag nagkakasalubong kami ay hindi niya na rin ako pinapansin. Mukhang nahalata niya rin ang pag iwas ko. Ewan ko ba pero may kirot sa puso ko. Medyo nalulungkot ako kapag hindi ko nakikita ang mukha niya sa buong araw. Ano ba tong nararamdaman ko. Ang gulo.

Nakasuot ako ng pe uniform ngayon at kakatapos lang namin mag pe. Lunch break na kaya naman nasa caf kami ng mga kaibigan ko. Niyaya ako ni Zoe bumili sa labas at sumama na rin ako dahil gusto kong bumili ng ice cream. Habang naglalakad kami ay nakasalubong namin si Carl kasama ang mga kaibigan niya. Hindi kami nagpansinan pero nakita ko ang pagtingin niya sa akin.

"Alam mo bang may crush sakin dati si Carl?" wika niya

"ha? talaga?" naguguluhang tanong ko

"oo crush ako non dati nung medyo bago pa lang pero hindi ko naman siya type" sagot niya

Naguguluhan ako. Hindi ko alam pero para akong nabingi sa nalaman ko. Medyo nalungkot ako. Pagtapos non ay nawalan ako ng gana. Ang alam ko lang gusto ko ng umuwi at magpahinga. Bagsak ang dalawang balikat ko, hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko.

Ilang araw ang lumipas at biglang nagchat si Carl sa akin. Kinamusta niya ako at simple lang din ang naging mga sagot ko. Sinabi niya sa akin na gusto niya akong kausapin sa personal kaya naman pumayag ako na kausapin siya kinabukasan.

Kinaumagahan maaga akong nakarating sa school. Bawal pa umakyat sa itaas kaya naman nakaupo sa lobby at nagpapalipas oras. Maya maya ay dumating siya. Lumapit siya sa akin at tumabi sa upuan. Nanatili akong tahimik hanggang sa magsalita siya.

"pwede ba tayong mag usap?" tanong niya

"nag uusap naman tayo ah" medyo sarkastikong tugon ko

"oo nga pero yung tayong dalawa lang sana" aniya

"okay sige mamayang uwian"  sagot ko at nagpaalam na sa kanya. Magrereview pa kasi ako kaya nagmamadali rin ako.

Uwian na at nakita ko siya sa labas ng pinto at nakasandal. Nang makita niya ako ay lumapit siya sa akin. Naglalakad kami pauwi at tahimik kami pareho. Kaming dalawa lang dahil may meeting rin si Rica kaya wala akong kasabay. Napahinto siya at nagsalita.

"gusto kita" aniya

"a-ano.." ang tangi kong nasagot

"gusto kita, gustong gusto kita" wika niya habang nakatingin ng diretso sa akin

Para akong nanghihina at nawalan ng lakas. Hindi ko alam ang isasagot ko. Natatakot ako.

"Hindi, hindi mo ako pwedeng gustuhin" sagot ko habang nakatingin sa kanya. Ramdam ko ang lungkot sa mga mata niya.

"alam ko, alam ko namang hindi pa pwede...gusto ko lang malaman mo na...gusto kita"

"bakit ako? iba nalang ang gustuhin mo" sagot ko sabay iwas tingin

"kung macocontrol ko ang sarili ko, ikaw pa rin ang gugustuhin ko"

Hindi na ako nakasagot pa. Ginulo niya ang buhok ko at nagsalita ulit.

"yun lang naman ang gusto kong sabihin, tara na" aniya sabay lakad

Hindi ko alam na ayun na rin pala ang huling kita ko sa kanya. After ng sembreak ay nalaman kong lumipat na siya ng ibang school. Sobrang lungkot ko nung mga araw na iyon. Hindi ko alam pero gabi gabi akong umiiyak. Ang labo mo naman eh. Bakit ganon?



To be continued...



Thanks for reading! Like and Subscribe
-spirited_awaaay

2
$ 1.82
$ 1.82 from @TheRandomRewarder
Avatar for spirited_awaaay
3 years ago

Comments

Kakabasa ko lng po... Medyo natagalan ka magupdate hehehe ano kya next chapter

$ 0.00
3 years ago

medyo haha busy po kasi sa school huhu kaya short story munaaa

$ 0.00
3 years ago

Opo hehhe ok lng yan..

$ 0.00
3 years ago