Katamaran
Ilang araw din ang lumipas na halos wala akong nagagawang gawaing bahay at pati mga extra income online ay napabayaan ko na. Hindi ko na nabubuksan ang mga paid survey site at app, maging ang mga play to earn ay nakalimutan ko na. Nakakapanghinayang isipin pero wala na akong magagawa sa mga lumipas at nasayang na oras na iyon. Susubukan ko na lamang ulit maging masipag bukas at sa mga susunod na araw.
Minsan dumadating sa punto na parang wala akong gana sa lahat ng bagay. Parang wala akong motivation or inspirations man lang kaya walang kabuhay-buhay. Parang nauubusan ako ng driving forces at reason para sipagin pero nanghihinayang din naman ako afterwards kasi alam kong marami akong nasayang na opportunity para kumita at gawin ang isang bagay. Hindi ko maiwasan ang katamaran, hindi ko alam kung bakit parang pagod na pagod ako. Minsan hindi ko maintindihan ang sarili ko, minsan kailangan ko pang hanapin ang mga reason kung bakit ganito or bakit ganyan ako. Kaya hindi ko masisisi ang ibang tao kung bakit hindi nila ako maintindihan kasi ganun din naman ako sa sarili ko minsan.
Sa sitwasyon ko ngayon hindi pwede ang tatamad-tamad dahil may mga bata na nakaasa sa akin. May lima akong anak na inaasikaso araw-araw. Papaliguan, papakainin, tuturuan at lilibangin. Sa dami nila nakakapagod talaga maghapon. Nakaka-stress mag-isip ng mga bagay at pangyayari pero kailangan kong labanan lalo na ang kalungkutan dahil may mga anak ako. Bawal magkasakit at bawal ang tamad! May mga bata na nakaasa sa akin kaya dapat matatag ako at masipag upang magawa ko ang mga bagay na dapat kong gawin para sa kanila. Ang dami din gawaing bahay na minsan hindi ko na nagagawa dahil sa katamaran. Minsan kasi may mga bagay na iniisip ko pa lang gawin pero nakakapagod na.
Minsan nanonood ako upang malibang pero hindi ko namamalayan na nauubos na ang oras ko dito at hindi ko na magawa ang mga gawaing bahay. Yung paglilibang na ginagawa ko ay nauuwi na sa kapabayaan dahil pati anak ko ay hindi ko na maasikaso ng maayos. May mga araw na sobrang pilit ang mga galaw ko, may ginagawa ako pero sapilitan lang dahil kailangan. Mabilis din akong magalit o mainis ngayon, napaka-sensitive ko, lagi ko tuloy napapagalitan ang mga bata.
Sana bumalik na yung dati na bukal sa kalooban ko lahat ng ginagawa ko. Mas masarap kumilos kapag gusto mo ang ginagawa mo.