Likas sa tao na ilagay ang sarili sa tahimik, mapayapa at kaaya-ayang lugar. Sino ang nagnanais tumigil sa isang lugar na magdaranas ng paghihirap, kalungkutan, kasawian at kasalatan sa buhay? Ang ibig ng tao ay kapayapaan, katahimikan, at kaligayahan. Nais ng tao na makadama ng kapanatagan ng loob. Ang kapaligiran ay bahagi sa pagkakaroon ng kapanatagan ng tao. Ngunit may mga taong sa gitna ng kaguluhan ay napananatili niya ang katatagan at kapayapaan ng loob. Maging mayaman o sikat na tao ay palaging umaasam na kahit sandali ay maramdaman nilang payapa ang kanilang kalooban.
Kadalasan, bigo sila sa kanilang paghahanap, kaya hindi nakapagtatakang maraming kaso sa mga psychiatric clinic ng depresyon, suicide attempt, insomnia, at iba pa. Sabi nga ng isang mayamang nakapaglibot na sa iba't ibang pook sa iba't ibang bansa, "lahat mapapasaiyo, ngunit nananatili pa rin ang kahungkagan sa sarili." Karaniwan na ang spiritual vacuum sa mga taong nakaaangat sa buhay. Bakit nga ba sa kabila ng katanyagan, kayamanan, kapangyarihan ay nakadarama pa rin sila ng pagnanais na maging mapayapa ang kanilang kalooban. Isang compulsive buer ang nakapamimili sa mga pangunahing shopping centers ng mga sikat na artista at mayayaman sa ibang bansa ay nagsawa na ng pamimili dahil mayroon pa ring kulang sa kanyang buhay. Ang iba naman,nagiging mahimbing lang ang tulog pag nakainom na ng valium o sleeping pills.
Mula sa artikulo ni Mary Anderson, "Peace Begins in the Mind", ang kapayapaang hinahanap ng tao ay isang kalagayang walang pagtutunggali sa kalooban, hindi ito nakadepende sa panlabas na kalagayan. Ang espiritu ay payapa at malaya sa anumang kalagayan na gaya ng isang bilanggo, nakapiit ang katawan ngunit ang kaluluwa'y hindi. Ito rin ang kapayapaang iniwan sa lahat ni Jesus; "Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng ibinibigay ng sanlibutan. Huwag kayong mabalisa, huwag kayong matakot." (Jn 14:27).
Matatamo ang inner peace sa pamamagitan ng "soul searching". Isang hakbang ito upang magkaroon ng kamalayan sa nagaganap na tunggalian o paglalaban sa loob ng sarili o innerself. Dagdag pa ng isang theosophist, " kapag may dibisyon , may tunggalian. May problema dahil nagkakaroon ng sikolohikal na pagkakahati sa isipan o kalooban. Halimbawa nito'y kapag ang paninindigan ay kaiba sa ibang indibidwal, nagkakaroon ng epekto ito sa relasyon ng tao sa kapwa niya at sa sarili. Ang inner peace ay katumbas ng pag-ibig, kasiyahan, katatagan. Matatamo ito kung may tamang persepyon o pagtingin sa buhay. Siya ang taong hindi binibigyan ng labis na pagpapahalaga ang sarili at ang kapakanang pansarili. Walang paghahangad ng labis para sa sarili o nag-iisip ng labis-labis.
Ayon sa mga sikologo, ang labis na pagkabagabag ay isang kalagayang pisikal at emosyonal na pagkabalisa, ito'y isang panloob na alalahaning nakapaghihiwalay sa tao sa tunay na kalagayang dinaranas. Ang buong pagkatao ay nalulukuban ng takot, pangamba at pagkabagabag sa labis na kalungkutan. Kaya sa panahon ng pagkalito at agam-agam mahalaga na ipagpaliban ang pagpapasya, ipang ang anumang gagawin ay hindi pagsisihan.
Mula sa "Peace in the Midst of Despair", ni Alix Lozano na inilahalat sa Theosophical Digest (August 2004) may tatlong aral o paalala tungkol sa inner peace:
Una, Resistance na bibigyan kahulugan natin ng paglaban at pagtanggi. Huwag matakot, huwag mag-alala. Ang paglaban ay nakatutulong na mapaglabanan ang takot . Sabi nga, ang takot ay nasa isip lamang. Ilang ulit na ginamit ang pahayag na "Huwag matakot" sa Bibliya. Kay Mary o Maria, sinabi ito ng anghel na si Gabriel, gayundin kay Zechariah; si Hesus sa mga disipulo - "Ang takot ay hindi gawa ng Diyos. Anuman ang mangyari, patuloy pa rin ang buhay. Hindi marapat payagang maghari ang takot sa iyo hanggang mawalan ng direksyon ang iyong buhay. Alalahanin si Jesus ang nagsabi, 'Palagi ko kayong sasamahan."
Ikalawa, Quest for peace. Ang pangunahing tema ng mga pahayag ni Hesus ay kapayapaan ang nagbigay ng buhay at kapayapaan sa lahat. Sa Hebreo, Shalom - Ang katumbas ng kapayapaan na nangangahulugan ng higit pa sa personal na kapayapaan o panatag na loob, ito'y sumasaklaw sa kalusugang pisikal at espiritwal, kalagayang bunga ng malusog na pakikiugnayan sa tao at sa Diyos. Sa Griyego ito'y eirene o kawalan ng tunggalian. Pax - sa Latin, kawalan ng digmaan o gulo. Magkakaroon ng kapayapaan kung mabuti ang ugnayan ng tao sa kapwa bago sa Diyos.
Ikatlo, Community o pamayanan. Sa pamayanan, nawawala ang pagkakanya-kanya o pagkamakasarili. Ang paglaban sa takot o iba pang pangamba at paghahanap sa kapayapaan ay magiging magaan pagkat ang ibang miyembro ng community ay magsasabi ng "Kaya mo iyan" , "lakasan mo ang loob mo", "huwag kang susuko!" Sa pamayanan din natatamo ang tuwa ng pagsasama-sama ng pagsasaya na patuloy na naglilingko para sa ikalulugod ng Diyos.
TUON
Sa maraming kakulangan sa buhay, maging ito'y pisikal o ispiritwal, Diyos lamang ang makapagbibigay. Nakasalalay sa ating sarili ang pagiging panatag, lalo na kung magiging kuntento tayo kung ano ang mayroon o ipinagkaloob sa atin. Mahalaga rin upang mawala ang mga alalahanin ay ang palaging mabuting ugnayan natin sa kapwa at sa Diyos.
0
67