Pangarap na Gitara

0 18
Avatar for sheeran
3 years ago
Topics: Instrument, Dream

Saya! Ang salitang aking nadama nang aking nakuha pinapangarap na gitara. Saya, na hindi maikukumpara sa mga bagay na nakuha noong ako'y bata pa.

Gitara! Isang bagay na simula pa lamang ay gusto na. Gitara, na hindi makakamit kung hindi dahil sa mapagmahal na tita. Tama, nakuha ang pangarap na gitara dahil sa mabait na tita.

Photo form Unsplash

Gitara talaga ang bagay na bata pa lamang ay gusto ko nang makuha. Hindi kami mayaman, hindi rin naman mahirap. Basta hindi lamang talaga kaya pa ang bumili ng gitara dahil mas uunahin ang mga kailangan bago ang mga gusto.

Natatandaan ko noong bata pa ako, ibilinili ako ng aking inay ng maliit na gitara, tansi pa nga ang ginamit ng string. Yun bang laruan lamang, yung may iba't ibang kulay, may pula, may berde at may dilaw. Berde ang aking natanggap, tila ba'y tuwang tuwa sa simpleng bagay na natanggap. Pinaglaruan, nagstrum at nag enjoy. Hiniram pa nga ng pinsan na sya ding naging dahilan ng aming alitan. Akin na ngang pinahiram ngunit bakit naman pinutol ang string? Hindi ko alam kung gaano ang naging galit at iyak ko noong mga panahong iyon basta ang alam ko lamang ay galit na galit ako at gusto ko na lamang magpabili ng bago.

Dumaan pa ang ilang taon, maraming nabago sa mga gusto. Ang dating gustong mag maistra naging gusto na maging Inhenyero. Ang dating sumasayaw naging gusto na ay ang kumanta. Ngunit may isang hindi nagbago, ang dating gusto ng gitara ay nananatiling nangangarap na balang araw ay makakahawak at makatutugtog sa pinapangarap na gitara.

Nakatungtong na ng Sekondarya, pagkaraa'y nakakita ng gitara. Hawak ng kamag-aral at tila nagpuso ang mga mata. Talaga namang simula noon ay hindi na matutulog nang hindi nakakapagdasal sa Panginoon na ibigay na sa akin ang pinapangarap kong gitara. Grade 7 pa lamang ako nung nagsimula aking magdasal. Hindi ako tumigil.

Grade 8 nung unang beses na makahawak ng gitara. Sayang saya dahil sa unang pagkakataon ay nakatupa rin. Ngunit hindi napakali dahil may oras lamang ang paggamit, ang natutunan ko nga lamang ay intro ng my heart will go on. Ngunit hindi naging dahilan ang kawalan ng gitara upang ako'y matuto. Sa gabi pagkatapos ng mga takdang-aralin, sa youtube naman ang tambayan, hahanap ng tutorials, kukuhanin ang raketa at doon aaralin ang strumming, inaral ko na din ang mga chords at sa umaga naman pagpasok sa eskwelahan ay hihiram ng gitara at doon tutugtugin ang napag-aralan. Opo, sa raketa po ako nag-aaral noon, yung pang badminton. Tinatawanan pa nga ako ng mga kapatid ko dahil para daw akong baliw. Pero yun talaga ang gusto ko eh, kaya kahit wala pang gitara, mag-aaral ako.

Dumating ang Grade 9, mas lalo akong nahilig sa gitara at hindi na mapigilang manood ng madami pang tutorials. Nag birthday ako ng July at nagtanong ang tita, ano raw ang gusto ko. Nahihiya akong sabihin na gitara ang gusto dahil alam kong mahal ang gitara. Alam ng inay na yun ang gusto ko kaya siya ang nagsabi sa tita. Hindi ko kaagad nakuha ang gitara dahil inintay namin na makarating ang tita. July ang aking kaarawan at Oktubre pa ako nakabili ng gitara. Sa loob ng ilang buwan ay talagang hindi na makatulog nang maayos, hindi na makapaghintay.

At yun na nga dumating na ang araw na bibilhin na ang pangarap. Sabik na umalis at pumunta sa SM. Pagdating ng SM ay inilibot ang mata, nasaan ang bilihan ng gitara? Dumaan muna kami sa Jollibee ngunit ang aking isip ay hindi na mapakali, gitara, gitara, nasaan na ba? Matapos kumain ay may dinaanan pang iba, ano na? Sabik na sabik na.

Sa wakas nakita rin ang mga magagandang gitara. Talagang patakbo na, ayan na, gitara, gitara, aking nakita na. Agad na nagtanong kung magkano ang gitara, umaasa na sana'y mura. Pumili na nga ng gitara at yung pinakamura lamang muna, huwag abusuhin ang kabaitan ng tita. Dalawang gitara ang pinagpilian, isang ₱1300 at isang ₱3000. Aking napili ay yung mura ngunit sabi nila'y yung isa na daw dahil mas maganda. Ngunit ang gusto ko lamang talaga ay magkaroon ng gitara, walang pakialam kung mahal o mura, at isa pa, libre lamang naman kaya wag na maghangad ng mas mahal pa.

Yun na nga nahawakan na aking pinapangarap na gitara. Andito na, kapit na, at napatunog na. SAYA ang talagang aking nadama. Hindi maipaliwanag na saya. Pagkabili'y hindi na naisip mag-uli pa basta ang gusto'y makauwi na at makatugtog na. Habang nasa sasakyan ay hindi na makapaghintay talagang sabik na sabik na.

Ang aking pangarap na gitara hanggang ngayon ay nagagamit pa. Hinding-hindi hahayaan na masira ng ganon ganon na lamang dahil bago makuha ay taon din ang binilang. Salamat sa Panginoon na sa wakas ay tumugon.

Aking natutuhan...

Dahil sa pangarap na gitara, natutuhan ko ang maghintay kahit na napakatagal pa. Matagal man pero sulit ang paghihintay. Isa pa ay matuto dapat tayong magtiwala at maniwala sa Panginoon dahil sa tamang panahon ay ibibigay niya ang nararapat at ag hiling natin.

Mga kaibigan, hindi lahat ay nakukuha sa madalian, matuto tayong maghintay!

Aking tatapusin na ito sa isang pangarap muli. Aking Pangarap na Piano, nawa'y maisulat din sa dulo. Magsisikap na magsulat at mag-iipon upang piano ay mabili rin sa tamang panahon.

Sponsors of sheeran
empty
empty
empty

2
$ 0.00
Sponsors of sheeran
empty
empty
empty
Avatar for sheeran
3 years ago
Topics: Instrument, Dream

Comments