Mga negatibong epekto ng pandemya(Covid-19)
Kung iyong mapapansin ang aking nakaraang artikulo ay tungkol sa positibong epekto ng pandemya kung kaya't naisipan ko rin na gawin at ilathala ang mga negatibong epekto nito sa mundo at sa buhay ng mga tao. Hindi ko lubos akalain na ang isang salot na noon ay nababasa ko lamang sa mga libro at mga pahayagan at napapanood sa tv o napapakinggan sa radio ay mararanasan din natin sa kasalukuyan. Isa-isahin natin alamin ang mga negatibong epekto ng pandemya at tunghayan ang mga sumusunod na pahayag.
1) Pagbagsak ng ekonomiya
Dahil sa pagpapatupad ng lockdown maraming tao ang nawalan ng hanap-buhay. Nagsara ang mga malalaking kompanya at pabrika na pinanggagalingan ng kita ng bansa. Pati na rin ang turismo na nagbibigay ng malaking pondo sa bansa ay labis na apektado ng pandemyang ito. Ang pagpapalitan ng produkto ng mga iba't-ibang bansa ay limitado kung kaya't unti-unting naapektuhan ang ekonomiya ng bawat bansa.
2) Maraming nawalan ng trabaho at hanap-buhay
Limitado ang pinapayagang lumabas upang makontrol ang pagkalat ng virus ngunit labis na naapektuhan ang mga tao lalo na ang mga mahihirap. Dahil sa pagsara ng ilang mga kompanya at pabrika upang makasunod sa ipinatupad na health protocol marami ang nawalan ng trabaho at hanap-buhay. Isa ito sa mga dahilan kung bakit may mangilan ngilan pa din na lumalabas ng bahay kahit ipinagbabawal dahil kung aasa lamang sila sa bigay ng lokal na pamahalaan ay magugutom ang kanilang pamilya at lalo lang silang magkakasakit.
3) Nagdulot ng labis na pagka-takot at pangamba sa mga tao
Ang sakit na covid-19 ay nagdulot ng labis na pangamba sa mga tao dahil sa ito ay mabilis makahawa at delikado. Marami din ang naiulat na namatay dahil sa sakit na ito kung kayat lalo pang nangamba ang mga mamamayan.
Ang sakit na covid-19 ay nakakamatay lalo na kung hindi agad maagapan at magagamot ng maayos sa ospital. Nagdulot din ito ng labis na pagkabahala sa mga tao dahil walang sinuman ang gugustuhin na mawalan ng mahal sa buhay dahil sa sakit na covid-19.
4) Pagkakaroon ng mental health issue mapa-bata man o matanda
Ang labis na pagkabalisa o anxiety at pagkakaroon ng depression ay mga dahilan ng pagkalat ng sakit na covid-19. Dahil sa limitado ang galaw ng mga tao dahil sa sakit na nakakahawa malaki ang epekto nito sa araw-araw na gawain ng mga tao. Marami na ang bawal at hindi dapat gawin. Hindi ka maaaring lumabas ng walang facemask at faceshield. Hindi biro ang pagsusuot ng facemask at faceshield lalo na kung matagal na panahon.
Dahil sa pagkawala ng trabaho ng ilang mga mamamayan ay nababahala sila sa mga gastusin at bayarin araw-araw. Namomroblema ang mga magulang kung saan kukuha ng pagkain at pera para matustusan ang mga pangangailangan ng buong pamilya araw-araw. Kulang na kulang ang ayuda o financial assistance na ibinibigay ng lokal na pamahalaan sa mga tao lalo na dito sa Pilipinas dahil sa mahal ng mga bilihin.
Ang mga kabataan ay nahihirapan din mag-adjust sa biglaang pagbabago ng kapaligiran dahil sa pandemyang ito. Ang mga bata na wala pang muwang tungkol sa sakit na ito ay walang tigil sa pagtatabong kung kailan sila maaaring lumabas ng bahay upang mamasyal at maglaro.
Marami ang nakaranas ng depression dahil sa pagkalat ng sakit na ito. May mga naiulat ding nagpakamatay dahil hindi na kinaya ang mga pangyayari sa kanilang buhay at mga problemang kinaharap dahil na rin sa sobrang kahirapan na isa sa mga epekto ng pandemya sa buhay ng mga tao.
5) Pagkalat ng mga fake news
Bagamat mayroong inilalabas na opisyal na pahayag ang pamahalaan at ang WHO(World Health Organization) patungkol sa covid-19 ay hindi rin maiiwasan na marami ang nagkakalat ng fake news sa social media. May mga ilan ang napapaniwala sa mga kumakalat na maling impormasyon tungkol sa virus. Maling impormasyon kung paano ginagamot ang mga sintomas at kung saan at paano nagsimula ang covid-19.
Dahil dito hindi maiiwasan na magkaroon ng pagdududa ang taumbayan sa gobyerno, mga ospital at istasyon ng tv at radio dahil minsan ay magkaka-iba ang kanilang mga pahayag tungkol sa covid-19. Pabago-bago din ang kanilang mga desisyon kung paano nga ba mapipigilan ang pagkalat ng sakit.
6)Pagbabago sa larangan ng edukasyon
Malaking pagbabago ang dulot ng pandemya sa edukasyon kung saan nagkaroon ng opisyal na pag-uulat ang DepEd(Department of Education) na isasagawa ang modular class o virtual/online class upang patuloy pa rin ang pag-aaral ng mga kabataan kahit na may pandemya. Bagamat hindi madali ang uri ng pag-aaral ngayon ang mahalaga ay patuloy sa pag-aaral ang mga bata at hindi mahadlangan ng virus ang kanilang mga pangarap at maayos na edukasyon. Marami man ang nahihirapan sa sitwasyon ngayon naniniwala ang marami na babalik din sa normal ang lahat sa lalong madaling panahon.
7) Paghina ng pananampalataya at kawalan ng pag-asa
May ilan sa mga tao ang tila nawawalan na ng pag-asa na bumalik sa normal ang buhay. Humina at halos nawala na rin ang kanilang pananampalataya na mayroong Dios dahil sa mga nangyayari sa sanlibutan. Tila nagtatanong sa hangin na nasaan ang Dios sa mga panahon na sya ay kailangan na kailangan? Sa pagkawala ng miyembro sa kanilang pamilya na dulot ng virus ay kasabay nito ang pagkawala ng kanilang pag-asa na sila ay maliligtas.
8) Nahati ang paniniwala ukol sa virus( may naniniwala at hindi naniniwala)
Dahil sa paglaganap ng virus sa buong mundo naapektuhan ng labis ang pamumuhay ng mga tao pati na rin ang paniniwala kung mayroon nga ba talagang virus o ito ay gawa-gawa lamang ng may mga katungkulan sa gobyerno. Marami ang naniniwala na mayroong covid-19 lalo na ang mga pamilyang nakaranas mismo ng sakit na ito. Ngunit marami din naman ang hindi naniniwala lalo na sa mga nakaranas ng diskriminasyon sa ospital. Marami ang hindi tinatanggap sa ospital simula noong kumalat na ang virus. Kailangan ay mayroon kang maipakitang swabtest result bago ka mai-admit sa ospital.
Marami ang naniwala na ginawa lamang ang virus para pagkakitaan ang mga tao.Simpleng sipon at ubo lang sana ang sakit mo ngunit kapag magpapa-check up ka ang magiging resulta ay positive ka pala sa covid-19 dahil ang sipon at ubo ay ilan sa mga sintomas nito.
Dito sa Pilipinas ay mayroong kumalat na balita na pinapirma ng waiver ang pamilya ng namatayan kung saan nakasaad dito na covid-19 ang ikinamatay ng kanilang kaanak upang wala na silang bayaran sa ospital at mailabas nila ang katawan nito ng wala ng iniisip na bayarin. Dito na nagsimula na magkaroon ng magkaka-ibang paniniwala ang mga tao tungkol sa virus.
Hindi madali para sa ating lahat ang mga pangyayari nitong mga nagdaang taon dahil sa pandemya. Labis na naghirap ang mga mahihirap na mamamayan dahil sa pagkawala ng kanilang mga kabuhayan na minsan ay sinasabayan pa ng pagbaha at malakas na bagyo.
Isa lang naman ang hiling nating lahat na sana ay matapos na itong pandemya upang manumbalik ang sigla ng mga tao at bumalik sa normal na pamumuhay. Mag-iingat pa din tayong lahat kahit sabihin pa ng ilan na hindi totoo na may covid-19. Sabi nga nila "Prevention is better than cure" hindi lang naman covid ang mga sakit na posible nating makuha sa kapaligiran at sa ibang tao kaya dapat tayong mag-ingat kahit saan man tayo magpunta. At higit sa lahat tayo ay manalangin na tayo ay ingatan ng Dios sa lahat ng oras dahil kahit anong ingat natin sa ating mga sarili hindi natin masisiguro ang ating kaligtasan ng mag-isa.
Guilty ako sa maling paniniwala or hindi naniniwala sa virus nung una. Hehe. Pero kahit naman ganun eh nagmask pa din ako at face shield tapos nasunod sa mga patakaran. Nung may mga kakilala na ako na nagkarom ng COVID, ayun naniwala na ako at naiinis sa mga pasaway.