Hello there again read.cash users, the story that I am about to share to all of you is about my grandma. This happened way back 2015.
Bigla kaming nakatanggap nang tawag mula sa bahay at sinasabing umuwi kami sa bahay matanda dahil nais ng aming lola na makita lahat ng kanyang mga apo at anak kaya dali-dali kaming naggayak at nagbiyahe papunta sa bahay na may agam-agam sa damdamin at kaisipan.
Alam naman namin na may katandaan na ang aming lola at may mga iniinda na rin itong mga karamdaman ngunit hindi iyon dahilan para masabing siya ay mamamaalam. Nakarating kami sa bahay at nandoon nakapulong na ang aming mga pinsan tinatanong kung ano ang meron. Pinalapit niya kaming lahat at nagsimula siyang magsabi nang kung ano ano na animo'y walang katapusan ang nais niyang sabihin, gumaan naman ang aming loob dahil mabuti naman at ayos lamang siya.
Nagdaan ang ilang araw pero may maling nangyayari na kinabahala naming lahat simula noon ay hindi maaaring walang matirang nagbabantay sakanya kaya nagsasalitan kami kapag kami ay umuuwi galing sa eskuwelahan.
Nagsimula ang mga pangyayari nang madalas niya kaming pagsabihang tanggalin ang mga damo at bulaklak na tumutubo-- tumutubo sa loob ng bahay, sa gilid ng kaniyang higaan.
"Bakit hindi niyo bunutin 'tong mga damo at bulaklak, napakadami. Hindi ako makatulog dahil sakanila." Sabi niya.
Ngunit paano namin bubunutin o tatanggalin ang mga bagay na kami mismo'y hindi namin makita, wala kaming magawa kaya naman tinanong namin,
"Nasan ba lola yung mga damo at bulaklak?"
Isa-isa niyang itinuro kung nasaan ang mga ito nang hindi na nagtatanong kung bakit hindi namin nakikita kung ano ang nakikita niya.
Buong akala namin ay damo at bulaklak lamang ang kaniyang nakikita, ngunit kinagugulat namin ang mga araw na nagdadaan dahil kada araw ay mayroon siyang bagong mga pasa. Napatanong na kami kung ano ang meron kung bakit may mga pasa siya,
"Lola, saan mo nakukuha tong mga pasa mo? Bakit andami?"
"Iniiwasan ko kasi yung mga butas andami nila baka mahulog ako kaya 'di ko namamalayan natatama ako sa pader at gamit."
Ikinagulat naming lahat iyon kaya lagi na siyang may bantay kada oras, pero isang araw nagulat kaming lahat dahil nagsisisigaw na ang bunso kong kapatid katapos niyang pumasok para icheck ang aming lola, agaran naman kaming nagsipunta para malaman kung ano ang nangyayari.
"Buti nalang pumasok ako rito kundi baka tumama na yung ulo ni lola sa semento." Sabi nang bunso kong kapatid.
"Bakit ano bang nangyari dito bakit ang laki ng pasa ni lola sa noo?"
"Nakita ko siyang nakatayo sa kama niya patalon na at mukhang iniiwasan nanamang niya yung nakikita niyang mga butas baka mahulog daw siya kaya tumakbo ako at buti nasalo ko siya bago pa siya tuluyan bumagsak."
Sobra na kaming nababahala, ilang beses namin sinasabi sakanya na hindi totoo ang mga nakikita niya at wala talagang mga butas pero halos isang linggo na ngunit makikita mo pa rin siyang umiiwas sa mga aniya'y butas kahit na ipakita na ng aming pinsan na wala talagang butas sa pamamagitan nang pagtayo at talon sa puwestong kaniyang tinuturo ay wala pa rin itong epekto. Kaya lagi na naming sinasabi kung may tatamaan na siyang bagay o pader.
Isa pang bagay na lagi niyang kinukwento nung mga araw na iyon ay ang mga nakikita niyang sundalo na dumadalaw at nagdadala sakaniya nang pagkain. Hindi ko pa pala nasasabi sainyo, dating maisan at tapunan nang patay ang kinatitirikan ng aming bahay noong panahon ng mga kastila. Kaya hindi na nakapagtataka kung bakit ganoon nalang kadami ang mga kababalaghan na nangyayari sa bahay na iyon.
Isang araw sinabi niya samin na mayroon tatlong sundalong kastila ang dumalaw sakaniya habang siya ay natutulog, may dala ang mga ito na pagkain at nakipagkwentuhan pa ang mga ito sakaniya. Wala kaming maisumbat dahil sa una wala kaming ideya sa mga nangyayari at pangalawa'y siya lamang ang nakakakita nang mga ito. Kaya nakikinig lamang kami sa bawat kwento niya at sinasabi sakaniyang huwag kainin ang kung anong bagay na ibigay ng mga ito.
2 linggo naming naranasan ang mga bagay na ito at sa dalawang linggong iyon ay lagi niya kaming ipinapatawag.
Isang araw nagising siya at sinabi sa amin na napakatagal daw niyang natulog at nagtataka kung bakit napakarami naming nagbabantay sakaniya na siya namang ikinataka namin kaya nagsimula kaming nagkwento tungkol sa lahat nang nangyari sa loob ng 2 linggo.
Bakas sa mukha niya ang pagkalito at hindi paniniwala na may ganoon palang nangyayari ngunit sa buong akala niya ay matagal lamang ang kaniyang pagkakatulog.
"Akala ko natutulog lang ako nang napakahaba, akala ko panaginip lang yung mga bulaklak, damo at kung ano ano."
Wala na kaming alam sabihin pero buti na lamang ay hindi na ulit mangyayari ang mga iyon. Pero ilang buwan lamang katapos nang mga pangyayari ay namaalam nang tuluyan ang aming lola. Hindi niya naabutan ang birthday na ilang buwan na niyang pinag iipunan at pinaghahandaan, syaka lang namin naintindihan na kung bakit nangyari ang lahat nang iyon. Nang dahil sa dalawang linggong iyon at nakapagbonding kami kahit na maraming problema ang dumating.
Sa lahat nang nagbabasa nito, habang may oras pa sabihin na nating mahal natin sila dahil hindi natin kailanman malalaman kung kailan sila babawiin ng maykapal. Maraming maraming salamat sa pagbabasa ng aking storya, sana'y nagustuhan niyo ito.
Om mamsh, those unexplainable events. True, nakabonding for the last time. No regrets🥺