Nakatingin na naman ako sayo nun, habang nginunguya mo yung paborito mong chichirya.
Pwedeng pwede kang maging commercial model, at kung ikaw man yung magiging main sa commercial ng chichiryang yan? Nako, papakyawin ko yan. Ang ganda mo kasi. Kaso parang di mo alam.
"Belle!" Di ko na napigilan, nagpapansin na naman ako sayo.
Agad mong nilingon kung nasaan ako, eto naglalakad palapit sayo.
Tinignan mo lang ako nun tas nagbuntong hininga ka at umirap ng pabiro.
"Ano na naman yun Pedro? Nagpapapansin ka na naman sakin?" Pabiro mong sabi.
Natawa ako, kasi hindi mo alam na nagpapansin talaga ako sayo. Akala mo trip lang talaga kita.
"Pagkatapos mo diyan sa chichirya magkape ka naman para kabahan ka no?" Tumabi na ko sayo nun, tapos kumuha ng isang dakot sa chichirya mo kasabay noon yung unti unting pagkunot ng noo mo.
"Ang takaaaaw!" Singhal mo sakin pagkatapos ay sumimangot ka naman.
Ano ba yan ang cute mo pa rin.
"Ang pangit mo." Ngunit taliwas noon ang sinabe ko.
Nagmakeface ka lang tas tinawanan ako, parang automatic naman na dumapo sa ulo mo yung kamay ko. Ginulo ko ng very light yung buhok mong hindi mo naman talaga sinusuklay.
"Ano ba ang gulo na nga ng buhok ko ginulo mo pa!" Singhal mo sabay layo sakin, lumapit naman ako sayo pagkatapos ay pinisil ko ang pisngi mo.
18 pa lang ako, pero tangina, Belle nagiisip na ko kung pano kita aayain pakasalan. Pero syempre liligawan muna sana kita. Sana...
"Yaan mo na wala namang nabago pangit ka pa rin!" Pang aasar ko pa.
"Oo na! Paulit ulit." Tawa mo pagkatapos ay umiling iling ka, "Nakikiburaot ka na nga lang!" pabiro mo kong tinignan ng masama, tinawanan lang kita.
Kumuha ulit ako ng isang chips tapos parang automatic na isusubo ko dapat sayo, medyo nagulat rin ako sa kilos ko nun. Pero tinuloy ko na lang.
Nanlaki din yung mata mo. Nung naramdaman kong medyo nagiging awkward na ay ginawa ko na lang ang nakasanayan kong gawin pag napupunta tayo sa ganitong sitwasyon. Ginawa ko na lamang na biro.
"Say 'aaahh', baby~" biro ko.
Tinampal naman ng kamay mo yung kamay ko.
"Psh! Di kita tatay!" pabirong singhal mo.
"Anong akala mo? Payag ako?" tinignan kita nun ng kunyareng may pandidiri.
Ginaya mo naman ako, "Heh! Kala mo payag din ako?" Pagbiro mo din tapos kinrus mo pa yung braso mo at sinubukan mong itaas yung kaliwang kilay mo pero parehas lang silang tumaas. Kaya yun nagtawanan tayo.
Sabi ko noon okay na yung ganto, yung akala mo di kita gusto. Para di mo ko iwasan. Iwasan mo ba naman yung isa nating classmate na naglakas loob na umamin sayo magkameron pa kaya ako ng lakas ng loob? Syempre nakakakaba. Buti na lang nauna siyang umamin sayo.
Ni-hindi kayo nag uusap. Kaya ayokong umamin sayo e. Kita mong- ay hindi mo pala alam na... yung pag uusap natin yung bumubuo ng araw ko, magkalakas loob pa ba ko?
Tsaka na, pag handa ka na. Pag alam kong handa ka na sana...
Nagkakaasaran sa loob ng klase tapos puntirya kayo ni Miguel, yung umamin sayo- ng mga classmates natin. Nakakaselos minsan pero iniisip ko na lang na lamang ako kasi ako nakakausap kita pero siya hindi, kawawang Miguel.
"Ma'am medyo out of topic to pero kung pwede daw na si Belle yung partner ni Miguel sa Senior's Ball!" tumatawang sambit ni Elliot.
Nag-ayieee yung mga classmates natin. Tapos ako? Edi ito, nakikitawa kunyare.
Tinitingnan kita nun, nginitian mo ng pabirong peke si Elliot, tinawanan ka lang ni Elliot.
Dahil gusto kong tumingin ka rin sakin nakisali ako, "Ma'am ang choosy ni Belle di naman sakanya bagay!" tawa ko, nakitawa naman yung iba nating classmates.
Agad mo kong nilingon nun at mistulang babatuhin mo ko ng crumpled paper. Pero pabiro mo lang akong sinamaan ng tingin.
Tinawanan lang kita, naku kung malapit lang ako sayo kinurot ko na yung pisngi mo!
"Ah ma'am?" Biglang nagtahimikan yung classmates natin sa biglang pagsalita ni Miguel.
Madalas kasi tatahimik lang sya pag nagbibiruan pero syempre halatang kinikilig yung loko.
Pero sumipol si Elliot, "Hashtag lakas loob." mahinang biro ni Elliot pero narinig ng lahat kaya nagtawanan sila. Peke akong ngumiti.
Kinakabahan ako ah.
Umubo si Miguel kaya tumahimik na sila, parang gusto talaga nilang pagsalitain yung loko, mga hunghang.
Kailangan di ko pagsalitain yung lokong to baka maglakas loob talaga tas mahiya kang tumanggi.
"Tapos biglang 'may i go out?-" pinatigil ni ma'am ang plano kong pagsabotahe.
"Mr. Cuesta hayaan nating magsalita tong si Mr. Rosario." Nakangisi pang pagpigil niya. Isa pang hunghang.
Tumawa na lang ako ng pabiro.
"Ah..." Napakamot yung loko sa batok. "Pwede ba, Belle? Sa ano... Senior's ball--" hindi na nakatapos yung loko kasi biniro na kayo ng mga classmates natin.
Pinagbabatukan pa si Miguel ng mga katabi niya tapos ikaw halos alugin ng mga katabi mo.
Nakatingin lang ako sayo, nag aantay ng sagot mo.
Wag, Belle. Aayain kita mamaya. Wag kang pumayag, Belle.
"Ms. Andrada sagot na naku at magt-time na!" Kinikilig pang hirit ni ma'am. Hilig pa kasi nitong mangunsinti!
"Mr. Rosario ayusin mo naman kasi yung tanong mo!" Hirit pa ni Ma'am.
Yung loko lumapit pa sayo, nagtilian naman classmates natin.
"Naku ma'am parang baliktad kasi si Belle daw dapat yung mag aaya kasi mukha naman siyang lalake!" Di na ko nakapigil. Nagpapansin ulit ako.
Kailangan mo kong tignan. Pero di mo ko tinignan noon.
"Ang ingay netong si Peter! Sila bida dito nakikinood lang tayo o!" Biro sakin ni Elliot.
Wag mo kong binibiro ngayon. Gustong gusto ko syang samaan ng tingin pero tinawanan ko lang sya.
"Wag kamo kayong maingay dalawa!" saway samin ni ma'am
"Belle pwede ba kitang maging partner sa seniors ball?" mabilisang sambit ni Miguel.
Nagtilian na naman yung mga classmates natin pero mas malakas pa ata yung tili ni ma'am.
Lahat sila nakatingin sayo, subukan ko mang magsalita at muling manabotahe ay hindi ko magawa dahil patingin tingin at nakabantay na saaming dalawa ni Elliot si ma'am. Hindi kami binibigyan ng pagkakataong mag ingay ulit.
"Oo.." Mahinang sambit mo, pagkatapos ay nagtilian na sila ng mas malakas pa kesa sa kanina at para namang pelikula nung saktong nag ring yung bell pagkatapos ng lahat.
Putanginang bell dapat kanina pa yun tumunog.
Inasar asar pa kayo ng mga classmates natin bago sila naglabasan. Tapos ako kunyareng naglalaro sa cellphone.
Ako, ikaw at si Miguel at mga tropa niya na lang yung natira sa room.
Sumisilip akong pasimple habang pinapasok mo sa bag mo yung mga gamit mo habang pinagtutulakan naman si Miguel ng mga kaibigan niya.
"Magpaalam ka na tol.." Bulong pa nung mga tropa niya.
Umubo si loko para makuha ang atensyon mo, nilingon mo naman siya. "Ah, Belle... Ingat ka mamaya.." hiyang hiyang bigkas ni walanghiya.
"Salamat... Ingat din kayo.." Kumaway ka pa sakanila pagkatapos ay inayos mo na ulit yung mga gamit mo.
Habang binibiro si Miguel ng mga kaibigan niya ay naglabasan na sila.
Kumukuha ako ng tiyempo. Nung patapos ka nang mag ayos dun na ko umacting.
"TALO NA NAMAN!" Wow, Peter parang sa totoong buhay lang ah? Talo na rin para kay Belle. Tangina.
Tinignan kita, kunyare nagulat ako na may tao pa. Inilingan mo lang ako pagkatapos ay sinukbit mo na yung bag mo.
Paalis ka na nung nag isip na naman ako ng paraan kung pano kita makakausap, "Hoy pautang!"
Tumigil ka naman sa paglalakad tapos nilingon mo ko. Nagmakeface ka. Putek Belle, baliw na ko sayo.
"Magkano po mahal na kamahalan?" kunyareng tamad mong singhal
"Sumbong kita kay Miguel ako pala mahal mo ha?" tawa ko, sana totoo.
Nagpeke kang suka, teka e ano? Si Miguel yung gusto mo? medyo nagseryoso ako nun.
"Gusto mo na sya no?" lumapit na ko sayo nun, kunot noo naman agad ang sinagot mo sakin.
"Tito Boy ikaw ba yan?" Pabiro mong sambit.
Tumawa ako ng konti para hindi mo makitang seryoso talaga ko. Mamaya mahalata mo pa.
"Sus Belle, may pag iwas ka pa sakanya eh gusto mo din naman pala sya~" sinundot sundot ko pa ang bewang mo nun, pinigilan mo naman ako.
"Baliw. Ayaw ko na kasing paasahin yung tao." napakunot noo naman ako sa sinabe mo.
"Ang harsh kasi kung titignan. Naglakas loob siyang umamin tapos biglang hindi ko na lang siya pinansin... Eh ayaw ko lang naman na mabigyan niya pa ng ibigsabihin yung pansin na ibibigay ko sakanya. Pero ang bad pa rin no?" sambit mo.
"Eh bakit ka pumayag?" kinunutan kita ng noo.
Agad mo kong singhalan, "Eh gawa mo! Pero tama ka naman, nag iinarte pa ko eh hindi naman talaga bagay sakin. Tsaka liliwanagin ko na lang siguro sakanya na as friend yun kasi may pinagsamahan din naman kaming dalawa." Kibit balikat mo.
Dahil sakin. Dahil sa sinabe ko. Tangina lang, Peter.
Huminga kang malalim tas nilingon ulit ako, "Teka magkano ba uutangin mo? Inubos mo na naman ata pera mo para sa pagpapaload para sa mobile legends e!" Sambit mo pagkatapos ay tumawa ka.
Umubo ako at pinilit din tumawa.
"Ano.. Maglalakad na lang pala 'ko." pinilit kong pagandahin yung tono ng boses ko.
Tumango ka, "'Kay!" mabilis mong sambit pagkatapos ay tinalikuran mo na ko.
Okay lang yan, Peter. Wala naman pala siyang gusto. Pilit kong pagpapagaan loob sa sarili ko.
Pero bakit parang saming dalawa ni Miguel.. ako talaga yung talo.
Bago ka lumabas ng pintuan tinawag ulit kita, isang tingin pa Belle baka sakaling masaya akong uuwi ngayon. "Belle!" Agad mo naman akong nilingon.
Kinunutan mo lang ako ng noo, di ko alam yung sasabihin ko kaya nagmakeface muna ako. Natatawa ka namang umiling, "Ano na naman Pedro?"
"Ano... Tama yung ginawa mo kanina. Di ka naman kagandahan mag iinarte ka pa ba?" tumawa ako
Huminga ka naman ng malalim at inirapan na naman ako ng pabiro, dinilaan mo pa ko, "Makakita ka sana ng mumu sa paglakakad mo pauwi!" Pabiro mong galit at nagmartsa na paalis. Tumawa naman ako.
Nung seniors ball, sobrang ganda mo. Pero halatang hindi mo napansin yung mga taong nakasunod ng tingin sayo.
Kakatapos lang nung cotillion di ko masyadong pinanood kasi nanabadtrip lang ako sa bawat paghaplos ni Miguel nun sayo.
Tapos ngayon nagsasalita sa harap yung dean bago magsimula yung pinaka party.
"Belle mukha kang lalakeng may makeup!" narinig kong nagbibiruan kayo ng mga kaibigan mo.
"Hoy hindi ah! Grabe kayoooo! Mukha lang unggoy na may makeup" Nagtawanan naman kayo.
"Kunyare pa kayo e pareparehas naman tayo!" mas lumakas yung tawanan niyong magkakaibigan sa sinabe mo.
Sabi ko nun ang swerte mo sa kaibigan kasi harsh sila pag magkakatapat kayo pero pag hindi na? Ang gaganda ng mga sinasabe nila sayo. Usual true friends.
"Pre." Napatingin ako kay, Jetro. Binigyan niya ko ng wine.
"Salamat pre." kasabay ng pagkuha ko sa wine yung malakas na tawanan niyong magkakaibigan.
"Ingay talaga ng magtrotropa na yan." Iiling iling na sambit ni Jetro pagkatapos ay natawa na lang siya.
"Pero tangina nagagandahan na ko kay Belle pero mas lalo siyang maganda ngayon. Di kasi yan siya nagmamake up no? Kaya nakakagulat siya ngayon. Gago kamusta kaya yung puso ni Miguel?" tumawa ng napakalakas si Jetro.
Buti na lang napansin ka nya kaya makita niya man akong nakatitig sayo, maiisip niyang kasi pinag uusapan ka lang namin.
"Saan banda pare?" biro ko na lang
"Seryoso ka ba diyan?" tumawa na lang si Jetro at umiling, "Napapansin kong lagi mong inaasar si Belle sa ganiyan, buti di siya nagtatanim ng galit." Tawa pa niya.
"Siguro naman alam niyang binibiro ko lang siya? May salamin naman ata sa bahay nila?" sumimsim ako sa wine si Jetro naman ay natawa at nagkibit balikat, "Sabagay."
Natapos na sa mahabang litanya yung dean namin at dun na nagsimulang tumugtog yung malalaking speaker.
"Yun! Putangina natapos din sya sa litanya nya, sige bro! Sayaw na sayaw na ko e!" tumatawang tinanguan ko lang si Jethro tapos tinignan ulit kita.
Nagbibiruan pa din kayo ng mga kaibigan mo.
Niyaya ka nila sa gitna pero umiling ka, "Kain muna ako, susunod ako sainyo mamaya.."
Nung narinig ko yun ay agad akong lumapit sa mga pagkain para kunyare mas nauna ako.
Mga ilang sandali lang ay naaninag na kita.
Sumipol ako kunyare nung palapit ka na, inirapan mo lang ako.
"Medyo gwapo ka ngayon." hindi ko alam kung seseryosohin ko yung sinabe mo pero sineryoso agad yun ng puso ko. Ang bilis ng kutob.
Umubo naman ako at tumawa, "Walang bago." mayabang kong sambit, inilingan mo lang ako tapos lumapit ka na sa chocolate fountain.
Nilapitan kita... "Ikaw naman ang ganda mo..." natigilan ka ng ilang sandali, nagulat at napakurap rin ako sa nasabi ko, bago ka humarap sakin.
Peter mag isip ka! Lumunok ako, "Ang ganda mong palabasin kasi ikaw lang yung mukhang naiiba dito." medyo oa na yung tawa ko. Kinakabahan ako. Baka mahuli mo.
Akmang babatukan mo ko kunyare pero kumuha ka lang ng sticks para tuhugin yung marshmallows tapos tinawanan mo lang ako.
Napahinga ako ng malalim at napahawak sa may bandang dibdib. Success.
Pagkatapos mong kumuha ay hinarap mo ko, taena ang ganda ganda mo "Oh gusto mo?" pag aalok mo sakin.
Ramdam kong pumungay yung mga mata ko, "Oo.. Gusto kit--- geste ke yen indey." Tangina ang lame, Peter! Pero buti na lang at natauhan ako, tumawa na naman ako ng mas oa kesa sa mga pekeng kilos ko noon.
Ano ba Peter matagal mo nang nilalabanan bakit parang talo ka ng feelings mo ngayon?
Dumila ka, "Gusto mong tusukin kita?" tumawa ka, "Akala mo ha?" nagmakeface ka ng mapang asar na mukha.
"Takteng mukha yan, Belle." iiling iling at walang malay kong sambit. Takteng mukha yan.. Ang ganda pa rin.
Kinunutan mo ko ng noo, "Inaano ka na naman ng mukha ko?" oa sa lungkot yung boses mo tas nagbiro kang parang iiyak. Natawa na lang ako.
Biglang nag switch sa lovesong yung kanta. Sweet dance. Nung nilingon kita paalis ka na, hindi mo napansin na may mag aaya sana sayo kaso napansin na kumakain ka kaya lumayo na lang sya.
Buti na lang.
Nakakailang kanta na bago ka matapos kumain, doon naglapitan yung classmates natin sayo kasama si Miguel.
"Hoy Miguel kami muna ikaw na nga sa cotillion kanina e." pabirong singhal kay Miguel nung mga classmates namin, nakisangayon naman yung iba.
Malamang yung iba diyan may gusto rin sayo. Mga pasimple.
Hindi ako makasingit sa pag aaya, hindi ba naman pumayag yung mga lalaki natin classmate na hindi ka maisayaw e. Di na nga makasingit yung ibang sections na mga lalaki. At kita kong hindi mo napansin yun.
Bakit parang wala kang kaalam alam?
"Okay students ito ang last party song bago yung last sweet dance.. Kaya hawakan niyo na ng mahigpit yung balak niyong isayaw sa huli." hanggang sa hindi ko namalayan na last kanta na lang yun.
Buti na lang at nag CR ka. Nag aabang ako ng pasimple nang bigla kong napansin ko si Miguel sa hindi kalayuan. Talaga nga naman. Tangina mo, Miguel to the highest level.
Mahaba yung pila sa CR ng babae. Medyo nasa dulo ka pa. Aabot kaya? At kung aabot man pano ko uunahan si Miguel?
Bahala na.
Hanggang sa patapos na yung second to the last na tugtog. Sakto nun yung pagpasok mo sa CR.
Mga ilang sandali ay lumabas ka na.
Parang wala na kong pake nakisiksik ako sa mga tao at nung malapit na ko sayo hinigit agad kita.
"Hoy Pedro! Nakaheels po ako no?" Singhal mo habang hinihigit pa rin kita sa gitna, nadaanan pa natin si Miguel.
"Belle.." sambit pa niya, hinarap ko sya, "Nauna ako pre." Pang aasar ko sakanya at nagkibit balikat ako pagkatapos ay hinigit ulit kita papuntang gitna.
Nung nasa lugar na tayo kung san ko gusto, dun kita hinarap.
Otomatikong ngumiti yung mga labi ko, kinuha ko yung kamay mo at pinaramdam yung palad mo sa dibdib ko.
Ano namang ginagawa mo Peter? Napapikit ako ng mariin nun.
"Ramdam mo ba, Belle?" pagmulat ko ay mapungay pa rin yung mga mata ko.
Nakita kong nanlalaki yung mga mata mo, Belle... Hindi ko na mapigilan nun. Tinatalo na talaga ng puso ko yung utak ko..
"P-peter?" Napakurap kurap ka at nagpapalit palit yung tingin mo sa mata ko tapos sa palad mong nasa dibdib ko.
Lumunok ako naramdaman ko din ang pagigting ng mga panga ko. Sinubukan kong labanan, Belle.
Nanalo ako, "Ganyan ka kabigat hilahin! Ang payat mong tignan pero mala iguana ka no? Sabagay mukha ka namang iguana-" binitawan kita at tumawa ako ng malakas.
Binatukan mo ko, tinawanan lang ulit kita.
"Tara sayaw tayo?" Nilagay ko na agad yung dalawa mong kamay sa balikat ko, at mainam kong pinwesto yung mga palad ko sa bewang mo. Mamaya tanggihan mo pa ko e.
Matagal kitang tinitigan, umiiwas ka ng tingin pero binabalik mo rin. Naa-awkward ka na naman. Eh kasi naman Belle, ang hirap talagang labanan.
"Ang sakit mo sa mata." halakhak ko, nawala naman sa mukha mo yung kaninang mong ekspresyon. Huminga ka na lang ng malalim tas sininghalan ako, "Eh bakit kasi sinayaw mo pa ko?" umirap ka nun, parang wala na yung biro sa tono mo pero tinawanan lang kita. Tapos nung akmang lalayo ka na, agad kitang nilapit sakin.
"Di mo ba nahahalata? Binibigyan ka namin ng konsiderasyon kasi baka walang magsayaw sayo!" humalakhak ako ulit, akmang lalayo ka na naman kaya nilapit ulit kita agad sakin.
"Pang asar lang kay Miguel! Tsaka ano ka ba? Tinutulungan kitang iwasan si Miguel. Para di ka mahirapang tumanggi diba?" nagtaas ka ng kilay at mukhang naniniwala ka na naman sa imbento kong dahilan.
Nginitian mo ko, "Salamat..."
Pinisil ko yung tutok ng ilong mo nun at, "Pangit mo.." sambit ko na lang kasi baka ano pang masabe ko.
Pabiro mo kong inirapan, "Salamat rin sa konsiderasyon niyo kasi di ako nabangko at nagmukhang kawawa kanina." tawa mo.
Hindi na lang ulit ako sumagot kasi mahirap na... baka may masabi naman akong magpapahalata ng nararamdaman ko para sayo.
Noon hindi ko alam kung bakit ang hirap kalabanin nung nararadaman ko sayo nung araw na yun.
Pero ngayon? Pagkatapos kong mapanood yung video mo? Yung video mong kumakalat ngayon alam ko na kung bakit...
Kabisado ko yung mga pagkakataong magkausap tayo pero parang mas kabisado ko yung napanood ko...
Nakasuot ka pa ng gown nun, galing senior's ball. Pinupunasan mo yung make up mo ng wet wipes, namamasa yung mukha mo dahil dun pero yung luha mo ang pinaka dahilan kung bakit basang basa yung mukha mo..
"Potek Belle! Ang pangit mo!"
Tumawa ka habang humihikbi.
Tumigil ka sa pagtanggal ng make up. Ilang sandali mong tinitigan yung mukha mo pagkatapos ay tumawa ka na naman. "Mukhang lalake.. Mukhang unggoy.. Iguana.. Perfect combination!" Tulo ng tulo yung luha mo.
Pero kitang kita pa rin sa mata mo kung gano ka kalungkot.
"Konsiderasyon..." iiling iling kang tumatawa pero patuloy pa rin sa pagpatak yung luha mo.
Tumigil ka ulit at tinitigan mo yung mukha mo, itinaas, ibinaba, kinaliwa at kinanan mo yung cellphone mo para bang naghahanap ka ng anggulong gusto mo pero wala ka atang nakita. Hindi ko alam kung bakit. Pero sa lahat ng anggulong yun maganda ka. Hindi mo lang nakita..
"TANGINANG MUKHA YAN! ANG SAKIT SA MATA!" May hinagis kang kung anong bagay at tumingin ulit sa camera.
"Kung bakit kasi ang pangit pangit ko? Ang pangit pangit ko!" binitawan mo yung cellphone mo at lumayo ka dito. Pero nahagip ka pa rin ng camera.
Pumunta ka sa kama mo. Sinabunutan mo yung sarili mo at inuntug yung ulo mo sa pader.
Kumuha ka ng unan at inipit mo yung mukha mo.
Sumigaw ka ng mahina.
Bumabalik ka sa cellphone mo para tignan ulit yung mukha mo pero binibitawan mo lang uli at bumabalik ka sa kama mo. Para bang nagbabalikbalik ka para tignan kung may nabago. Sinasampal sampal mo yung mukha mo.. Kinukurot tapos bumalik ka ulit sa kama para magtaklob ng unan at sumigaw ng mahina.
Biglang may kumatok. Agad kang bumangon. Agad kang lumapit sa cellphone mo.
"Naglilinis po ako.." ang ganda ng pagbitaw mo sa bawat salita. Parang sanay na sanay kang pekein yung tunay mong nararamdaman.
Doon natapos yung video. Kinabukasan nun. Patay ka na. Suicide.
Nandito ako ngayon sa lamay mo. Wala akong nararamdaman kundi sakit.
"Kasalanan natin.... kasalanan namin tita. Sana mapatawad m-mo kami. Kami... kami yung pumutay s-sakanya tita... T-tita kami yung pumatay kay B-belle...." Paulit ulit itong sinasambit ng isa sa mga kaibigan mo. Kanina pa sya umiiyak, ganun rin ang iba mo pang kaibigan habang sinusubukan siyang pakalmahin hanggang sa napaupo na sya sa sahig.
Wala namang masabi ang mama mo, iyak at hagulgol lang rin ang tanging naisasagot nya sa mga ito.
Habang ako ay kanina pang tulala. Kanina ko pa rin gustong sabihin sakanila na kung may dapat sisihin dito.... ako 'yon.
Ako ang may kasalanan.
Ako yung pumatay sayo, Belle.
Siguro kung hindi ko pinilit na kalabanin yung nararamdaman ko sayo nung araw mismo na iyon. Nailigtas pa sana kita.
Sana nagpakatotoo ako sayo nun. Sana ako mismo yung nagpaalam sayo kung gano ka kagandang... likha. Sana araw araw ko sayo pinaalala iyon.
Hindi matanggap ng pagkatao ko yung nangyari. Hindi ko alam. Bakit hindi ko alam na sa bawat peke ko sa mga salitang binibitawan ko sayo, peke rin pala yung bawat pagtanggap mo doon.
Tangina, Belle... Ang hirap balikan ng bawat memorya kasi habang binabalikan ko mas sumasakit...
Belle... Nabigo akong piliin yung puso ko noon, pinili kong di piliin yung senyales na binibigay sakin ng Panginoon.
Senyales na ba to na dapat kong piliin ang pag sunod sayo ngayon?
-
Nice story..