Nagsimula kami sa mahirap na sitwasyon, lalo't bago lang ang relasyon namin.
Nakilala ko sya na buntis sa ibang lalaki pero dahil mahal ko sya, unti-unti kong tinanggap yon. Tinanggap ko ang pagkatao nya.
Marami akong nakikitang lihim, lihim na sa kanya ko lang makikita. Narinig ko mula sa kanya ang mga lihim na 'yon at ikinatuwa ko dahil pinagkatiwalaan nya ko. Hindi ko sya binigo. Lalo kong pinagtibay sarili ko, alam kong kahit ako hindi alam ang pinapasok o sabihin na nating' pagiging mapusok'. Ang tanging nasa isip ko lang non ay - "kasama ko siya, mapagtatagumpayan namin 'to."
Sinuportahan ko siya sa abot ng makakaya ko. Simple lang akong lalaki, simple rin ang pamumuhay at may sarili ring paniniwala. Wala rin akong trabaho nung panahong 'yon.
May kakilala rin ako na ang sabi: "Ang mga babae pwede kang iwan anytime lalo't wala kang trabaho".
Hindi ako nakinig kase hindi ko nakikita sa kanya yung mga posibilidad na iiwan niya ko, ang nasa isip ko non "mukhang hindi naman niya magagawa sakin yon".
Ipinangako ko sa sarili ko na 'ibabalik ko ulit yung confident nya sa sarili' at nagawa ko naman, pero sa kabila non unti unti siyang nagbabago, unti unting nagbabago pakikitungo niya sakin. Nagiging masakit na siya magsalita at habang pinakikinggan ko siya nasa isip ko non, 'magtatagal pa kaya kami kung ganito, unti unti siyang nagbabago, hindi ko na siya nakikilala, unti unti siyang lumalayo sakin', masakit yung parte ng buhay ko na yon.
Unti unti ko siyang nakikitaan ng pagkasawa sakin, umuuwi ng madaling araw, lasing. Ginagawa ko lahat para sa kanya, ako din ang nag aabot sa kanya ng tulong pinansyal pag papasok sa trabaho at baon na rin nya pero madalas kulang ang nabibigay ko. Siya ang may trabaho saming dalawa pero dahil maunawain ako at pasensyoso, nagpasensya ako. Hindi ako humihingi ng pera sa kanya, ako din ang gumagastos sa pagkain namin araw araw, at nakikitira lang kami sa mga magulang ko. Pinagtatanggol ko siya sa pamilya ko minsan pag hindi ko gusto mga naririnig ko. Pero tama sila 'bat nga ba ganon ka na, bat nagbago ka, hindi na kita kilala' - nasa isip ko palagi yan.
Dumalas ng dumalas pagtatalo namin, hanggang sa hindi na siya tuluyang umuwi pa sa bahay namin - bahay ng mga magulang ko. Inabot din ng isang buwan at mahigit bago sya nagpakita ulit saken. May anak din kami, babae sya at Ninya ang pangalan nya. Napagdesisyunan ko na doon na lang kami titira sa bahay ng mga magulang ko dahil iba ang trato sakin ng pamilya nya na parang ayaw nila sakin, may pagkakataon na ipinakilala ako bilang 'kaibigan' lang ng anak nila.
Napapanood ko lang 'to sa telebisyon dati, tawang tawa pa nga ako pag nakakapanood ako ng ganito, sinasabe ko pa nga 'ang da-drama nyo', hindi ko lubos maisip na mangyayari rin pala sakin.
Nagpakatatag ako para sa batang yon na palagi kong kasama habang wala ang nanay niya.
Dumating yung panahon na may binuo siyang lihim na hindi niya sinabe saken agad, nagpaplano siyang mag abroad. Hindi niya sinabe sakin dahil alam niyang hi-hindi ako pero huli na. Nalaman ko na lang na aalis na siya pagkalipas ng isang buwan. Dinibdib ko yon. Lumipas ang isang buwan at papalapit ng papalapit ang araw ng pag alis niya. Wala rin kaming pormal na pagpapaalam. Sa Japan 🇯🇵 ang punta niya. Masakit pero nandon na, ayokong masayang yung pinaghirapan niya.
Nung nasa Japan 🇯🇵 na siya, madalas ang pag uusap namin, hanggang naging madalang, hanggang naging minsan na lang. Tinatanong ko siya kung may problema ba, wala siyang sinasabe saken, nag aalala ako na parang may hindi tama. Nararamdaman ko yon. Hindi ko alam kung anong tawag don, they called it 'instinct' daw or kung ano man yon. Hanggang sa dumating yung araw na,'cool-off' muna tayo', sabe nya. Hindi ako nakapag salita nung sinabe niya yon sa 'chat'. Ang nasabe ko lang, 'pero bakit?', at hindi na nasundan pa ng chat ang pag uusap na 'yon, hanggang sa nalaman ko na lang na may nobyo siyang 'Japanese' .
Hindi ko pinapaalam sa mga kapatid ko, sa magulang ko yung pinagdadaanan ko, may kapatid ako na hindi ko kasundo, pinagtatawanan ako, tipong gustong gusto niyang nahihirapan ako, pinapahiya ako, tumatak sakin yung araw na yon na pinapahiya niya ko sa tapat ng bahay ng mga magulang ko, yung tipong ibang tao ako sa kanila. Hindi ko rin pinapakita sa batang yon (Ninya) kung anong pinagdadaanan ng tatay nya, wala akong kakampi nung mga panahon na yon. Halo-halong emosyon ang bitbit ko, at isang araw dinala ko ang anak ko sa 'Mcdo' kaso paborito daw nya yon. Inubos ko yung dala dala kong pera makita ko lang na masaya siyang kumakain kahit kaming dalawa lang habang nakikita ko siyang naglalaro. Kasabay non na napapaluha ako at pinipigilan kong 'wag maiyak kase ayokong may makakita sakin lalot nasa'Mcdo' kami. Tinanong niya ko, "Pa miss ko na si Mama", banggit ng apat na taong gulang na bata, "Uuwi din yon Ninya", sambit ko. Naiiyak ako habang nakikita ko siyang ngumingiti, kumakain, na parang may kulang sa pagkatao ko.
Palagi kong niyayakap ang inip. Palagi kong pinagmamasdan ang batang yon hanggang sa pagtulog. "Siya na lang ang kakampi ko", sambit ko sa sarili. Pagsasapit ang gabi at pakiramdam ko tulog na ang mga tao sa paligid bukod sakin, nananalangin ako, kinukuwento ko lahat sa diyos lahat ng mabuti, lahat ng hindi magagandang nangyari, mga emosyon, hinihiling na tulungan niya ko, na malagpasan ko 'to.
Lahat ng 'yon isinusulat ko sa isang kwaderno. Ito ang magsisilbing alala ko para sa kanya. Sinimulan kong mag sulat sa kwaderno (diary) ng mga bagay tungkol sakin noong bago ko siya nakilala hanggang magtapos ang relasyon namin.
October 28, 2012 - September 2016.
Kahit wala na kami, nagsusulat pa rin ako sa kwaderno, hanggang sa naging minsan na lang, hanggang sa hindi na.
Madami ring magagandang nangyari madami ring hindi at babaunin ko lahat ng alaalang 'yon hanggang sa pagtanda ko.
-Marck B.