”Hindi ko piniling maging gan’to dahil kung noon pa lang alam ko na ang aking sasapitin, ang mabuhay pa ay hindi ko na nanaisin”
Iyak ng isang binatilyo’y pumainlalang sa gabing sagitsit ng ibon ang pumupuno sa katahimikan. Tumaktabo sa isang pilapil, naghahangad na ang buhay niya’y masagip at hindi makitil. Nanalangin, naninikluhod, nanaghoy “Panginoon ko… hindi ko ginustong maging gan’to pakiusap ako’y iligtas mo sa ama kong mapang-abuso”.
Hindi na bago sa lipunan ang karanasan ng isang baklang sinapit ang karahasan sa kamay ng itinuturing niyang magulang. Katulad na lamang sa pelikulang Petrang Kabayo kung saan ipinapakita ang masalimuot na kaganapan sa buhay kabataan ng pangunahing tauhan. Ilulublob sa drum ng tubig, pasang galing sa walang habas na pambubugbog at katotohanang hindi pagtanggap ng taong sana’y pinakaunang umuunawa. Baklang kinikwestyon ang mundo “Ano pong pagkakamali ko at kinamumuhian niyo ako… mga matang nandidiri at humuhusga lalo na sa mga matang pinupuno ng poot na galing sa aking ama”. Mga katagang “Hindi ka talaga titino”,”Ayusin mo ang galaw mo, LALAKI KA!”, “WALA AKONG ANAK NA BAKLA” mga katagang paulit ulit na naririnig sa mga pelikulang pinababatid ang katotohanan sa likod ng makulay na kasarian. Siya’y ikinadenang bahaghari.
Sa mundong may ginawang pamantayan at isa ang kasarian sa pinagbabasehan hindi maikakaila na ang pang-aabuso, diskriminasyon, pangungutya at marami pang iba ay talamak na kasong sinasapit ng mga taong nasa ikatlong kasarian partikular na ang mga bakla. Karanasang masalimuot dahil sa sariling ekspresyon, oryentasyon at identidad. Karahasang simula pa man sa tahanan ay kanya ng nararanasan pati na rin sa paaralan. Ayon nga Ryan Thoreson, “Ang mga estudyanteng LGBT sa Pilipinas ay kadalasang target ng pangungutya at pati karahasan”. Tinuturing Pilipinas bilang isang bansang tanggap ang iba’t ibang kasarian subalit karamihan ay isinara ang kanilang makitid na pag-iisip sa katotohanang hindi lang dalawa ang kasariang umuukopa sa sangkatauhan. Ang Pilipinas rin ay puno ng iba’t ibang relihiyon kung kaya’t isa ito sa mga pumipigil upang tanggapin ng buo ng may respeto ang komunidad na kinabibilangan ng ikatlong kasarian. Paniniwalang dalawang kasarian lang ang nilikha ng diyos at iyon ay ang babae at lalaki.
Buksan ang isipan sa katotohanang dapat matagal ng naikintal. Imulat ang mga mata sa reyalidad na ang kasarian ay hindi lang dalawa. Itigil ang diskriminasyon, pang-aabuso, pangungutya at pagkamuhi sa mga baklang hangad lamang ay ang respeto’t pagtanggap. Itama ang baluktot na paniniwala. Putulin ang kadenang gumapagos sa bahaghari.
“Ama, hindi ko piniling maging gan’to kaparehong sitwasyon sa hindi mo pagpili sa iyong kasarian.”