Possessed Part II: The demon in her

3 41
Avatar for icary
Written by
3 years ago

Lumipas ang mga taon ilan pang mga kaguluhan ang naganap sa bahay na iyon. Hindi pa rin matigil ang mga kaluluwang naninirahan doon, sila'y mababait ngunit kapag ginambala'y nananakit. Naikwento ko na unang pangyayari na gumuhit sa aming isipan at 'di kalaunay ito ay lalo pang nadagdagan.

May birthday na nagaganap nang araw na iyon, nagkakasiyahan ang lahat, kabilaang ingay, kantahan at inuman ang iyong masusulyapan. Mayroon pa kaming bakuran nang mga panahong iyon, doon idinala ang ibang mga bisita sapagkat puno na ang mga tao sa loob, mayroon namang ilaw na nagsisilbing liwanag sa oras na sumapit ang gabi, nandoon din nakapwesto ang dati naming kusina kaya naman mas madaling magdala nang makakain sa mga bibisita.

Nasa bakuran kami kasama ko ang aking buong pamilya, pare-pareho silang nagsasaya at nag iinuman habang kami ay nakikinig lamang at kumakain nang mga handa. Nilapitan ko si mama at papa na nasa gilid nagkwekwentuhan sumunod naman sila ate na nakisali rin sa kulitan, naupo kami sa katawan ng puno na bumagsak kasama sila mama, ate, kuya at bunso kong kapatid nang biglang batuhin ni mama si papa nang baso dahil kasalukuyan na silang nagtatalo at nakainom na rin si mama. Nabigla kami sa pangyayari kaya naman ay dinamayan namin si mama dahil sa umiiyak na ito, habang si kuya naman ay hindi mapakali sa nakikita niyang paniki na paligid ligid sa amin.

"Ate, tignan mo yung paniki kanina pa siya paikot ikot dito, mukhang 'di to ordinaryong paniki lang. Bantayan niyo si mama, hindi ko tatanggalan nang tingin 'to." Sabi ni kuya habang nakatingin sa paniking kasalukuyang umaaligid.

Wala akong magawa kaya tinawag ko si papa,

"Pa, si mama umiiyak dito. Tulungan mo kami."

"Ayos lang yan titigil din siya, nakainom lang." Sambit niya sa akin.

Patuloy pa rin sa pag iyak si mama at si kuya naman ay patuloy pa rin sa pagmamasid nang bigla ang kanina'y iyak napalitan ng nakakatakot na tawa. Hindi na mapakali si kuya nawala rin sa paningin niya ang kaninang paniki na paligid ligid lang at si mama naman ay nagsimulang magwala at tumawa nang tumawa. Hindi na tama ang nangyayari may mali na. Nagsigawan na ang lahat at nagkagulo na, hinawakan nila si mama dahil kumakawala na ito at nagwawala ngunit hindi nila siya kaya hinahagis lamang sila.

Wala akong magawa kundi tumawag nang tutulong sa amin dahil sa taranta ko'y pati ang lasing ay natawag ko na rin, wala na 'kong pakielam kailangan 'kong matulungan si mama hinila ko na ang lahat nang lalaki na nasa loob nang bahay pero pinagalitan ako at sinabing ang mga nasa tamang katinuan lamang ang tawagin dahil baka mas lumaki ang problema kung isasama pati ang mga lasing na. Ang kaninang kasiyahan ay napalitan ng takot, hindi na bago sa amin ang mga ganitong pangyayari ngunit si mama ang kasunod na biktima kaya nababahala na ko.

Mabilisang nagsipunta ang mga kalalakihan na nasa matino pang kaisipan, nawala ang lasing nila dahil sa mga pangyayari. Sama-sama nilang hinawakan si mama para ipasok sa loob nang bahay pero sobrang lakas niya kaya halos mahigit sa sampong katao ang kailangan humawak sakaniya para lamang maipasok siya. Kami ng bunso kong kapatid kasama ang mga batang nasa bahay ay ipinapasok muna sa loob nang bahay ni lola, doon kami pinatulog at pinaghintay para matapos ang mga kaganapan.

Nasa loob kami nang bahay pero rinig na rinig namin ang nakakatakot na tawa ni mama na umaalingasaw mula sa kabilang bahay, ang lakas ng elementong pumasok sakaniya. Kada oras ay lumalabas ako sa terrace para makasagap nang mga impormasyon, kasalukuyan pa rin nilang pinapalabas ang kung ano mang nasa loob ni mama. Sumisilip ako sa bahay kung nasaan si mama kapag sinasabi nila na bumalik na si mama sa ulirat at patuloy itong nagkwekwento, siguro'y napagod na ang elementong sumanib sakaniya. Narinig ko ang kwento ni mama habang siya ay nakadapa sa sahig, ito ang mga sinabi niya.

"May nakita akong payat na lalaking maitim sa likod ni papa niyo kanina papalapit sakin kaya sa sobrang takot ko ibinato ko yung baso na hawak ko sakaniya. Sa pagkakaalam ko nakaupo tayo sa puno tapos biglang dumilim yung paligid ko, nakita ko sila sa likod sobrang dami nila nakatira sila sa mga puno nang mangga. Nandoon lahat sila, niyayaya nila akong sumama sakanila, doon na raw ako manirahan kasama sila. Gusto raw ako ng pinakamalakas sakanila kaya niya ko dinala doon, gusto niya kong maging asawa."

Hindi ko na tinapos pa ang mga ikinukwento niya bumalik ako agad sa bahay ni lola dahil may nagsasabi sa utak ko na hindi pa tapos ang nangyayari. Hindi nga ako nagkamali, kabalik ko sa bahay ni lola ay siya namang pagsisimula ni mama ulit magwala. Sa pangalawang beses ay mas lalo siyang lumakas kaya mas kinailangan nila nang mga tutulong sa kanila. Nandoon lamang ako sa terrace nag aantay nang biglang lumabas ang pinsan kong lalaki at sinabing,

"Car, pumunta ka doon sa loob. Tinatawag ka ni mama mo, baka ikaw na yung makakapagpatanggal nung sumanib sakaniya."

Imbis na matuwa at mas lalo akong pinasukan nang takot sa loob ko kaya sinabi kong sakaniya na,

"Ayoko, hindi naman si mama yung tumatawag sakin. Bakit naman ako tatawagin ni mama kung may sanib siya." Sabay pasok ko sa loob nang bahay dahil sa takot na namuo sa akin, tawagin niyo na akong duwag o walang pakielam pero hindi ako hahayaan ni mama na mapahamak, mas lalo pang tawagin ang ngalan ko kung nandoon naman ang dalawa kong nakakatandang kapatid.

Pagpasok ko sa loob ay sinabi ko kay lola ang sinabi ng pinsan ko, natuwa naman siya sa ginawa ko at sinabing,

"Tama na hindi ka pumunta doon dahil hindi naman si mama mo yun. Mas mahina ka kaya ikaw ang hinahanap niya, baka balak niyang sayo lumipat dahil mas madali kang makuha."

Hindi ulit ako nagkamali sa desisyon ko, may bagay talagang pumipigil sakin para pumunta doon at tugunan ang hinihiling ni mama na makita ako. Ilang oras pa at hindi pa rin sila tapos paalisin kung ano man ang nasa loob ni mama. Dinalaw naman ako nang antok kaya naman napagdesisyunan naming matulog na, binantayan kami nang nakatatanda naming pinsan.

Kinabukasan kagising ko ay dali-dali akong nagpunta sa bahay dahil alam ko naman na tapos na ang lahat at gusto ko ring malaman kung ayos lang si mama, pagpasok ko ay tulog na ang lahat. Si papa ay yakap si mama sa pagtulog habang sila ate naman ay nasa lapag natutulog dulot na rin siguro nang pagod sa buong gabi na pag-alalay kay mama. Tumabi ako kila ate at natulog ulit, pagmulat nang mata ko ay siya namang pagsalubong nang mukha ni mama sakin. Tinitignan niya ko habang natutulog, nasa harap nang mukha ko ang mukha niya. Medyo natakot ako pero naglakas loob pa rin akong kausapin si mama.

"Ma, okay ka lang? Anong nangyari kagabi?"

"Oo naman, hindi ko alam anong meron kagabi." Habang nakaupo sa harap nang salamin at nagpupulbos, mugto ang mata niya at bakas sa mukha niya na alam niya kung ano ang mga nangyari pero pinili na lamang niyang kalimutan ang mga ito.

Hindi ko na inopen pa ang pangyayari o nagtanong man sakaniya dahil hindi ito magandang karanasan sa tutuusin at ayoko nang dumagdag pa. Pinagmamasdan ko si mama at nasabi sa isip ko na, thank you po at okay na.

Matapos ang mga pangyayari ay napagkwentuhan nila ate, ang mga saksi sa kaganapan kung ano ang mga naganap nang gabing iyon. Nasabi nila na demonyo ang sumanib kay mama at gusto niyang mapangasawa si mama. Naattract ito sa mahaba at itim na itim na buhok ni mama, nahuhumaling kasi sila sa ganitong mga bagay. Hindi pa rin naman siya umaalis sa bahay na iyon at umaaligid pa rin siya, kumukuha nang tiyempo.

Marami pong salamat sa pagbabasa, nawa'y natuwa kayo sa kwento ko.

3
$ 2.41
$ 2.41 from @TheRandomRewarder
Sponsors of icary
empty
empty
empty
Avatar for icary
Written by
3 years ago

Comments

Owshems creepy mamsh. Ingatsu kayo dyan 🥺

$ 0.00
3 years ago

True mamsh, kayo rin ingat kayo. Di pa siya nawawala sa bahay nandun pa rin siya nagbabantay, umaaligid.

$ 0.00
3 years ago

Owsht, takutin mo na mamsh huahua

$ 0.00
3 years ago