Binuksan ni Yalisa ang kanyang kamay at dito ay may isang diyamanteng kwintas. “Ito ba ang wala sa’yo?” tanong ni Yalisa. Gumuhit ang pagtataka sa mukha ni Seriya habang nakatitig sa kwintas. “Paano mo nakuha iyan?” tanong ni Seriya kahit na sa kaloob-looban niya ay alam na niya sagot sa kanyang tanong, sadyang hindi lang siya makapaniwala na nagawa ito ng kanyang kapatid. “Ano sa tingin mo, Seriya? Paano ko nakuha ito habang napakahimbing ang iyong tulog?” mapanghamong sagot ni Yalisa.
Sa sagot na iyon ni Yalisa ay hindi na maitatago pa na galit na rin ang nararamdaman ni Seriya. Lumalakas ang ihip ng hangin sa paligid at unti-unting lumalamig sa may bandang kanan kung saan naroon si Seriya at umiinit naman sa kaliwa dahil sa apoy na kapangyarihan ni Yalisa.
“Ginalaw mo ang Batong Vera, Yalisa! Alam mong hindi pwedeng galawin iyan ng kung sinu-sino lang!” sigaw ni Seriya na nagdulot pa ng kaunting pagyanig sa kinaroroonan nila. Ang kaninang mapang-asar na ngiti ni Yalisa ay napalitan ng nakakatakot na titig. “At ano, Seriya? Ikaw na lang palagi ang pwedeng makahawak sa lahat? Nasa iyo na lahat, Seriya! Wala ka nang itinira sa amin. Kung inaakala mong ikaw lang pwedeng makahawak ng batong ito, pwes nagkakamali ka dahil nasa akin na ito ngayon!”
“Naririnig mo ba ang iyong sarili, Yalisa? Mapanganib ang paghawak sa Batong Vera! Hindi mo alam ang sinasabi mo! Ginamit mo ang kapangyarihan ng bato, at sa akin mo pa talaga ginamit! May kapalit ang paggamit ng batong iyan sa kasamaan, Yalisa. Pagmamay-ari ng lahat ng immortal ang bato. Huwag kang gumawa ng ikakasira ng buong kaharian.” natatakot si Seriya sa maaaring mangyari pero kailangan niyang tatagan ang kanyang loob para sa kaharian na inalagaan ng kanyang mga magulang at ninuno.
“Kung masisira ang kahariang ito, hindi ko na problema iyon! Maaari akong magpatayo ng panibagong kaharian sa aking pinamumunuan.” Sagot ni Yalisa na parang siya na ang pinakamasayang tao sa lahat dahil nakaisip siya ng bagong ideya na makakasira sa kanyang kapatid.
“Ang pagkasira ng kaharian ay nangangahulugang pagkawala din ng namumuno nito lalo na kung hindi pa iyon ang nakatakdang oras ng kanyang pagkamatay at wala pang papalit bilang pinuno. Hindi mo naman ako gustong mawala dito sa mundo, Yalisa, hindi ba? At isa pa, magagalit ang mga Erias at Frenshas, may usapan kami na walang gagamit ng kapangyarihan ng batong iyan.” mahinahong sabi ni Seriya sa kanyang kapatid. Kapansin-pansin ang kakaibang emosyon na dumaan sa mga mata ni Yalisa pero nawala din agad ito nang dumating ang kanyang mga kawal na kasama si Hironi. Nakatali ang mga kamay at paa ni Hironi at nang siya ay muling makita ni Yalisa, muling nagbalik ang kanyang galit.
“Hironi! Anong nangyari sa’yo?” Lubos na pag-aalalang sigaw ni Seriya sa kanya habang tumatakbo siya palapit sa kasintahan ngunit hindi hinahayaan ng mga kawal na makalapit si Seriya sa kanya. Sa kaganapang iyon ay pumikit ng matagal si Seriya at lumakas ang hangin sa paligid ng mga kawal, at pagbukas ng mga mata ni Seriya ay siya ring pagkawala ng hangin na pumapalibot sa mga kawal ngunit wala ng malay ang mga kawal pagkatapos nito. Ang hangin na ginamit ni Seriya ay may halong hipnotismo.
“Hindi ko akalaing kaya mong saktan ang mga Kaylens para lang sa taong mahal mo, Seriya!” ani ni Yalisa. “Hindi ko rin akalaing kaya mong sirain at patayin ang sarili mong kapatid nang dahil lang sa inggit at pagkamakasarili mo, Yalisa!” Hindi na rin napigilan ni Seriya ang galit at palakas nang palakas ang hangin sa paligid dahil sa kapangyarihan niya. Natatakot siya sa maaaring gawin ni Yalisa sa ngayon lalo na at hawak niya ang Batong Vera. Ito ang bato na naglalaman sa lahat ng kapangyarihan na mayroon sa kanilang mundo, at wala pang kahit isang sumubok na gamitin ito dahil ayon sa mga ninuno ay kailangang pangalagaan ito sapagkat ito ang pinakamakapangyarihan sa lahat kung kaya’t ito’y mapanganib.
“Wala akong pakialam! Makuha ko lang ang gusto, kahit mawala ka na sa buhay ko, Seriya!” Matapang na sabi ni Yalisa at itinaas ang Batong Vera at itinapat kay Seriya. May lumabas na puting ilaw dito na tumatama kay Seriya pero mabilis naman niya itong linabanan gamit ng kanyang kamay na may lumalabas na asul na ilaw.
“Hindi ko akalain na ganyan kalakas, Seriya, pero hindi ko hahayaan na matatalo mo akong muli,” sabi ni Yalisa at ibinaba ang Batong Vera. “Kahit kalian ay hindi ako nanalo sa’yo dahil walang kompetisyong naganap sa pagitan nating dalawa, Yalisa. Itigil mo na ang lahat ng ito.”
Sa gitna na pagtatagisan ng tingin ng magkapatid ay namimilipit naman sa sakit si Hironi dahil sa mga sugat na natamo niya mula sa mga kawal ni Yalisa at nababalot na rin siya ng pag-aalala para sa kanyang minamahal.
Hindi sumagot si Yalisa sa kagustuhan ni Seriya na matigil na ang lahat ng kaguluhan na sinimulan niya bagkus ay muli niyang itinaas ang Batong Vera at itinapat kay Seriya ngunit sa bilis ng mga pangyayari ay wala ng nagawa pa si Seriya nang makita si Hironi na nakahiga na ngayon sa sahig dahil sa kanyang pagsalo sa kapangyarihan ng bato. Maging si Yalisa ay nagulat sa nangyari at si Seriya naman ay dali-daling niyakap ang wala nang buhay na katawan ni Hironi at umiyak.
Ipagpapatuloy...