"Ako ay isang mag-aaral sa ikaapat na baitang sa Paaralang Maunlad sa lalawigan ng Aurora. Pangarap kong makapagtapos sa aking pag-aaral kaya titiisin ko ang mga paghihirap na dapat kong harapin. Hindi ko iniisip kung may mga bagay na dapat kong gawin kahit na mangahulugan ito ng ibayong paghihirap."
"Ang aming lalawigan ay palaging dinadalaw ng malalakas na bagyo. Paborito kaming pasyalan ng mga ulan at hangin. Tinitiis namin ang paglakad sa mapuputik na daan lalo na kung tag-ulan at ang paglangoy sa baha kung tumataas ang tubig sa ilog kahit ito ay delikado at hindi dapat gawin o tularan."
"Ang aming tahanan ay nasa kabila ng isang tulay. Isang araw, sa isang hindi inaasahang pangyayari, ang tulay ay nasira ng bagyo. Hindi agad naisagawa ang pagsasaayos sa tulay na ito sapagkat marami pang higit na kailangang unahin lalo ang naapektuhan ng bagyo.
"Dahil dito, araw-araw akong naglalakad paikot sa kabilang baryo makarating lamang sa paaralan. Hindi ako lumiliban sa klase kahit basa na ang aking sapatos sa paghatak sa daang may baha o putik. Ang palagi kong iniisip ay ang pangarap kong makapagtapos ng pag-aaral."
"Isang araw, napansin ng aking Guro na tila ba pagod na pagod ako at pawisan ng dumating sa Paaralan. Nalaman niya na sira ang tulay na malapit sa amin. Kaagad na gumawa ng sulat ang aking Guro upang maipakiusap sa kinauukulan ang agarang pagkukumpuni ng tulay."
"Hindi naglipat-buwan, nagawa na ang sirang tulay at muli itong nagamit ng mga naninirahan sa aming lugar. Laking pasasalamat ng lahat ng aking kapitbahay sa naisagawang pag-aayos ng tulay."
"Hindi naging hadlang sa akin ang anumang layo o hirap ng tatahakin patungo sa paaralan basta't makapagtapos lang ako sa pag-aaral."