Isa sa pinakamahirap na yugto sa buhay ng isang babae ay ang pagbubuntis at pag-aalaga sa kanyang sanggol. Ang pagkakaroon ng sanggol ay magdudulot ng malaking pagbabago sa iyong nakaugalian. Ang pagbabagong ito ang magbibigay ng panibagong simula at dereksyon sa iyong buhay. Maaring hindi maging madali ang pag-aalaga sa sanggol lalo kung unang panganganak pa lamang. Mas mainam na humingi ng tulong sa iyong nanay upang magkaroon ka ng ideya sa pag-aalaga ng sanggol.
Narito ang ilang mga paalala at hakbang kung paano dapat pangalagaan ang sanggol.
1) Pagpapasuso sa sanggol. Ang gatas ng ina ang pinakamasustansya gatas na hindi kailanman kayang higitan ng mga mamahaling milk formula. Maaring sa mga unang araw ng pagpapasuso ay kaunti pa lamang ang gatas na lumalabas ngunit kalaunan ay dadami din ito lalo na kapag madalas na ang papapasuso sa sanggol. Padedehin ang sanggol tuwing ika dalawa o tatlong oras, maaring tumagal ng sampu hanggang labinlimang minuto ang pagdede ng sanggol. Huwag hayaang matulog ng matulog ang sanggol lalo na kapag oras na ng pagpapasuso. Gisingin ito upang dumede. Pag-aralan at alamin ang tama at komportableng posisyon kapag magpapasuso.
2) Paliguan ang sanggol araw-araw. Gamitan ng mild soap at shampoo lamang. Iwasan ang may mga matatapang na amoy na gagamitin sa katawan ng sanggol.
*Dito sa Pilipinas ay may mga nanay na pinapaliguan ang kanilang anak ng dalawa hanggang tatlong beses sa isang araw lalo na kapag mainit ang panahon. *May ilan din mga nanay na naniniwala sa mga pamahiin. Hindi nila pinapaliguan ang sanggol araw-araw lalo na kapag martes at biyernes. Ito ay karaniwang maririnig mo sa mga lugar kung saan liblib at malayo pa sa kabihasnan.
3) Paarawan ang sanggol araw-araw. Ang pagpaaraw sa sanggol ay karaniwang ginagawa dito sa Pilipinas sa pagitan ng 6-7 am. Ginagawa ito upang magkaroon ng sapat na vitamin D ang sanggol at mabawasan ang kanyang paninilaw kung siya ay may sakit na "infant jaundice".
4) Linisin ang pusod ng sanggol gamit ang 70% alcohol tatlo hanggang anim na beses sa isang araw. Iwasang mabasa ang pusod ng sanggol na hindi pa naghihilom. Kung sakali na magkaroon ng kakaibang amoy at pagdurugo ang pusod ay agad dalhin sa malapit na pagamutan upang mabigyan ng sapat na lunas ng doktor.
5) Palitan ang diaper ng sanggol kada ikalawa o ikatlong oras. Ihanda muna ang mga gagamitin sa sanggol bago ito palitan. Mas madalas na dumumi ang sanggol sa unang buwan. Unahin linisin ang harapan ng iyong sanggol papunta sa harap. Ito ay para maiwasan na magkaroon siya ng uti.
6) Panatilihin ang kalinisan sa iyong bahay at kapaligiran. Isa sa pangunahing pangangailangan ng sanggol ay magkaroon ng malinis at tahimik na lugar. Ang sanggol ay sensitive ang balat kung kayat kinakailangan nya ng lugar kung saan malayo sa usok at alikabok na maaaring magdulot sa kanya ng karamdaman. Siguraduhin na ang lugar na kanyang pupwestuhan ay hindi sya madadapuan o malalapitan ng kahit anong uri ng insekto o hayop katulad ng lamok at langgam na karaniwang makikita lamang sa paligid.
Siguraduhin na malinis ang iyong kamay o ng kahit sinong kasama sa bahay bago humawak o lumapit sa sanggol.
Kung may kasama sa bahay na naninigarilyo pakiusapan na kung maaari ay lumayo kapag maninigarilyo at huwag lalapit sa sanggol dahil ang usok ng sigarilyo ay makakasama sa kalusugan ng sanggol na maaaring magdulot ng pneumonia at asthma.
Siguraduhin na walang gamit na maaaring malaglag sa sanggol.
Ayusin at labhang mabuti ang mga damit at lampin o pamunas ng sanggol at huwag na munang gamitan ng fabric conditioner.
7) Huwag pahiran ang sanggol ng baby oil o kahit anong uri ng pamahid dahil sensitive ang balat ng sanggol. Maaring magdulot ito ng iritasyon sa balat. Huwag din munang gamitan ng baby powder dahil maaari itong pagmulan ng hika. Iwasan din gumamit ng matapang na pabango sa sanggol.
8) Panatilihing malinis ang sanggol. Maliban sa pagpapaligo araw-araw kailangan din ang mga sumusunod:
Paglinis ng tainga, mata, ilong, bibig at dila.
Paggupit ng mga kuko sa paa at kamay.
9) Regular na check-up at pagpapabakuna sa sanggol. Mahalaga na matingnan ng espesyalista ang sanggol upang masiguro ang kalusugan nito. Ipasuri ang sanggol sa pamamagitan ng newborn screening test upang malaman kung may sakit sya para maagapan at mabigyan agad ng lunas bago pa ito lumala. Ang hearing test ay mahalaga rin upang malaman kung nakakarinog sya ng maayos. Ang bakuna katulad ng BCG, hepa B vaccine , pentavalent vaccine, oral polio at MMR ay huwag ipagsawalang bahala dahil mahalaga ito bilang proteksyon ng sanggol sa kanyang paglaki at upang maiwasan ang mga posibilidad na pagkahawa sa sakit. Bigyan lamang ng vitamins ang sanggol kung kinakailangan.
10) Tingnan mabuti ang sanggol. Kapag siya ay umiiyak tingnan ang lahat ng parte ng kanyang katawan lalo na ang kanyang likod na maaaring siya ay kinagat ng insekto o langgam. Pag-aralan din ang kanyang pag-iyak, maaring hudyat ito na siya ay nagugutom at hindi na komportable sa kanyang diaper lalo na kapag puno na ito.
11) Bigyan ng masahe ang sanggol. Makakatulong ito upang marelax ang katawan ng sanggol at lumakas ang kanyang mga buto at kasukasuan.
Hindi madali ang pag-aalaga ng sanggol ngunit magiging magaan ito kung ang ama at ina ng sanggol ay magtutulungan sa pag-aalaga at pagbabantay. Mahalagang nakakain ang ina ng masusustansyang pagkain at may sabaw upang mas lalong dumami ang kanyang gatas. Suportahan sya sa pagpapasuso dahil ito ay hindi magiging madali sa kanya lalo na kapag siya ay puyat at kulang sa tulog lalo na sa unang tatlong buwan ng sanggol. Mainam din kung mayroong magtuturo saiyo na may sapat na karanasan sa pag-aalaga ng sanggol. Huwag mag-aatubili na makipag-ugnayan sa mga kasama sa bahay lalo na kapag may napapansin na kakaiba sa sanggol. Maging maingat din sa mga bagay na gagamitin sa sanggol suriing mabuti ang mga bagay na hindi angkop sa kanyang balat. Makakatulong din ang pagpapatingin sa pedia upang malaman mo ang mga bawal at dapat ibigay na lunas sa sanggol kapag siya ay may karamdaman. Huwag makinig sa mga sabi-sabi o haka-haka lamang dahil maaari itong ikapahamak ng iyong sanggol.
Ang mga nabanggit sa itaas ay ilan lamang sa mga paalala upang mapangalagaan ng maayos ang iyong sanggol ngunit sa bandang huli ikaw pa din ang masusunod sa iyong pamamaraan ng pag-aalaga, pagbabantay at pagpapalaki sa sanggol.
Baby care, enjoyment for both the baby and the parents. While bathing a newborn, many mothers, especially those who gave birth for the first time, are also afraid of the fontanelle, a soft place on the baby's head that pulsates.