Epekto ng Pandemya(3)

0 25

Ito ang pagpapatuloy ng ating timeline sa kung paano nagsimula at kumlat ang pandemyang ito sa ating bansa.

2020, January 23

Sa panahong ito ay umaksyon na ang Manila International Airport Authority (MIAA) na siguruhing magkaroon ng mga hand sanitizers at alcohol pati na rin mga “sanitizing quarantine area” sa mga pangunahing paliparan sa ating bansa partikular na sa NAIA. Nagkaroon na din ng mga thermal scanners kung saan ay nakikita ang temperatura ng katawan nang lahat ng mga dumadaan dito galing sa iba’t ibang panig ng mundo.

Opinyon:

Masasabi ko na hindi nagkaroon ng pagpipigil sa mga flights galing sa ibang bansa partikular na sa China kung saan nagsimula ang kaso ng COVID-19. Habang patuloy sa pagtaas ang kaso sa mga karatig-bansa ay nananatiling mapagmatyag ang mga ahensya ng gobyerno. Subalit sa tingin ko may mas magagawa pa sana para mapigil ang mabilisang pagkalat nito kung una pa lang ay nilimitahan na ang flights na mga papasok ng bansa na galing sa mga lugar na may mataas na kaso ng virus.

2020, January 24-25, 28

Isang limang taong gulang na bata sa Cebu na nanggaling sa Wuhan ang nagnegatibo sa virus na ito ayon sa DOH. Ito ang tinatawag na PUI o “patient under investigation”. Sinuspinde na din ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang mga flights galing Wuhan China na papasok sa bansa.  Pinauwi din  ang walumpung Tsinong turista na plano sanang bumisita sa Boracay.Samantala ay pansamantalang ipinatigil muna ang pag bibigay ng visa sa mga manggagaling sa probinsya ng Hubei. Ipinag-utos na din ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagpapauwi sa mga OFW na nasa Hubei .

Opinyon:

Pabor naman ako sa pagsuspinde ng mga flights galing Wuhan subalit may mga kaso na din sa ibang bansa na lubhang nakakabahala sapagkat hindi natin alam kung sino ang magdadala ng sakit o tinatawag na “carrier”. Dahil hindi pa naman uso ang testing nitong panahong ito ay naiisip ko na baka nasa bansa na natin ang sakit at hindi lang natin nalalaman. Sa napakaraming Chinese na labas pasok ay hindi malayong tama ang aking palagay.

2020, January 29

Samantala, sinagot ni DOH secretary Duque ang ilang suhestyon na pigilan ang pagpapasok ng mga Tsino sa bansa. Sinabi niya na “unfair” kung mga Tsino lang ang pagbabawalan na makapagbiyahe dito sa Pilipinas. Inanunsyo din ng kagawaran na may kapasidad na tayong magsagawa ng testing at hindi na kailangan pang dalhin sa Australia upang iberipika. Samantala, isang lalaki na PUI ang namatay dahil sa “pneumonia”.

Opinyon:

Wala akong masabi sa panahong ito. Hati ang aking opinyon. Una ay alam ko na napakaluwag ng gobyerno sa China. Ikalawa ay may punto ang kagawaran na hindi na lang sa China may kaso. Ang sa akin ay sana, wala munang international flights ang pinayagang makapasok sa bansa maliban na lang kung ito ay mga OFW. Sa gayon ay mas malilimitahan natin ang imbestigasyon sa kung sino pa ang nahawa o maaaring makahawa. Mas magiging madali ang tracing at magkakaroon ng target areas kung saan lamang may kasong naitala.

Ipagpapatuloy ko sa susunod na artikulo ang timeline sa pagkalat ng epidemya sa bansa. Ikaw, anong pinagkakaabalahan mo noong panahong iyan? Siguro ay abala ka sa trabaho mo sa opisina o kaya naman ay naghahanap ka ng lugar na pwedeng puntahan sa darating na summer. Kaso natapos na ang summer na hindi man lang tayo nakatikim ng vitamin sea. Nakakalungkot.

 

1
$ 0.00

Comments