"Sana all"

0 20
Avatar for noisytoothie
3 years ago

Siguro ito yung kauna-unahang akda na gagawin ko dito sa read.cash na ang lenggwaheng gagamitin ay ang wikang Filipino. Nalalapit na din ang Buwan ng Wika kaya naisipan kong ibahagi sa lahat ng naririto sa site na ito ang aming pinakamamahal ng wika - ang wikang Filipino.

Ngunit ang aking akdang gagawin ngayon ay hindi patungkol sa aming sariling wika, kundi sa isang salita na nabuo na lamang ng 'di inaasahan ng mga milenya - ang sana all. Alam kong ang site na ito ay binubuo ng iba-ibang bansa kung kaya't mahirap intindihin ang wikang aking ginagamit para doon sa iba ang wikang ginagamit. Kung kayo'y nagtataka kung ano nga ba ang sana all, kung isasalin ito sa wikang Ingles, ito ay "I hope all". Ang salitang ito ay baylingwal na salita kung saan ito ay pinaghalong Tagalog at Ingles. Ito din ay pwedeng mangahulugang "If only everyone had like that".

Sa buhay natin marami tayong "sana all" lalo na sa mga bagay na sa tingin natin ay imposibleng mapasaatin. Kumbaga, ito yung ginagamit nating ekspresyon sa tuwing may makikita tayo sa iba na wala tayo. Mapabagay man o gamit, o sa taong makakasama, at iba pa. Ngunit sa kabila ng mga sana all, nagkakaroon tayo ng lakas ng loob para mas magsipag pa, upang sa huli, makuha din natin yung sinasana all natin.

Narito ang isang maikling tula na naisip ko lang gawin habang sinusulat ko ang akdang ito.

Sana all may jowa

Sana all hindi niloloko

Sana all maganda

Sana all sunod sa luho

Sa bawat sana all mo,

Kumpiyansa ang natatamo

"Gagalingan ko pa para makuha ko to"

"Pagsisipagan ko upang makuha ang iyong oo"

Hindi sa pagmamalinis

Subali't ako di'y minsan nainis

Sa totoo ako'y taga sana all lang din

Hanggang sa natutunan kong inggit ay bawiin

Sa bawat sana all, alam kong inggit ang nararamdaman

Inggit dahil sya'y mayron ng kasintahan

Inggit dahil sya'y mayaman

Inggit dahil sya'y maganda ang katawan

Yan ako noon, hanggang sa natutunan kong umahon

"No more sana all", aking tugon

Makukuha ko din yan, pagdating ng panahon

Tyaga lang at sipag, tyak aahon

Ngunit hindi ko naman sinasabing hindi ito maganda

Na sa bawat makikita, sana all ang laging buka

Dahil maganda din ang isang salitang ito

Na kahit papaano, nakakagaan ng damdamin ng tao

Sa buhay ngayon, marami tayong gustong i' sana all. Tama ba? Siguro dahil na rin sa gusto din nating magkaroon ng kung anong meron sila. Oo, siguro inggit lang ito. Sabi ng iba, kapag inggit, pikit.

Masama nga ba ang mainggit?

Para saakin, lahat ng bagay ay may mabuti at masamang bunga. Kunwari, ika'y isang mabait na bata. Ang mabuting bunga nito, ay ikaw ay kakagiliwan ng Lahat, ngunit ito rin ay pwedeng magkaroon ng masamang bunga, kung aabusuhin mo ang pagiging mabait mo. Sa larangan naman ng pagkakaroon ng inggit sa kapwa, meron din itong mabuti at masamang bunga.

Mabuting bunga - dahil sa inggit na nararamdaman mo, mas alam mo sa sarili mo na kailangan mong magsipag o magsikap pa upang makuha din ang bagay na yun. Ibig sabihin, yung inggit na nararamdaman mo, nagiging motibasyon mo upang mas baguhin ang sarili mo at maging isang produktibong tao.

Sa kabilang banda, meron din itong masamang bunga - dahil sa inggit, nakakagawa tayo ng bagay na di kanais nais. May mga nakikita ako sa telebisyon na mga pelikula o palabas na nagpapakita ng epekto ng inggit. Kunwari, nainggit ka sa iyong kaklase, kaya upang makuha ang bagay na meron sya, ninakaw mo ito.

Nais ko lamang iparating na nasa tao yan - nasa tao na kung gagawin nya ang tama o mali. Hindi dahil sa isang bagay lamang.

Sa topic na "sana all", para saakin, hindi naman ito masama - hindi magiging masama kung ginagamit ito sa tamang pamamaraan. Tandaan, okay lang kung taga sana all ka lang ngayon dahil darating ang araw na sila naman ang magsasana all sayo. 😁


Matutulog na sana ako tapos naisipan kong sumulat patungkol dito. 😁 Magandang gabi.❤️

Ikaw, anong sana all mo? 😇

1
$ 0.11
$ 0.11 from @TheRandomRewarder
Avatar for noisytoothie
3 years ago

Comments