Hindi lang saging ang may puso. Maging ang bansa natin, mayroon din!
Alam mo ba kung nasaan ito?
Dadalhin ko kayo sa isang probinsya sa Timog Luzon na tinaguriang “Heart of the Philippines”.
Ito ang Marinduque.
Bakit Tinawag Na “Heart Of The Philippines”?
Ang Marinduque ay isang maliit na probinsiya na sakop ng Region IV-B o MIMAROPA. Kasama nito ang MIndoro, ROmblon, at PAlawan.
Binansagan itong “Heart of the Philippines” dahil sa hugis puso nitong itsura.
Kung titingnan sa mapa, matatagpuan ito sa gitna ng ating bansa, kahalintulad kung nasaan ang ating puso.
Napapaligiran ng iba’t ibang anyo ng tubig ang probinsiya kaya’t dinadayo rito ang naggagandahang beach.
Gaano Kalaki Ang Puso Ng Pilipinas?
Nahahati lamang sa anim na bayan ang Marinduque. Ito ang Mogpog, Sta. Cruz, Buenavista, Gasan, Torrijos at ang kabisera nitong Boac.
Ayon sa opisyal na website ng probinsiya, halos 960 square kilometers ang lawak nito o halos kasing laki lamang ng Laguna de Bay.
Maliit mang maituturing, marami naman itong maipagmamalaking likas na yaman.
Mahuhulog Ka Sa Kanyang Ganda
Noong July 2019, nagbakasyon kami sa probinsya. Pagbaba mo pa lang ng barko, agad kang mahuhumaling sa kanyang angking ganda.
Sasalubungin ka ng mga gahiganteng bundok, sariwang hangin, malinaw na tubig, at mga punong gumegewang na tila kumakaway sa iyong pagdating.
Paglabas mo ng barko, agad mong mararamdaman ang tibok ng Puso ng Pilipinas.
Makapigil-hininga Ang Kanyang Ganda
Sa dalawang gabi at tatlong araw naming pananatili sa probinsiya, tila nawala na kami sa sistema ng Maynila. Pero ito ang uri ng pagkawala na ayaw mo nang matapos pa.
Sino ba naman ang gusto umalis sa ganito kagandang isla?
Pino at puti ang buhangin. Malinaw ang tubig. Matatayog ang puno. Walang turistang magulo. Mababait pa ang mga tao.
Ito ang Poctoy Beach sa bayan ng Torrijos.
Araw-araw, ginigising kami ng alon at mga huni ng ibon. Paglabas ng kwarto, ito agad ang sasalubong sa’yo – kalmadong dagat na tila nanghahalina na mag-swimming ka na.
Sa ilan taon ko nang pagbabakasyon, dito lang din ako nakakita ng sea grass. Hindi ‘yan lumot! Mga damo ‘yan sa ilalim ng dagat na tinitirhan ng mga isda.
Bakit kailangan mo pang mangibang bansa kung may ganito palang kagandang isla sa sarili mong bansa?
Nakaka-relax. Nakakagaan ng puso sa Puso ng Pilipinas. Kung wala lang akong naiwang responsibilidad sa Maynila, gugustuhin ko nang dito na lang manatili habangbuhay sa isla.
Nakamamangha Ang Kanyang Ganda
Bukod sa Poctoy Beach, inikot din namin ang iba pang bayan sa Marinduque.
Napadpad kami sa Sta. Cruz, ang pinakamaunlad na lugar sa probinsiya. Doon makikita mo ang iba’t ibang negosyo, siksikang mga bahay, at bumubusinang mga oto. Halos kamukha ng bayan ang Maynila.
Sa pag-iikot namin, nakarating kami sa isang matandang simbahan. Simple lang ito kung titingnan pero hitik ito sa kasaysayan.
Ito ang Holy Cross Parish.
Panahon pa ng mga kastila itinayo ang simbahan. Pagpasok mo, mamamangha ka sa naggagandahang murals at muebles sa loob. Puno ang kisame't dingding ng iba’t ibang malikhaing imahe ng Simbahang Katolika.
Binabalik-balikan din ang altar at pulpito nito na nanatailing orihinal sa kabila ng katagalan ng panahon.
Kahanga-hanga Ang Kanyang Kultura
Tunay ngang mayaman sa kultura ang Puso ng Pilipinas.
Bukod sa nakahuhumaling na beach at mga lumang simbahan, kilala ang Marinduque sa Moriones Festival.
Ito ang pinakamatandang pista ng probinsya. Ipinagdiriwang ito tuwing Semana Santa. Tampok sa selebrasyon ang mga Morion. Nagsusuot sila ng maskarang gawa sa kahoy at makukulay na costume kamukha ng mga sundalong Romano noong panahon ni Hesukristo. Layon ng Moriones Festival na palakasin ang pananampalataya ng mga Katoliko.
Usong souvenir ang ref magnets na mga Morion. Nag-uwi ako nito bilang pag-alala sa pagbisita ko sa probinsiya.
Pumipintig Ang Puso Ng Pilipinas
Hindi lang naggagandahang lugar ang ipinagmamalaki ng Marinduque. Buhay na buhay ang mga narating naming pasyalan dahil sa tunay na puso ng probinsya, ang kanilang mga mamamayan.
Maituturing man kaming estranghero sa lugar, hindi namin naramdaman na iba kami sa kanila. Nakatataba ng puso ang bawat pagtulong at paggabay nila saan man kami pumunta. Mula sa mga driver ng jeep, bantay ng tindahan, tagapagluto sa karinderya, caretaker ng resort, kapwa-pasahero, driver ng tricycle, at tindera sa palengke at bangketa, itinuring nila kaming parang pamilya.
Pero sa halos kalahating linggo naming pananatili, nakita rin namin ang paghihirap nila.
Walang ilaw sa kalsada. Kaunti ang pampublikong sasakyan. Malayo ang bayan. Makipot ang kalsada. Limitado ang oportunidad. Naglalakad ang mga bata pauwi galing eskwela. Mahirap ang probinsya.
Marami pang pwedeng magawa para maiangat ang kalidad ng buhay nila.
Sa kabila nito, nananatiling positibo ang pananaw ng mga tao. Inaalagaan nila ang mga ibinigay na likas na yaman sa kanila. Kaya walang duda, mabilis akong nahumaling sa probinsya.
Balang-araw, sana maging sentro ng atensyon ang Puso ng Pilipinas para hindi masayang ang ipinipintig nitong ganda.
Oh my.., basta beach ang usapan ung utak ko nagsasabi nang tara doon 😂🤣..., Masama nga ito sa bucket list..,