Kapangyarihang ipinagkaloob sa tao.

2 331
Avatar for rakshata
4 years ago

Maraming pagkakataon na nakagagawa ang tao ng mga bagay na masasabing hindi naaangkop sa kanyang pagkatao. Marahil ang kilos niya ay bunga ng kanyang damdamin o emosyon. Kaya't biglang nasasambit niya, "ginawa ko ba iyon?" o kaya'y "sinabi ko ba iyon?" Ang makaririnig sa ganitong pahayag ay nagsasabing natangay lang siya ng kanyang damdamin o hindi na nag-isip ang taong ito.

Bukod sa katawan, ang tao ay binigyan ng kaluluwa na siyang ikinaiba niya sa ibang nilikha. Ito rin ang pinagmumulan ng ispiritwal na kalikasan ng tao. Mula rin dito ang tao'y may mahalagang pakultad tulad ng kaisipan o intellect, at kalooban o will at konsensiya. Dahil sa kaisipan , may kakayahan ang tao na mag-isip, magsuri, magsaliksik at malaman ang katotohanan. Mapauunlad ng tao ang sarili sa pamamagitan ng pagtuklas sa mga bagay na makabubuti sa kanya at sa kapwa.

Ang kalooban o will ay nagbibigay-kakayahan sa tao na magpasya, pumili at isakatuparan ang anumang napagpasyahan. Dahil dito masasabing ang tao'y may pananagutan sa bawat pasya o pagpili sa gawa. Malaya ang tao sa pagsasagawa ngunit hindi siya malaya na pumili ng ibubunga ng kanyang aksyon, kaya't kailangan ng taong mag-isip bago magpasya o gumawa.

Ang tao'y pinagkalooban rin ng konsensya na tagapagbadya o nagbibigay ng "warning" kung tama o mali ang gawa o pasya. Ito'y nangangailangan ng tamang paghubog upang ang paghusga ay maging tama. Ang paghubog nito'y naaayon sa tatlong prinsipyo: ang bagay, ang intensyon o layunin at ang pangyayari at dahil dito maaaring ang dikta ng konsensya ay magkamali.

Kapag ang tao'y madalas gumawa nang hindi tama, maaaring magkamali siya ng paghusga. Ito'y nangyayari kapag hindi siya nagdadasal, tumatangging magsuri ng totoong layunin o ayaw tumanggap ng payo.

Mahalagang bahagi ng pagiging tao ang katawan hindi bilang "kasangkapan" na gagamitin ayon sa hilig. Sa pamamagitan ng katawan, naihahayag ng tao ang pakikiugnay niya sa ibang nilalang at sa Diyos. Ito'y bingyan-diin ni San Pablo sa mga taga-Corinto, nang sabihin niya na "ang katawan ay templo ng espiritu santo na tinanggap mula sa Diyos". Kung ang katawan ay instrumento sa pagsasagawa ng naisip na gawin ng tao, ito'y inaasahang tama at mabuti.

Ang ispiritwal at materyal na kalikasan ng tao ay siyang tumutulong upang magkaroon ng kaganapan ang kanyang pagkatao.

Maraming potensiyal na kaloob sa tao na ikinatatangi niya sa ibang nilalang. Isang paghamon sa kanya na bilang isang nilalang na may kamalayan at kalayaan na mapanagutan ang napiling gawa para sa pag-unlad ng kanyang sarili at pati na rin ng kanyang kapwa.

Ang tao'y may kakayahang makadama at makabatid ng mga bagay-bagay dahil siya'y may emosyon, panloob at panlabas na damdamin. Inihahatid sa intellect ang nalamang impormasyon bunga ng nadama.

3
$ 0.05
$ 0.05 from @ericreid9
Avatar for rakshata
4 years ago

Comments

Lahat ng iyong mga sinabi ay talagang nakatatak o nakadikit na sa tao. Ang tao na lamang ang magpapasya kung anong gagawin nya rito. Una sabi mo kaisipan, meron tayong iba't ibang pamamaraan kung papano tayo mag isip o para masolusyunan ang isang problema. Pangalwa ay kalooban, sa ating kalooban nakadikit na din dyan ang konsensya natin, emosyon at iba't ibang uri ng pakiramdam. Pangatlo ay ang espiritwal, meron ang tao ng sari-sariling paniniwala at pananaw o layunin sa buhay. Pag ikaw nakitaan ng kalakasan sa iyong pananaw ang sasabihin ng iba ay "malakas ang fighting spirit nito". Sa buhay din ng tao maraming paraan kung papaano makasurvive sa mundong ibabaw. Nakadepende na iyon sa atin.

$ 0.00
4 years ago

Ang lahat ng ito ay nangyayari sa buhay natin. May pagkakataon na nagkakamali tayo at hindi natin gusto iyon. May mga tao na likas na mabuti, at may likas ding masama dahil iyon ay ang desisyon na ating pinili. May mga tao rin na alam ang magiging kahihinatnan sa desisyon na napili pero pinipili pa rin nila kahit alam nilang iyon ay hindi tama.

$ 0.00
4 years ago